Daily Archives: June 19, 2017

Tagalog news: Kinatawan ng mga katutubo sa Sangguniang Panlalawigan ng Palawan, kinumpirma na

PUERTO PRINCESA, Palawan, Hunyo 19, (PIA) — Kinumpirma na sa ika-49 regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan kamakailan ang pagiging Indigenous People’s Mandatory Representative (IPMR) ni Joel P. Lumis.

Si Lumis ang ikalawang IPMR sa sangguniang panlalawigan, at siya rin ang pumalit sa namayapang dating IPMR na si Noel Jagmis mula sa katutubong Tagbanua.

Tumagal ng ilang linggo bago nahirang si Lumis bilang IPMR sa konseho ng Palawan dahil sa kailangan pa umanong ma-beripika ng konseho ang pagiging tunay ng Certificate of Confirmation mula sa National Commission on Indigenous People (NCIP) na isinumite nito sa konseho.

Bilang IPMR, manunungkulan si Lumis bilang ex-officio member ng sangguniang panlalawigan sa loob ng 28 buwan.

Si Lumis ay mula sa tribong Tagbanua at naninirahan sa munisipyo ng Aborlan, Palawan. Kasalukuyan siyang pinuno ng Tagbanua IP Community, tagapayo ng Samahan ng Pagkakaisa ng Cuyonon, miyembro ng Lupon ng mga Direktor ng Indigenous People Mandatory Representative League. Boluntaryong rin siyang nanunungkulan sa Palawan Tribal Council Federation. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

Advertisements

Tagalog news: Hotel at resort lifeguards dapat sanayin sa WASAR, payo ng DOH

LUNGSOD QUEZON, Hunyo 19 — Hinihikayat ng Department of Health-Mimaropa na siguruhin ng mga pangunahing resort at establisimentong pambakasyunan sa Palawan ang pagiwas sa pagkalunod ng mga bisita nito.

Ito ay sa pamamagitan ng pagsasanay ng mga lifeguard at mga manggawa ng resort at hotel sa Water Search and Rescue o WASAR.

Kamakailan lamang, may 33 mga bagong sertipikadong lifeguard at manggawa sa mga resort at hotel ang nakatapos sa ika-9 na WASAR training sa lungsod ng Puerto Princesa.

Ayon kay Regional Director Eduardo C. Janairo ng DOH Mimaropa, 500 lifeguard ang target nilang sanayin sa WASAR sa pagtatapos ng taon.

Sinabi ni Director Janairo na nais nilang maging ligtas ang paglalangoy at water sports sa lahat ng dalampasigan at resort ng lalawigan kaya nagsasagawa sila ng WASAR training.

Ang Palawan ngayon ay mayroon ang 271 WASAR trained personnel at 28 sertipikadong lifeguard (kasama na rito sa bilang ang 33 bagong graduate ng WASAR).

Patuloy pa rin nananawagan ang DOH-Mimaropa sa mga resort at beach hotel sa iba pang lalawigan na ipadala ang kanilang mga lifeguard para masanay sa WASAR at matiyak ang kaligtasan ng kanilang mga bisita.

Kaagapay ng DOH-Mimaropa ang Philippine Coast Guard sa pagsasanay ng WASAR sa mga lifeguard. (LP/DOH-Mimaropa)

Tagalog news: ‘Araw ng mga Batang Anghel’, naging bahagi ng Baragatan sa Palawan

PUERTO PRINCESA, Palawan, Hunyo 19 (PIA) — Nasa mahigit 100 mga batang may kapansanan ang nagtipon-tipon kanina para sa programang “Araw ng mga Batang Anghel” o itong A Day for God’s Special Children na programa ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).

Ginanap ito sa Victoriano J. Rodriguez Hall ng gusaling Kapitolyo bilang bahagi ng selebrasyon ng Baragatan sa Palawan 2017.

Ayon kay Abigail Ablaña, Provincial Social Welfare and Development Officer (PSWDO) layon ng programang ito na mabigyan ng pagkakataon ang mga batang mayroong kapansanan na makibahagi at makisaya sa mga aktibidad ng pamahalaan.

Ang mga batang may kapansanan ay nagmula sa apat na munisipyo sa Palawan na kinabibilangan ng Rizal, Quezon, San Vicente at Aborlan. Kasama rin sa dito ang mga batang nasa bahay ampunan at inabandona ng mga magulang.

