Daily Archives: June 5, 2017

Tagalog news: Mga proyekto ng Economic Development Sector sa M’duque inilatag sa pagpupulong

BOAC, Marinduque, Hunyo 5  (PIA)– Nagsagawa ng talakayan ang mga kasapi ng Economic Development Sector tungkol sa mga mungkahing programa at proyekto para sa taong 2018 SA Marinduque.

Ayon sa Marinduque Provincial Government, kabilang sa mga dumalo at naglatag ng kanilang mga plano para sa susunod na taon ay mula sa national government agencies (NGA), local government unit (LGU) at non-government organization (NGO).

Bilang miyembro ng Economic Development Sector, ipinakita ng Provincial Veterinary Office (PVetO) sa pangunguna ni Dr. JM Victoria na nais ng kanilang tanggapan na mapataas pa nila ang bilang ng kanilang kalakal-panluwas na mga hayop na dinadala sa Maynila maging sa mga kalapit probinsya. Isa kasi ang pag-aalaga ng mga livestock sa kabuhayan ng mga magsasakang Marinduqueno na nais palaguin ng PVetO.

Nais naman ng Provincial Agriculturist Office (PAO) na sa kanilang pamamahala para sa 2018 ay matutukan nila ang pagpapasigla ng coco sugar production na nagmumula sa dwarf coconuts. Matatandaan na ang pananiman ng niyog ay isa sa mga hinagupit ng bagyong Nina noong nakaraang taon kaya nais ng PAO na muling mapanumbalik ang dating sigla ng mga pananim sa buong probinsya.

Hangad naman ng Provincial Engineering Office na maipagpatuloy ang pagsasaayos at pagpapalawak ng mga kalsada lalo na sa mga liblib na lugar na magsisilbi ring farm-to-market road. Sa katauhan naman ng Department of Interior Local Government ay isasagawa rin nila ang kanilang proyekto na Konkreto at Ayos na Lansangan ang Daan Tungo sa Pangkalahatang Kaunlaran o Kalsada Program kung saan layunin nito na mapangalagaan ang mga kalsada upang mas matagal at mabuting mapangalagaan.

Maging ang Provincial Tourism Office ay naghahanda na rin para sa napipintong paghahawak ng Marinduque sa 2018 Mimaropa Festival na dadaluhan ng mga kasaping lalawigan nito sa rehiyon. (PIA-MIMAROPA/Marinduque)

Advertisements

Tagalog news: Proyektong kapakanang panlipunan sa M’duque inilatag ng Social Development Committees

BOAC, Marinduque, Hunyo 5 (PIA)— Sa nagdaan na Social Development Sectoral Committee and Annual Investment Program Presentation, tumuon naman ang mga kasapi nito para sa kapakanang panlipunan ng mga Marinduqueno.

Sa sector ng pangkalusugan, nais ng Provincial Health Office na madagdagan ang mga kagamitan sa mga ospital lalo’t higit ang mga laboratory equipment. Mungkahi rin nila na balak din nila na makapagpalagay sila ng sprinklers para sa Torrijos Municipal Hospital at Sta. Cruz Municipal Hospital bilang tugon sa fire safety guidelines ng Bureau of Fire Protection.

Nais din ng PHO na sa taong 2018 may mapabababa nila ang bilang ng mga biktima ng diabetes at hypertension at maturuan sila ng wastong pangangalaga ng kalusugan.

Sa pagdalo naman ni Gob. Carmencita O. Reyes sa pagpupulong na ito ay nabanggit niya sa Public Employment Service Office (PESO) na tulungan ang mga mag-aaral na nagsipagtapos sa Marinduque State College sa paghahanap ng trabaho sa lalawigan nang sa gayun ay hindi na sila pupunta sa siyudad para maghanap ng mapapasukan. Kaya naman nangako ang PESO na maghahanap sila ng recruitment programs para sa kanila.

