Monthly Archives: July 2017

Pagkakaroon ng railway system sa Palawan, hiniling na mapagaralan

PUERTO PRINCESA, Palawan Hulyo 31 (PIA) — Hiniling ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan kamakailan sa mga kinatawan ng Palawan sa Kongreso na mapag-aralan ang posibilidad ng paglalagay ng train o railway system sa buong lalawigan.

Ang kahilingang ito ay sa pamamagitan ng ipinasang resolusyon ng sanggunian sa kanilang regular na sesyon na iniakda ni 3rd District Board Member Albert Rama at co-sponsor naman ang lahat ng mga miyembro ng konseho.

Nakasaad sa resolusyon ang kahilingan ng pagsasagawa ng pag-aaral upang malaman kung may posibilidad ba na maisakatuparan sa lalawigan ng Palawan ang paglalagay ng Train o Railway System na mapapakinabangan ng mga residente mula norte hanggang sur ng Palawan at makakatulong ng malaki sa paglago ng turismo ng lalawigan.

Ayon kay Rama, dahil sa tumataas na porsyento ng mga turistang dumadating sa Palawan at sa lumalagong populasyon ng lalawigan ay napakahalaga na magkaroon ng mabilis na transportasyon ang bawat munisipyo tulad ng train.  Sa pamamagitan nito ay mas mapag-iibayo pa ang kalakalan at promosyon ng bawat lugar sa lalawigan.

Dagdag pa ni Rama, sa tinatayang 550 kilometrong layo mula sa dulo ng norte at sur ng Palawan at aabot ng halos 11 oras ang pagbiyahe nito sa ngayon ay lubhang napakahirap para sa mamamayan ng Palawan ang maglakbay maging sa mga dumarayong turista sa lalawigan.

Matapos na maaprubahan ang nasabing resolusyon ay ipinadala na ito sa tatlong kongresista ng Palawan upang makatuwang sa isasagawang pag-aaral at makatulong sa paghahanap ng pondo para sa proyektong ito. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

Advertisements

DA Sec. Manny Piñol, pinangunahan ang pamamahagi ng kagamitan sa pagsasaka

ODIONGAN, Romblon, Hulyo 31 (PIA) —- Pinangunahan ni Sec. Emmanuel Piñol ng Department of Agriculture ang pamamahagi ng mga makabagong kagamitan sa pagtatanim at pagproseso ng mga root crops sa kanyang pagbisita sa lalawigan ng Romblon kamakailan.

Sa ginanap na turn-over ceremony sa bayan ng Odiongan, tinanggap ng mga magsasaka ang aabot sa P12 milyon kabuoang halaga ng mga kagamitan sa pagsasaka at mga bangkang de motor para sa mga mangingisda.

Isa sa mga nabigyan ng makabagong kagamitan ay ang Tabobo-an Farmers Association ng Odiongan, Romblon na kung saan nakatanggap sila ng modernong rice planting machine. Isa itong makinarya na awtomatikong makakapagtanim ng palay o crops sa mga sakahan.

Maliban sa P12 milyon halaga ng mga kagamitan, nagbigay rin ng P50 milyon cash grant ang Deparment of Agriculture sa lalawigan ng Romblon para may magamit na kapital ang mga magsasaka at mangingisda sa probinsiya.

Sa mensahe ng Piñol sa mga mangingisda, sinabi nitong ang mga isda at yamang dagat ang mga resources na hindi mawawala sa Romblon.

Nakipagtalakayan rin siya sa mga magsasaka para alamin kung ano ang mga problema na kanilang kinakaharap dito sa Romblon.

Ilan sa mga magsasaka ay inilapit sa kalihim na sana ay maipagawa ang farm-to-market road sa kanilang barangay, idinulog rin nila ang kakulangan ng irrigation system at maging problema ng bayan ng Sta. Fe sa seaweeds production.

Nagbigay katiyakan naman si Sec. Piñol na kanilang titingnan ang mga nasabing problema at agad na bibigyang solusyon ng kanyang kagawaran na pinamumunuan.(PJF/DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Tagalog news: Pagkain at pagbenta ng shellfish mula Taytay, Palawan ipinagbawal ng LGU

PUERTO PRINCESA, Palawan, Hulyo 31 (PIA) — Pinagbabawalan ngayon ng lokal na pamahalaan ng Taytay ang mga residente na mangolekta, magbenta at kumain ng kahit anong uri ng shellfish mula sa Malampaya Sound.