Dagdag pa ni Ablaña, mayroon ring sampung bata ang manggagaling sa Taw’ Kabui Foundation mula sa lungsod ng Puerto Princesa.

Katuwang ng PSWDO sa pagsasakatuparan ng gawaing ito ang Culture and Arts Office ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng visual arts and dance workshop gayundin ang Jollibee Foods Corporation-Palawan para sa libreng pagkain na pagsasaluhan ng mga bata.

Mamamahagi rin ng mga school supplies ang PSWDO para sa mga batang may kapansanan na inaasahan namang makapagbibigay ng kasiyahan sa mga ito, ani pa ni Ablaña.   Bibigyan rin ng pagkakataon ang mga bata na makapamasyal sa ilang bahagi ng lungsod ng Puerto Princesa pagkatapos ng workshop. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

Tagalog news: Gabay sa pagnenegosyo, hatid ng Kapatid Mentor Me Program ng DTI

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Hunyo 19 (PIA) – Aabot sa halos 200 partisipante ang dumalo sa paglulunsad sa lalawigan ng Kapatid Mentor Me Program (Mentor Me) ng Department of Trade and Industry (DTI) noong ika-14 ng Hunyo sa Sikatuna Beach Hotel, San Jose.

Layunin ng nasabing aktibidad na mabigyan ng tamang kasanayan at libreng gabay ang mga nagnenegosyo lalo na ang mga nagsisimula pa lamang.

Ayon kay DTI Regional Director Joel Valera, sa tulong ng Go Negosyo, ay inimbitahan ng kanilang tanggapan ang mga kilalang personalidad sa sektor ng pagnenegosyo. Ang mga ito ay magsisilbing mentor o siyang gagabay sa 15 mapipiling MSME’s (Micro Small and Medium Enterprises) ng Mentor Me. Sasailalim naman ang mga MSME’s sa sampung modules ng nasabing programa.

Unang nagbahagi ng kanyang kaalaman si Armando Bartolome, may akda ng aklat na Is Franchising For You?, na ginawaran bilang Book of the Year noong 2012.  Tinalakay ni Bartolome ang nararapat na kaisipang taglay at pagpapahalaga na meron ang isang Entrepreneur.

“Think outside the box”, suhestyon ni Bartolome, sakaling may mga sitwasyong kakaharapin sa pagnenegosyo. Ibinigay nitong halimbawa ang Mang Inasal, na orihinal na pinagmulan ng unlimited rice.

Isa naman sa mga partisipante ng Mentor Me ay si Manilyn Uy- Salazar, kabilang sa isang non-government agency at nais na magnegosyo. Ayon sa kanya malaking tulong ang nasabing programa lalo na sa mga tulad niyang magsisimula pa lamang. “It will inspire you to be a part of something bigger than yourself (bibigyan ka ng inspirasyon upang maging bahagi ng isang bagay na mas higit pa sa sarili)”, saad ni Salazar. Dagdag pa nito, dapat iprayoridad ng mga magnenegosyo, ang tamang paguugali at ang kaisipan na palaging makatulong sa kapwa.

Ang Kapatid Mentor Me Program ay dinaluhan ng mga kooperatiba, asosasyon at mga indibidwal na nagnanais sumubok sa pagnenegosyo upang makamit ang financial freedom o kalayaan sa kakapusan. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)

Tagalog news: Potensyal ng produktong agrikultura ng Palawan sa merkado ng ASEAN, tinalakay

PUERTO PRINCESA, Palawan, Hunyo 19 (PIA) — Inihayag ni Dr. Romeo C. Cabungcal, OIC-Provincial Agriculturist ng pamahalaang panlalawigan ng Palawan na may potensiyal sa merkado ng Association of South East Asian Nation (ASEAN) ang mga produktong pang-agrikultura ng lalawigan.

Ani Dr. Cabungcal, ilan sa mga produktong pang-agrikultura ang maipagmamalaki ng Palawan at nagunguna dito ang niyog kung saan nasa 107,852 ektarya ang nasasakupan nito, ikalawa ang palay na umaabot sa 72,313 ektaryang sakahan ang nasa lalawigan at mayroong 161 porsiyentong rice suffiency noong 2009-2013 at ikatlo ang kasoy na tinatayang 90 porsiyento ng produksiyon ng kasoy sa bansa ay mula sa Palawan.

