Tagalog news: 35 katao, sinanay upang maging Construction Safety Officers

ODIONGAN, Romblon, Oktubre 19 (PIA) — Tatlumpo’t lima katao kamakailan ang nakapagtapos sa kursong Construction Occupational Safety & Health (COSH).
Ang naturang pagsasanay ay pinangunahan ng Department of Labor and Employment (DOLE)-Romblon sa pakikipagtulungan ng Corporate Occupational Safety and Health Environment Association of the Philippines (COSHEMAP). Ito ay nilahukan ng mga civil engineer ng iba’t ibang construction firm sa lalawigan, ilang inhenyero ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Romblon Engineering District at ilang kawani ng Bureau of Fire Protection at Local Government Units.

Layunin ng kursong ito na mabigyan ng sertipiko ang mga lumahok bilang patunay na kanilang nakakompleto ang itinakdang oras ng pagsasanay sa construction safety and health at may sapat ng kaalaman ukol sa pagpapatupad ng OSH sa industriya ng konstruksiyon at marunong mag-analisa hinggil sa risk &hazard, kayang gumawa ng tamang ebalwasyon, control & risk management.

Ang COSH ay 40-oras na pagsasanay na ipinatutupad ng DOLE-BWC bilang mandatory requirement para sa mga taong nais maging safety practitioner sa isang pagawaan o construction sites na titiyak at mangangalaga sa kaligtasan ng mga nagtatrabaho dito.(PJF/DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Advertisements

Tagalog news: Kautusan kontra-pagputol ng niyog sa OrMin, pinahigpit

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Okt 19 (PIA) – Higit pang pinahigpit ang pagpapatupad sa kautusang nauna nang inilabas ng Tanggapan ng Punong Lalawigan hinggil sa pagbabawal ng pagluluwas ng coco lumber matapos na lagdaan ni Gobernador Alfonso V. Umali, Jr. ang Executive Order No. 106 noong Agosto.

Ito ay isang kautusan na nagkokontrol sa pagpuputol ng mga puno ng niyog at pagbabawal sa pagluluwas ng coco lumber palabas ng lalawigan.
Ang kautusang ito ay nag-aamyenda sa Executive Order No. 85 na ipinatupad noong nakaraang taon upang maiangkop sa mga kasalukuyang kalagayan ng lalawigan.

Sa isang panayam kay Senior Adviser to the Governor on Upland Agriculture Jaime G. Nuevas, Jr., ginawa ang napapanahong batas bunsod nang mabilis na pagbaba ng produksyon ng niyog dahilan sa kasiraang dulot ng bagyong Nina gayundin ng patuloy na pagpuputol ng mga puno nito.

Ang pagputol ng puno ng niyog ay pinapayagan lamang kung may kaukulang permiso mula sa Philippine Coconut Authority (PCA) at ayon sa mga sumusunod na dahilan: Kung ang puno ay gagamitin sa pansariling pangangailangan; Ang puno ay hindi na namumunga nang maayos; Ang puno ay may sakit at wala ng lunas; Kung sinira ng bagyo o tinamaan ng kidlat; Kung ang puno ay dapat alisin sapagkat gagamitin ang lugar na pangkomersyal, residential o pang industriya na may kauukulang pahintulot mula sa PCA; Kung papalitan ito ng iba pang halaman o gamit pangsakahan na inaprubahan ng mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan; Kung ang puno ay maaring magdulot ng panganib sa buhay at ari-arian; at Kung sagabal ito sa isasagawang proyekto ng pamahalaan.

Binuodin ang isang task force upang maayos na maipatupad ang kautusan na pinamumunuan ng gobernador bilang Chairperson, ang hepe ng Philippine Coconut Authority bilang Vice-Chairperson at ang Sangguniang Panlalawigan Committee Chair on Laws, Ordinances and Legal Matters, Senior Adviser to the Governor on Upland Agriculture, Provincial Agriculture Office, Department of Agrarian Reform, Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO), Philippine National Police, Cooperative Council, PG – Environment and Natural Resources Office, Provincial Legal Office at ang Pangulo ng Association of Barangay Captains (ABC).