Ito ay matapos na paabisuhan kahapon ng opisina ng Provincial Agriculturist (OPA) ang munisipyo sa pagtaas ng red tide toxin sa nasasakupan ng baybayin.

Sa panayam ng Philippine Information Agency (PIA) kay Mayor Romy Salvame ng bayan ng Taytay , tinuran nitong nagpababa na siya ng kautusan ngayong araw na harangin ang mga ibinibentang shellfish maging alamang sa pamilihang bayan at paabisuhan ang mga barangay na bantayan at paalalahanan ang mga mamamayan na huwag munang kakain at magbebenta ng shellfish na nakukuha sa Malampaya Sound.

Kaugnay nito, umabot sa 18 indibiduwal mula sa Barangay Alacalian sa nasabing bayan ang nakaranas ng sintomas ng pagkalason ng red tide mula sa kinaing tahong.

Sa nasabing bilang, 16 ang naisugod sa pagamutan, pero isa ang agad na nakalabas ng ospital, habang ang isa pang biktima ay namatay.

Ayon kay Dr. Peter Curameng, provincial officer ng Department of Health (DOH), ituring na red tide ang sanhi ng pagkalason ng mga biktima base sa sintomas na naranasan ng mga ito.

“Nakaranas kasi ng pagsusuka at pamamanhid ng bibig at buong katawan ang mga biktima, tapos iyong namatay, nangingitim.  Ang mga iyon ay sintomas ng red tide poisoning”, ani Dr. Curameng.

Samantala, sa lungsod ng Puerto Princesa, binabantayan na rin ang lokal na pamahalaan ang mga pamilihan na nagtitinda ng tahong o ano mang uri ng shellfish na manggagaling sa Malampaya Sound matapos na paabisuhan ng OPA ang City Agriculturist kaugnay sa pagtaas ng kontaminasyon ng red tide toxin sa nabanggit na lugar.

“Sapat na ang natanggap nating advise mula kay Dr. Romeo Cabungcal ng OPA para paalalahanan ang mga kababayan natin sa Puerto Princesa na huwag na munang bibili ng o kakain ng tahong mula sa Malampaya Sound”, ani City Agriculturist Melissa Macasaet sa PIA.

Sa ngayon, mahigpit ang pagbabantay ng mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan sa posibleng panganib sa pagkain ng shellfish na kontaminado ng red tide.

Hindi pa rin inaalis ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang nakataas na shellfish ban sa lungsod dahil sa kontaminasyon ng red tide sa Puerto Princesa City Bay. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

Tagalog news: Wala dapat namamatay sa panganganak, ayon sa DOH-Mimaropa

PUERTO PRINCESA, Palawan, Hulyo 31 (PIA) — “Wala dapat namamatay sa panganganak”. Ito ang ipinahayag ng Department of Health (DOH)-Mimaropa sa isinagawang Radio Broadcasters’ Orientation on Family Planning kahapon.

Upang matupad ang hangaring ito ng DOH ay kinatuwang na ng nasabing ahensiya ang mga broadcaster ng iba’t-ibang himpilan ng radio at telebisyon sa Palawan para sa pagpapalaganap ng impormasyon tungkol sa pagpaplano ng pamilya.

Ayon sa DOH ang hindi tamang pagpaplano ng pamilya ang kadalasang nagiging sanhi ng pagkakamatay ng isang ina at ng isang sanggol sa pamamagitan ng panganganak. Kaya’t isinagawa ng DOH at ng Communication for Health Advantage through Networking and Governance Enhancement (CHANGE) ang Radio Broadcasters’ Orientation on Family Planning upang maipalaganap sa publiko sa pamamagitan ng mga himpilan ng radio ang mga maling paniniwala sa paggamit ng iba’t-ibang paraan ng pagpaplano ng pamilya at upang mahikaya’t ang bawat pamilya na magplano ng pamilya.