Pagsasaayos naman ng provincial jail ang nais maisakatuparan ng Bureau of Jail Management and Penology ng Marinduque at pagpapatayo ng mga pampalikuran para sa mga may kapansanan malapit sa mga pampublikong establisyemento ang nais maisagawa ng Provincial Social Welfare and Development Office.

Bukod sa gobernadora at dumalo din dito sina Bokal Tet Caballes at Bokal John Fernandez. (PIA-MIMAROPA/Marinduque)

Tagalog news: PRC dadating sa OccMin upang tumanggap ng mga aplikasyon sa BLEPT

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Hunyo 5 (PIA)—Nakatakdang dumating sa lalawigan ang Professional Regulation Commission (PRC) sa ika-21 ng Hunyo upang tumanggap at magproseso ng mga aplikasyon para sa Board Licensure Examination for Professional Teachers (BLEPT).

Ayon sa Public Employment Service Office (PESO) ng lalawigan, isasagawa ang aktibidad sa Provincial Training Center na matatagpuan sa Capitol Compound ng bayan ng Mamburao.

Ipinapaalala ng PESO sa mga interesadong aplikante na kailangan muna nilang bumisita sa PRC website (prc.gov.ph) para sa on-line application at mga tagubilin sa pagbabayad ng processing fee. Ang mga katibayan para sa aplikasyon at resibo ng application fee ay kasama sa mga isusumite sa PRC sa nabanggit na petsa at lugar.

Kabilang sa mga dokumentong dapat ihanda ng mga bago pa lamang kukuha ng BLEPT ay ang Birth Certificate at Marriage Contract (kung ikinasal na) na nagmula sa Philippine Statistics Authority (PSA) at Transcript of Records. Ang mga kukuhang muli ng naturang eksaminasyon ay kailangan lamang magdala ng isa sa mga sumusunod: Notice of Admission ng nakaraang eksaminasyon, resibo ng pinagbayaran ng nakaraang eksaminasyon o ang nakuhang rating ng nakaraang eksaminasyon. Makikita ang detalyadong  listahan ng mga dokumentong dapat isumite sa PRC website.

Nakahanda naman ang PESO na tulungan ang mga aplikante ng BLEPT sa anumang katanungan. Maaring bumisita ang mga aplikante sa Provincial PESO na matatagpuan sa gusali ng kapitolyo sa bayan ng Mamburao o kaya ay magtext o tumawag sa 09997651860 (Smart) o 09178033098 (Globe).

Tagalog news: Konstruksyon ng vegetable market sa bayan ng San Agustin, sinimulan na

SAN AGUSTIN, Romblon, Hunyo 5 (PIA) — Sinisimulan na ang konstruksiyon ng bagong Vegetable Market ng bayan ng San Agustin na nagkakahalaga ng mahigit Php2 milyon mula sa pondo ng lokal na pamahalaan.

Matapos isinagawa ang groundbreaking noong unang lingo ng Mayo ay agad sinimulan ang konstruksiyon nito at inaasahang matatapos ito sa unang quarter ng susunod na taon.

Ayon kay Mario Mancuyas, municipal information officer, ang itinatayong gusali ay matatagpuan sa Bgy. Poblacion ng nasabing bayan kung saan madali itong makita at mapuntahan ng mga mamimili.

Ang San Agustin Vegetable Market ay pinondohan ng P2,355,696.80 ng kasalukuyang administrasyon na naglalayong mapaluwag at mapaganda ang dating anyo ng palengke.

Ikinatuwa naman ng mga manininda sa palengke ang pagsasakatuparan ng nasabing proyekto dahil sila mismo ang direktang makikinabang dito at makapagbibigay ang bagong merkado ng kabuhayan sa kanila.

Aktwal na binisita ni Mayor Esteban Santiago F. Madrona ang ginagawang gusali at inatasan din nito ang Engineering Office na magkaroon ng koordinasyon sa kontratista para matiyak na tama at maayos ang gagawin at naaayon sa binuong plano.(DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Tagalog news: DepEd-Palawan, naglagay ng Oplan Balik Eskwela Action Center

PUERTO PRINCESA, Palawan, Hunyo 5 (PIA) — Naglagay ng Oplan Balik Eskwela Information ang Action Center ang Department of Education (DepEd)-Palawan na matatagpuan sa mismong lobby na kanilang tanggapan.