Samantala, nilagdaan na rin ng gobernador noon Agosto 25, 2017 ang Implementing Rules and Regulations bilang gabay para sa mas maayos na pagpapatupad ng batas na ito. Inaasahan ding dahil sa bagong batas, muling mapaparami ang produksyon ng niyog sa lalawigan at makakaagapay sa mga pangunahing produkto ng Oriental Mindoro. (CPRSD/LTC/PIA-Mimaropa/Calapan)

Tagalog news: Provincial Rice Summit, idinaos sa Palawan

LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA, Palawan, Okt 18 (PIA) — Pinangunahan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan ang pagsasagawa ng dalawang araw na rice summit kamakailan na naglalayong matugunan ang usaping kinakaharap ng mga magsasaka ng palay sa lalawigan.

Layon din ng summit na mabigyan ng update ang lahat ng magsasaka at iba pang kinauukulang ahensya at mga stakeholders sa kasalukuyang estado ng lalawigan pagdating sa sapat na suplay ng bigas.

Bilang bahagi ng programa, tinalakay ng mga kinauukulang ahensya ng pamahalaang nasyunal ang patungkol sa produksyon, teknolohiya, pagpapautang at pagbibigay puhunan, marketing, pagsasaliksik sa mga uri ng palay na angkop sa isang lugar at maging ang usapin sa irigasyon, pasilidad sa pagpapatuyo ng palay, at post harvest management.

Kaugnay nito, ayon sa Office of Provincial Agriculturist (OPA), sa kasalukuyan ay may 133 porsiyentong ‘rice sufficiency’ ang lalawigan na hangad pang mapataas pa sa susunod na taon.

Dito, ikinasa ang isang workshop na nilahukan ng mga magsasaka at nagbebenta, manggagawa at iba pang negosyanteng may kinalaman sa produksyon ng palay at industriya ng pagsasaka.

Hangad din ng summit na makabuo ng panlimang taong malawakang produksyon ng palay at planong pangkaunlaran.

Samantala, kabilang sa mga naglatag ng mga mahahalagang impormasyon kaugnay sa talakayan sa nasabing pagtitipon ang mga kinatawan mula sa National Irrigation Authority (NIA), Agricultural Credit Policy Council (ACPC), National Food Authority (NFA), Bureau of Plant Industry – National Seed Quality Control Services Division (PCIC), Philippine Research Institute (PhilRice), at Bureau of Soils and Water Management (BSWM). (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

Tagalog news: Elderly Filipino Week celebration, Senior Citizens Provincial Congress, idinaos sa Odiongan

ODIONGAN, Romblon, Okt 18 (PIA) — Matagumpay na idinaos kamakailan sa bayan ng Odiongan ang selebrasyon ng Linggo ng Nakatatandang Pilipino (Elderly Filipino Week) at Senior Citizens Provincial Congress.

Mahigit 1,000 senior citizens mula sa 17 bayan ng lalawigan ng Romblon ang dumalo sa pagdiriwang kung saan sila ay binigyang pugay ng pamahalaang bayan ng Odiongan.

Ang taunang selebrasyon ay alinsunod sa Presidential Proclamation No. 470 kung saan inaatas na tuwing unang linggo ng Oktubre ay gunitain ang Linggo ng Nakatatandang Pilipino bilang pagkilala at pagpapahalaga sa mga naiambag ng mga senior citizen sa paghubog na ating bansa.

Panauhing pandangal si G. Oscar Ricaflanca, Secretary General ng National Federation of Senior Citizens of the Philippines (NFSCAP) na nagbigay ng inspirasyo at encouragement sa mga senior citizen na dumalo sa okasyon.

Binigyang parangal sa nasabing pagdiriwang ang ilang centenarian na dumalo gayundin ang bayan ng Odiongan bilang Most Friendly Senior Citizen Municipality ngayong taong.

Naging tampok din sa selebrasyon ang pagbibigay ng libreng medical at dental check-up sa mga nakatatanda sa pangunguna ng Department of Health (DOH)-Mimaropa katuwang ang mga kawani ng DOH Romblon Provincial Office, Provincial Health Office at Rural Health Unit ng Odiongan.

Nabiyayaan din ng libreng salamin sa mata, blood pressure check-up at libreng pustiso ang ilang senior citizen na nangangailangan nito.