Sa gawaing ito ipinaliwanag ni Matthew Medrano, Responsible Parenthood and Reproductive Health Coordinator ng DOH-Mimaropa sa mga radio broadcaster sa Palawan ang mga maling paniniwala na nakasanayan na ng karamihan hinggil sa iba’t-ibang paraan o methods sa pagpaplano ng pamilya tulad ng ligation sa kababaihan at vasectomy naman sa kalalakihan.

Isa sa binigyan diin dito ni Dr. Medrano ay ang paghikayat sa mga kalalakihan sa makiisa sa pagpaplano ng pamilya dahil hindi lamang ito responsibilidad ng mga kababaihan kundi maging ng mga kalalakihan rin, ayon kay Dr. Medrano.

Dagdag ni Dr. Medrano, isa sa paraan ng pagpaplano ng pamilya na maaaring maitulong ng mga kalalakihan ay ang pagpapa-vasectomy kung saan pinuputol at tinatalian ang kaliwa at kanang anurang punlay na dinadaluyan ng punlay upang hindi na mabuntis pa ang asawa nito.

Kinlaro pa ni Dr. Medrano ang maling paniniwala ng maraming kalalakihan na natatakot na sumailalim sa vasectomy dahil sa akala nilang nakakabawas ito sa pagkalalaki. Pinabulaan din nito na tinatanggal ang bayag ng lalaki kapag sumailalim sa operasyong ito.

Ani Dr. Medrano, walang mababawas sa pagkalalaki ng isang nais sumailalim sa vasectomy kundi ang kawalan lang nito ng kakayahan pang makabuntis. Hindi rin aniya ito makaka-apekto sa kalusugan ng isang lalaki at normal pa rin ang magiging pang-araw-araw na gawain ng isang lalaki na na-vasectomy na. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

Tagalog news: Produksyon ng bigas sa Pilipinas, tumaas ayon kay DA Secretary Piñol

ODIONGAN, Romblon, Hulyo 31 (PIA) — Sa pagbisita kahapon ng kalihim ng Department of Agriculture (DA) na si Sec. Emmanuel Piñol sa bayan ng Odiongan, Romblon, sinabi nito na tumaas ang produksiyon ng bigas sa bansa ngayong 2017 at nananatiling normal aniya ang presyo ng mga bigas sa merkado.

“From the average of 3.9 metric tons per harvest we are now up to 4.23 metric tons per harvest (mula sa 3.9 metrikong tonelada bawat ani, tumaas ito sa 4.23 metrikong tonelada). With the harvested area of 4B hectare nag increase ng mga 5million metric tons per hectare per harvest,” pahayag ni Piñol.

Pagsapit aniya ng taong 2020, maaring masustentuhan na ng bansa ang pangangailangan natin sa bigas.

Dagdag pa ni Sec. Piñol, normal naman ang presyo ng bigas pero mas bababa aniya ito kung maipatutupad ang hangarin ng Department of Agriculture na payagan ang mga farmers na magbenta ng kanilang produkto sa merkado.

“Nationwide, the rice actually is just ok but it could be cheaper if we could implement our vision of really allowing the farmer to directly market its product (Sa buong bansa, sapat lamang ang presyo ng bigas, ngunit mas magiging mura sana ito kung maisasatupad natin ang ating planong payagan ang mga magsasaka na direktang maibenta ang kanilang produkto sa merkado),” ayon kay Piñol.

“What’s happening right now is actually, ang daming traders and that’s the reason why mataas masyado yung presyo sa merkado at mababa ang bilihan sa produkto ng farmers,” giit pa ng kalihim.

Napansin din ni Sec. Piñol, ang kakulangan ng suplay ng bigas sa lalawigan ng Romblon kung saan kinakailangan pang mag-angkat ng bigas sa Mindoro at iba pang karatig probinsiya para may maibenta sa pamilihan.

“We are actually squandering the potentials of Romblon to produce more rice for its people, so if we are able to improve the farming system I believed that the rice area of Romblon will be able to feed at least 1/2 of the requirements (nilulubos namin ang potensiyal ng Romblon na makatustos ng produksyon ng bigas para sa mga probinsya, kaya naman kung mapapaganda natin ang pagsasaka dito, naniniwala ako na kakayanin nitong matugunan ang kalahati ng kinakailangang suplay dito) at ang iba diyan ay mapupunta sa Metro Manila,” pagtatapos na pahayag ni Piñol.(PJF/DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

“Trash in a Bottle” program, ilulunsad ng pamahalaang bayan ng Odiongan

ODIONGAN, Romblon, Hulyo 27 (PIA) — Nakatakdang ilunsad ng pamahalaang bayan ng Odiongan sa buwan ng Agosto ang programang “Trash in a Bottle”.