Ayon kay Daisy Ann P. Atrero, tagapagsalita ng DepEd-Palawan, layuning ng action center na ito na agarang matugunan at makapagbigay ng kasagutan sa mga katanungan o problema na kadalasang kinakaharap ng mga magulang at mag-aaral kaugnay sa pagpasok sa mga eskwelahan.

Ani Atrero, ilan sa mga idinudulog na problema tuwing pasukan ay tulad ng paghihingi ng mga requirement sa paglipat o pag-transfer ng paaralan, mga paglilinaw ukol sa Learner Information System (LIS), mga dapat bayaran at iba pa. Ang Oplan Balik Eskwela Information and Action Center ay inilatag ng DepEd-Palawan bilang paghahanda para sa muling pagbubukas ng klase sa Hunyo 5 para sa school year 2017 to 2018. Ito ay batay sa DepEd Order 55, s. 2017. Dagdag pa ni Atrero, maaaring tumawag sa mga hotline number na (048) 723-6391 at (048) 433-6392 o pwede ring magtext sa (Globe) 0917-125-4574, 0917-125-3333 at (Smart) 0950-823-4565 para sa anumang nais ninyong itanong sa DepEd-Palawan.

Maari ring mag-email sa action.palawan@deped.gov.ph o kaya ay i-follow ang Facebook account na DepEd Palawan. Ang Oplan Balik-Eskwela action center ng DepEd Palawan ay matatagpuan sa lobby ng Division Office, DepEd Palawan Building, Gov. Salvador P. Socrates Government Center, PEO Compound, Bancao-Bancao, lungsod ng Puerto Princesa. Ito ay bukas simula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon at tatagal hanggang sa Hunyo 16. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

Tagalog news: 5 pang bayan sa Romblon, naideklarang ‘drug-cleared’ municipality ng PDEA

ODIONGAN, Romblon, Hunyo 5 (PIA) — Lima pang bayan sa lalawigan ng Romblon ang naideklara ng “drug cleared” municipality ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) – Mimaropa.

Ang deklarasyon ay inihayag kamakailan ng PDEA Miamropa sa ipinatawag nilang press conference at presentation na ginanap sa conference room ng Romblon Provincial Government Extension Office sa Odiongan, Romblon.

Kabilang sa mga tinukoy na munisipyo na drug cleared ay ang mga bayan ng Banton, Corcuera, Concepcion, San Andres at Santa Maria.

Magugunita na nauna nang inanunsiyo ng PDEA at PNP ang bayan na Clatrava na kauna-unahang “drug cleared” municipality sa Romblon.

Ayon sa kinatawan ng PDEA Mimaropa, masusing siniyasat ng mga miyembro ng Drug Abuse Council sa bawat barangay ng mga nabanggit na bayan kung karapat dapat na bang mapabilang na “drug cleared” ang lahat ng barangay ng mga naturang bayan upang maideklara itong malinis na sa ipinagbabawal na gamut.

Ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Armed Forces of the Philippines (AFP), local government units, at ilang stakeholders ang magkakasama na nagsagawa ng balidasyon sa mga barangay.

Ayon pa sa PDEA, ilan sa mga barangay sa mga nasabing bayan ay wala talagang shabu o gumagamit ng iligal na droga gaya umano sa bayan ng Concepcion.

Masayang tinanggap ng mga chief of police ng bawat bayan na pinarangalan ang kanilang sertipiko na nagpapatunay na malinis na sa droga ang kanilang bayan.

