Daily Archives: June 14, 2017

Tagalog news: 7 patay, 2 nawawala sa pagtaob ng pampasaherong bangka sa Romblon

ROMBLON, Romblon, Hunyo 14 (PIA) — Umabot na sa pitong pasahero ang nasawi na lulan ng pumpboat na MB alad Express II na tumaob malapit sa karagatan ng Barangay Agbudia, Romblon, Romblon noong Biyernes, Hunyo 9.

Base sa talaan ng Coast Guard at PDRRMO Romblon, ang pitong nasawi ay kinilalang sina Dr. Laudemir Famarin, 56 taong gulang, tubong Banton, Romblon na nakadestino sa Sibuyan District Hospital; Josephine Mutia, 50 anyos, residente ng Agutay, Magdiwang, Romblon; Evangeline Cledera, 30 taong gulang, nakatira sa Quezon City; John Mark Mingo, 9 taong gulang, taga Agtiwa, San Fernando, Romblon; Anacel Macalipay, 27 taong gulang, residente ng Agutay, Magdiwang, Romblon; Melly Mendezabal, 61 taong gulang, tubong Agutay, Magdiwang, Romblon at Jane Kristelle Hawod, 18 taong gulang, residente ng Canjalon, San Fernando, Romblon.

Samantala, hanggang sa kasalukuyan ay bigo pa rin ang mga awtoridad na mahanap ang dalawa pang nawawala na pasahero na kinilalang sina Laude Roman, 56 anyos at James Mingo, isang taong gulang.

Matatandaan na noong bago magtanghali noong Hunyo 9, ang MB Alad Express II ay naglayag galing ng bayan ng Magdiwang at patungo sa Romblon, Romblon subalit inabutan ito ng sungit ng panahon habang binabaybay ang pamapangin ng Sitio Agdapdap, Bgy. Agbudia sa  silangang bahagi ng Romblon.

Batay sa salaysay ng mga nakligtas, nang umalis ang pumpboat sa Ambulong port ay banayad hanggang sa katamtaman ang alon ngunit nang malapit na ang bangka sa isla ng Romblon (halos 200 metro lamang ang layo sa pampang ng Agbudia) ay biglang lumakas ang hangin na may kasamang malakas na ulan.

Dulot marahil anila ng malakas na hangin kung kaya lumaki ang mga alon na naging sanhi ng biglaang pagtagilid ng bangka at dere-deretsong ng tumaob.

Sa iglap o di inaasahang pangyayari, napailalim sa bangka ang lahat ng pasahero at na-trap sa kamarote dahil nakasarado ang mga bintana nito.

Kasalukuyan namang nasa kostudiya ng Romblon Municipal Police Station ang may-ari at kapitan mismo ng bangka na si Naptali Molina.(DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Tagalog news: Ika-119 na ‘Araw ng Kalayaan’, ipinagdiwang sa Puerto Princesa

PUERTO PRINCESA, Palawan, Hunyo 14 (PIA) — Nagtipon-tipon sa isang seremonya ang Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan at lungsod ng Puerto Princesa sa pagdiriwang ng ika-119 na Araw ng Kalayaan kahapon .

Sinimulan ang programa sa pamamagitan ng isang misa sa Immaculate Conception Cathedral at sinundan ito ng pagtataas ng bandila ng Pilipinas sa Liwasang Rizal na dinaluhan ng iba’t ibang ahensiyang nasyunal at lokal na pamahalaan, akademya at pribadong sektor.

Nag-alay rin ng bulaklak sa monumento ni Jose Rizal ang mga lokal ng opisyal ng lungsod at lalawigan na sinuportahan naman ng pamunuan ng Western Command.

Mula Rizal Park, isinagawa rin ang paradang pansibil at panghukbo patungo sa Kapitolyo kung saan idinaos ang ikalawang bahagi ng programa.

Dito, nagbigay ng kanilang mensahe ang  mga dumalong opisyal ng gobyerno tulad nina City Schools Division Superintendent Elsie Barrios ng Department of Education (DepEd), Lieutenant  General Raul del Rosario, kinatawan ng lalawigan sa ikatlong distrito na si Kongresman Gil Acosta, Mayor Luis Marcaida lll ng Puerto Princesa at Bokal ng ikalawang distrito ng lalawigan Eduardo Modesto Rodriguez bilang kinatawan ni Governor Jose Chaves Alvarez.

Ang selebrasyon ay may temang “Kalayaan 2017: Pagbabagong Sama-Samang Balikatin”. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

Tagalog news: Ika-119 taong Araw ng Kalayaan, ginunita sa ilang bayan ng Romblon

ROMBLON, Romblon, Hunyo 14 (PIA) — Ginunita kahapon sa iba’t ibang bayan ng Romblon ang ika-119 na taong anibersaryo ng kalayaan ng bansa sa pamamagitan ng pagtaas ng watawat sa bawat munisipyo at pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal.

Kabilang sa mga bayang nakiisa sa pagdiriwang ng araw ng kasarinlan ay ang mga bayan ng Romblon, Odiongan, Concepcion, Magdiwang, Banton, Calatrava, San Fernando at Alcantara kung saan eksaktong ika-walo ay sabay-sabay nitong itinaas ang bandila ng Pilipinas habang inaawit ang Lupang Hinirang.

Ang selebrasyon ay nilahukan ng mga opisyal ng bawat bayan, mga guro, mag-aaral, kapulisan, bumbero, mga empleyado ng pamahalaang bayan, barangay officials at iba pang kawani ng national government agencies.

Ang tema ng selebrasyon ngayong taon ay “Pagbabagong Sama-Samang Balikatin”, na tumutukoy sa pangmatagalang kapayapaan at kaayusan sa bansa na hangad ng lahat ng sambayanang Pilipino.(DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Tagalog news: LGU Odiongan, bumili ng sasakyan bilang dagdag-kahandaan para sa sakuna

ODIONGAN, Romblon, Hunyo 14 (PIA) — Bilang dagdag na kahandaan para sa sakuna, bumili ng bagong sasakyan ang lokal na pamahalaan ng Odiongan para sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).

Ang bagong behikulo ay isang 4×4 na handa at kayang tumugon sa panahon ng baha o bagyo at kayang umakyat sa matataas na lugar.

Ayon kay Mayor Trina Firmalo-Fabic, ang perang ginamit para makabili ng Toyota Hilux ay galing sa trust fund ng Disaster Risk Reduction and Management.

Bukod aniya sa sasakyang pang-rescue, bibili rin ang LGU Odiongan ng Elf Truck na may boom na magagamit naman sa pagbubuhat ng mga mabibigat na bagay katulad ng puno o mga debris.

Ang naturang rescue vehicle ng MDRRMO-Odiongan ay naglalayong makasalba ng buhay sa panahon ng kalamidad gaya ng lindol, baha, bagyo, sunog at iba pang di inaasahang sakuna.

Ayon pa kay Mayor Fabic, bago matapos ang Hunyo ay makakabili na rin ang pamahalaang bayan ng Odiongan ng dump truck na magagamit para sa mas epektibong pangongolekta ng basura sa kabayanan.(PJF/DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)