LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Hulyo 1 (PIA) – Nagsagawa kamakailan ng pagsasanay ang pamahalaang lokal sa hanay ng mga barangay official sa ginanap na Seminar on Deputation as Environment and Natural Resources Officers (DENROs) sa El Pueblo Rhizort, Barangay Mahal na Pangalan, sa Lungsod ng Calapan.

Sa panimulang gawain, binigyang-diin ni Executive Assistant Dr. Romeo G. Infantado, kinatawan ni Gob. Alfonso V. Umali, Jr., na malaki ang responsibilidad ng mga opisyal ng barangay sa seminar na magsisilbi ngayong bantay at mata sa pagsasaayos ng kalikasan.

Ayon naman kay Provincial ENRO Mike Jumig, ang seminar ay panglima nang pagsasagawa simula pa noong taong 2014 na dinaluhan din ng may mahigit 50 delegado mula sa mga punong barangay, barangay environment officers, at ilang Municipal Environment Officers.

Tulad sa mga naunang seminar, tinalakay din sa pagkakataong ito ang mga lokal na ordinansa at mga batas hinggil sa kalikasan at ang mga paglabag dito. Ilan sa mga batas na ito ang Philippine Mining Act of 1995, People’s Small Mining Act of 1991, DENR Memorandum Order 2016-01, Prohibited Acts under RA 7942, DAO No. 2008-22, Chainsaw Act of 2003 at iba pang batas na magdadagdag kaalaman sa mga dumalo para sa kanilang pagpapatupad ng batas bilang mga DENRO sa kani-kanilang mga barangay.  (CPRSD/LTC/PIA-Mimaropa/Calapan)