Tiniyak naman ng kapulisan sa Romblon na hindi sila titigil sa kanilang pagmonitor sa mga dati na nilang na-TokHang o mga drug surrenderers para tuluyan na itong magbago at umiwas sa paggamit muli ng ipinababawal na gamot.(PJF/DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Tagalog news: Gabay sa presyo ng gamit pang-eskwela, inilabas ng DTI Romblon

ODIONGAN, Romblon, Hunyo 5 (PIA) — Ang Department of Trade and Industry (DTI) – Romblon ay naglabas ng ‘Gabay sa Presyo ng School Supplies’ upang maging batayan ng mga consumers at mga magulang sa pamimili ng gamit pang-eskwela para sa kanilang mga anak.

Dito makikita ang Suggested Retail Price (SRP), ang halaga ng iba’t ibang mga kagamitan na kailangan bilihin sa mababa at tamang presyo ganundin ang mga brand ng bawat produkto at bilang ng mga pahina ng papel katulad ng notebook.

Sinabi ni Orville F. Mallorca, caretaker ng DTI-Romblon, na kanilang inilabas ang SRP upang maging basehan o gabay ng mga mamimili sa kanilang pagbili ng mga gamit pang-eskwela.

Kabilang sa mga produktong nasa listahan ang kwaderno, papel, krayola, lapis, bolpen, ruler at pantasa.

Batay sa SRP ng DTI, nagkakahalaga ng mula 12.50 hanggang 15.75 piso ang composition notebook; samantalang ang spiral notebook ay may presyong mula 13.75 hanggang 15.75 piso.

Nagkakahalaga naman ng mula 9.00 hanggang 12.00 piso ang papel pang-Grade 1-4; samantalang 14.00 hanggang 25.00 piso ang presyo ng intermediate paper.

Mabibili naman mula 4.00 hanggang 22.75 piso ang kada piraso ng bolpen; habang ang isang pakete na may tatlong piraso ay mabibili mula 13.75 hanggang 30.75 piso.

Gayundin, ang isang pakete ng lapis ay nagkakahalaga ng 10.50 hanggang 37.50 piso, depende sa tatak.

Ang isang kahon ng krayolang may walong kulay ay nagkakahalaga mula 12.00 hanggang 34.75 piso; samantalang ang may 24 na kulay ay mabibili mula 37.75 hanggang 49.25 piso.

Ang pambura naman ay mabibili mula 5.75 hanggang 12.75 piso; pantasa—5.75 hanggang 17.75 piso; 6-inch ruler – 9.75 hanggang 19.75 piso; at 12-inch ruler—14.75 hanggang 29.75 piso kada piraso.

Ang SRP na ito ay magsisilbing gabay sa mga mamimili sa paghahambing ng iba’t-ibang tatak at upang iwasan ang labis na pagtataas ng presyo ng mga nagbebenta.

Kaugnay nito, sisimulan na rin ng DTI ang pagbabantay o monitoring sa presyo ng mga kagamitan sa eskuwela sa mga pangunahing pamilihang bayan, mga tindahan at establisyemento na mayroong school supplies sa buong lalawigan.

Ang monitoring team ng DTI Romblon ay nagsasagawa ng sorpresang pagbisita sa bawat establisyemento o tindahan ay upang makita ang mga presyo kung ito ay sumusunod sa SRP na ipinalabas ng DTI.

Ang gabay sa presyo ng school supplies ay paraan upang malaman ng bawat mamimili o consumers ang maaari nilang bilhin ganundin ang mga presyo nito na ipinatutupad ng DTI.

Ayon pa kay Mallorca, malaking tulong ito sa mga magulang sapagkat magsisimula na ang pagbubukas ng klase sa buwan ng Hunyo ngayong taon.

Nagpaalala rin si Mallorca na sakaling mayroong mga paglabag sa presyo ng mga school supplies ay magsadya at magsumbong sa Consumer Protection Division ng kanilang tanggapan.

Kung mayroong mga katanungan o reklamo sa kalidad at presyo ng mga school supplies, maaaring tumawag sa numerong (02) 751-3330 or 0917-834333 o magsadya sa opisina ng DTI Provincial Office sa bayan ng Odiongan, Romblon.(DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)