Ang tema ng pagdiriwang ngayong taon ay: ”Pagkilala sa Kakayahan , Ambag at Paglahok ng mga Nakakatanda sa Lipunan.”(PJF/DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Tagalog news: Kalagayan ng mga bilangguan sa Palawan, pasado sa CHR

LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA, Palawan, Okt 18 (PIA) — Maayos ang sitwasyon ng mga bilangguan sa Puerto Princesa, Palawan.

Ito ang pahayag ni Atty. Dennis Mosquera ng Commission on Human Rights( CHR) matapos na magsagawa ng pagbisita ang mga kinatawan ng nasabing ahensya sa mga pasilidad ng himpilan ng pulisya sa mga munisipalidad at sa lungsod.

“Regular namin itong isinasagawa sa lahat ng bilangguan upang makita ang kalagayan lalo na sa mga sumisikip nang pasilidad dahil sa kitid ng lugar,” ani Mosquera.

“Maayos at malinis ang city jail dito sa Puerto Princesa. Sa detention cell naman ng mga Municipal Police Stations naman, iilan lang ang bilanggo,” dagdag pa ni Mosquera.

Layon ng paglilibot ng CHR sa mga bilangguan na mahanapan ng solusyon ang problema sa pagsikip ng mga pasilidad katulad na lamang ng pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan na nakakasakop dito upang matugunan ang pangangailangan.

Nangako naman ang opisyal na tutulungan ang pamunuan ng Puerto Princesa City Jail (PPCJ) na humiling sa kinauukulan upang agad maipagamit ang lupaing pag-aari ng Bureau of Correction na planong paglilipatan nito dahil sa problema sa masikip na pasilidad.

Kinumpirma kamakailan ni City Jail Warden Lino Soriano na nais na nilang mailipat sa mas malawak na lokasyon ang bilangguan bunsod ng lumalaking populasyon nito.

Sa ngayon, umaabot na sa 780 ang bilang ng bilanggo sa PPCJ habang ang kapasidad nito ay 220 lamang.

Sa kabila naman ng suliraning ito ng PPCJ, nananatiling maayos ang pamamahala dito sa ilalim ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at patuloy pang nakatatanggap ng parangal bilang ‘best city jail’. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

Tagalog news: ‘Palaw’an Highlanders Verbal Arts’, inilunsad

PUERTO PRINCESA, Palawan, Oktubre 13 (PIA) — Inilunsad kamakailan sa kapitolyo ng lalawigan ang isang aklat na may titulong “Palaw’an Highlanders Verbal Arts” o “Les Arts De La Parole Des Montagnards Palaw’an” sa wikang pranses.

Ang nasabing aklat isinulat ni Dr. Nicole Revel, isang pranses at Emeritus Professor of Linguistics sa Paris Descartes University. Isa rin syang Research Director sa Centre National de Researche Scientifique (CNRS), at miyembro ng CNRS Research Group “Languages, Music, Societies”.

Inilalarawan ng aklat ni Dr. Revel ang mayamang kultura ng mga katutubo na sumasaklaw sa pang-araw araw na pamumuhay, wika, at iba pang mga tradisyon na hindi pamilyar sa karaniwang mamamayan. Naglalaman din ito ng video footages na kuha sa mismong komunidad ng mga Pala’wan sa iba’t ibang mga bayan sa katimugang bahagi ng lalawigan.

Inilunsad ang naturang aklat sa Victoriano J. Rodriguez Multi-purpose Hall na dinaluhan ng mga pangunahing personalidad mula sa akademya at pamahalaang panlalawigan ng Palawan.

Mainit naman ang pagtanggap ng mga Palaweño kay Revel at ipinahayag na ang kanyang aklat ay isang mabuting paraan upang maipakilala ang kultura ng katutubong Pala’wan sa publiko.

Bilang pagkilala sa natatanging kontribusyoin ng banyagang manunulat ay ginawaran ng Governor’s Citation Award si Revel para sa kaniyang pagsisikap na maisulat ang mayamang kultura ng mga katutubo sa Palawan. Pinangunahan ni Ceasar Sammy Magbanua, Chief-of-Staff ng tanggapan ng gobernador ang pagbibigay ng pagkilala dito.