Sa pamamagitan ng programs, gagawing eco-bricks ang mga basurang plastic at plastic bottles sa naturang bayan upang makatulong sa kalikasan.

Sinabi ni Mayor Trina Firmalo-Fabic, na bibilhin ng munisipyo ang mga plastic bottles na may lamang mga basura katulad ng sachet ng shampoo, balat ng kendi, tsitseria o biskwit, mga label ng mga bote, atbp.

Ang mga magagawang eco-bricks mula sa basurang plastik ay gagamitin ng lokal na pamahalaan sa mga proyekto nito bilang kapalit ng hollow blocks kagaya ng ginagawa sa ibang lugar.

Payo ni Mayor Fabic, dapat simulan na ng mga residente ang pagiipon ng kanilang basurang plastic bottles gaya ng mineral water at soft drinks dahil maglalabas sila ng guidelines kung paano kokolektahin at babayaran ito sa kanila ng lokal na pamahalaan.

Naglaan aniya ang munisipyo ng Odiongan ng P500,000 mula sa 2016 savings bilang paunang pondo sa nasabing programa na inapbrubahan ng Sangguniang Bayan sa ilalim ng pamumuno ni Vice Mayor Mark Anthony Reyes.

Ang nasabing proyekto ay hinango sa ginawa ng The Plastic Solution Movement na kung saan ginamit ang mga naipong plastic bottles sa pagpapagawa ng isang paaralan sa Guatemala, isang bansa sa Central America.

“Ang programang ito ay masisimulan sa pakikipagtulungan din ng ating OIC MENRO Dr. Ramer Ramos, Sanitary Inspector Glen Gaac, with Engr. Mark Contaoi, Engr Bilshan Servañez, at Dr Cris Silverio”, dagdag pang pahayag ng alkalde.(PJF/DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Palawan Mt. Mantalingahan Protected Landscape, patuloy na tinatamnan ng mga puno

PUERTO PRINCESA, Palawan, Hulyo 27 (PIA) — Patuloy ang isinasagawang pagtatanim ng mga iba’t-ibang uri ng puno sa paligid ng Mt. Mantalingahan bilang bahagi ng National Greening Program ng pamahalaan na naglalayong maagapan ang lumalalang kaso ng pagkakalbo ng mga kagubatan sa bansa.

Ang Mount Mantalingahan ay idineklarang protected landscape sa pamamagitan ng Presidential Proclamation No. 1815 na nilagdaan noong Hunyo 23, 2009. Limang munisipyo ang nakakasakop sa kabundukang ito. Ito ay ang mga bayan ng Brooke’s Point, Barataza, Quezon, Rizal at Sofronio Española.

Ngayong taon nakatakdang magtapos ang National Greening Program kung kaya’t target ng pamahalaang panlalawigan na matamnan ang nasa 4,100 ektaryang bahagi ng Mt. Mantalingahan Protected Landscape (MMPL) ng iba’t-ibang klase ng puno.

Sa kasalukuyan, ayon kay Jane S. Buenaobra, program manager ng National Greening Program sa Palawan, umaabot na sa 2,881.9 ektarya na bahagi ng Mt. Mantalingahan sa nasasakupan ng mga munisipyo ng Quezon at Rizal ang nataniman na ng mga puno.

Dagdag pa niya, nakatakda na ring magtanim ng mga puno sa iba pang bahagi ng naturang kabundukan na nasasakupan naman ng mga bayan ng Bataraza, Brooke’s Point at Sofronio Española sa mga susunod na buwan.

Ang nabanggit na kabundukan ay may mahalagang papel na ginagampanan sa ekolohiya ng lalawigan. Dito matatagpuan ang iba’t-ibang uri ng hayop at ibon, mga halaman at bulaklak at gayundin ang mga watersheds.

Ang pagtatanim ng mga puno sa paligid ng Mt. Mantalingahan Protected Lanscape ay upang mapanatili ng lalawigan ang pagiging ‘Last Frontier’ nito. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)