Ilan aniya sa produkto ng niyog na inilalabas sa lalawigan ay ang kopra kung saan ay kinakatas ito upang maging langis, ginagamit din itong feed additives at iba pang gamit pang-industriyal.

Sa kasalukuyan ay pinagtutuunan ngayon ng sektor ng magniniyog ang produksiyon ng coco-sugar na naging mabenta na sa mga pamilihan sa lalawigan bilang alternatibo ng asukal na mula sa tubo.

Ang iba pa aniyang mga produktong pang-agrikultura na maipagmamalaki ng lalawigan ay ang saging, oil palm, mais, mangga, cacao, root crops at rubber.

Sa sektor naman ng pangisdaan, ani Cabungcal ay maipagmamalaki ng lalawigan ang pagiging isa sa mga pangunahing seaweeds producer ng bansa at number 1 seaweeds producer sa rehiyon ng Mimaropa.

Si Dr. Cabungcal ay isa sa mga naging resource speaker sa ginanap na Ugnayan ng Philippine Information Agency (PIA) na may temang “ASEAN: A Community of Opportunities” na isinagawa sa lungsod ng Puerto Princesa kamakailan na dinaluhan ng mga information officer ng iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan sa Palawan, gayundin ng mga information officer ng mga lokal na pamahalaan at mga media. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

Tagalog news: Marinduque isa sa pinakatahimik sa lugar, ayon sa PNP

BOAC, Marinduque, Hunyo 19 (PIA)– Maituturing na isa pa rin ang Marinduque sa pinakatahimik na lugar sa buong Pilipinas ayon sa iniulat ng Provincial Police Station sa isinagawang Provincial Peace and Order Council (PPOC) meeting.

Ayon kay Provincial Director Police Supt. Alessandro C. Abella, mas mababa ang naitalang bilang ng krimen simula sa buwan ng Enero hanggang Abril nitong taon kumpara noong 2016. Sa unang quarter ng taong ito ay nakapagtala sila ng 19.6 porsiyentong crime rate kung saan ay 22.5 porsiyento naman noong nakalipas na taon.

Base sa kanilang ulat na ibinahagi, narito ang index crime rate distribution sa unang quarter ng 2017: physical injury-9, theft-9, rape-5, robbery-6, homicide-1, murder-, motornappinng-1 at cattle rustling-0.

Bukod pa rito ay naibahagi rin nina Abella at Schools Division Superintendent Dr. Carlito Matibag na maituturing na zero-crime ang Balik-Eskwela 2017 noong unang araw ng pasukan.

Samantala, pinasalamatan naman ni Provincial Administrator Baron Lagran ang PNP Provincial Office dahil sa pagbaba ng crime rate sa Marinduque dahil na rin sa pagpapaigting ng Oplan Double Barrel ng PNP. (PIA-MIMAROPA/Marinduque)

Listahanan shows Mimaropa’s high number of widows and widowers living in poverty

QUEZON CITY, June 19 (PIA) — In observance of the upcoming International Widows’ Day, the Department of Social Welfare and Development (DSWD) – Mimaropa reported that the region has a sizable number of poor widows and widowers.

The International Widows’ Day, observed every June 23rd globally, serves as a platform to raise public awareness and urge sectors to take action on the plight of widows and widowers in the Philippines and the rest of the world.

Based on DSWD’s Listahanan as of February 2016, Mimaropa has 20,749 poor widows and widowers  and the average ages for both sexes is 60 years old.

Listahanan is a databanking system that maps out the poor: numbers emerging from the datebase are used as bases by government and non-government organizations to develop social protection programs.

About 15,918 (76 percent of the total widow/widower population) are females; the remaining 4,831 (23.3  percent) are males.

Widows and widowers with disabilities are numbering to 1,492.

Palawan has 7,116 poor widows and widowers: the rest are located in Oriental Mindoro (5,656); Occidental Mindoro (3,723); Marinduque (1,536); and Romblon (2,718).

Puerto Princesa City in Palawan has the highest poor widows with 1,064, followed by San Jose, Occidental Mindoro with 1,030, and Naujan, Oriental Mindoro with 636.

As for barangays with the highest numbers of poor widows and widowers,  Bancalaan and Mangsee of Balabac, in southern Palawan are on the top of the list.  (LP/DSWD-Mimaropa)