Sa mensahe ni Dr. Revel, kaniyang binigyang diin dito na ang layunin ng kaniyang aklat ay ang maipaalam sa mga taong nakatira sa siyudad kung ano ang mga tinatagong yaman sa mga kabundukan ng Palawan.

Ang bawat kopya ng Palaw’an Highlanders Verbal Arts ay nagkakahalaga ng €49 o may katumbas na Php 2,937. Pitong kopya ng nasabing aklat ang binili ng pamahalaang panlalawigan ng Palawan at ipinamahagi sa iba’t ibang institusyon sa lalawigan tulad ng National Museum-Quezon Branch, Palawan State University (PSU), Palawan Museum, Palawan Heritage Center, at iba pang mga institusyong may kinalaman sa kultura ng lalawigan ng Palawan. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

Tagalog news: OrMin, nagkamit ng ilang parangal mula TESDA

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Okt 13 (PIA) – Iba’t ibang parangal ang natamo ng lalawigan ng Oriental Mindoro sa katatapos na 23rd Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) National Institutional Award na ginanap sa TESDA Auditorium, Taguig City.
Nakuha ng Oriental Mindoro ang National Kabalikat Award, Tagasanay Award, TESDA Idol Self-employed Category, TESDA Idol-waged Employed Category at Batang TESDA .

Sa mga pagpupunyaging pangkaunlaran, sa mga pag-alalay sa mga programang pang-edukasyon at pangkabataan, at pagsuporta sa galing ng mga Mindoreño ay ilan lamang sa mga dahilan ng pagkilala sa kakayahan ng mga mamamayan ng lalawigan.

Ipinagkaloob kay Gob. Alfonso V. Umali, Jr. ang National Kabalikat Award sa pagiging katuwang nito ng TESDA sa pamamagitan ng paglulunsad ng iba’t ibang programang sumusuporta sa technical vocational courses.

Ito ay sa pamamagitan ng mga inilunsad na Project Access to Countryside Courses for Employable/Entrepreneurial Skills (ACCESS); pag-upgrade ng mga pasilidad ng Language Skills Institute, Project Iskolar at iba pa. Kinilala rin ang natatanging pamamalakad sa lalawigan na nagdulot ng maraming pagbabago sa at mataas na antas ng serbisyo sa mamamayan.

Mula naman sa pagiging Top 8 Tagasanay Award Finalists sa buong bansa, nahirang bilang 2nd runner up sa naturang parangal si Ednalyn E. Salcedo ng Simeon Suan Vocational and Technical College ng bayan ng Bansud. Si Salcedo ay isang aktibong trainer, expert at assessor ng mga kwalipikasyon sa loob ng 20 taon hinggil sa upgrading at entrepreneurship.

Mula naman sa pitong finalists ng Self-Employed Category, nahirang bilang National Awardee si Hernan Erorita, isang aktibong propesor at pangulo ng Paradigm Colleges of Science and Technology mula sa bayan ng Roxas. Aktibo rin siya sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang kumpanya upang isigurong magkakaroon agad ng trabaho ang kanilang mga estudyante pagkatapos ng mga ito sap ag-aaral.

Mula pa rin sa Oriental Mindoro, nahirang naman si Max Closa mula sa mahigit 10 finalists sa TESDA IDOL bilang National Winner sa naturang kategorya. Si Closa rin na may maayos na kakayahan sa pagho-host at naging estudyante ng TESDA sa Events Management Services NC II ang nahirang bilang Batang TESDA.

Samantala, nilalayon ng gawaing ito ng TESDA ang pagkilala sa kakayahan ng mga awardee at ang maipadama ang kahalagahan ng technical at vocational courses na siyang higit na nakapagpapabago ng buhay ng mga pumapasok sa mga vocational school sa mas madali at praktikal na paraan at nakapagbibigay ng trabahong mas malaki ang kita.

Naging panauhin sa naturang okasyon sina TESDA Director General Sec. Guiling Mamondiong, TESDA Asst. Sec. Jonas Soriano, Dir. Elmer Talavera ng National Institute for TESDA at TESDA Cabinet Sec. Leoncio Evasco. (CPRSD/LTC/PIA-Mimaropa/Calapan)