Author Archives: PIA-MIMAROPA

About PIA-MIMAROPA

The Philippine Information Agency is one of the bureau/agencies under the Presidential Communications Operations Office.

Tagalog news: Tablas fault maaaring makalikha ng magnitude 7 na lindol – Dir. Solidum

ODIONGAN, Romblon, Agosto 18 (PIA) — Sa press conference na ginanap sa bayan ng Odiongan, sinabi ni Director Renato Solidum Jr. ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na maaaring makalikha ng magnitude 6-7 na lindol ang Tablas fault.

“Yan ang pinakamalakas na lindol na maaring tumama sa Romblon kung sakaling gumalaw ang Tablas Fault na matatagpuan sa silangang bahagi ng Tablas Island”, paliwanag ni Dir. Solidum.

Ayon kay Dir. Solidum, batay sa mapping ng Philvolcs, dinadaanan ng fault line ang mga bayan ng Calatrava, San Agustin, Santa Maria, Alcantara, ilang bahagi ng Looc, Santa Fe, Carabao Island, at ilang lugar sa Panay Island.

Ang posibleng paggalaw ng Tablas fault ang isa aniya sa dapat na scenario ng mga earthquake drills sa lalawigan ng Romblon bilang paghahanda.

Sa pakikipagpulong ni Dir. Solidum sa mga Municipal Disaster and Risk Reduction and Management Officers (MDRRMOs) ng Romblon, sinabi nitong maliban sa Tablas fault ay mayroon ding fault line sa Sibuyan Sea at may isa pa silang tinitingnan na posibleng fault line sa Romblon.

Ayon kay PDRRM Officer Engr. Antonio P. Sarzona na handa naman ang iba’t ibang MDRRMOs sa buong lalawigan sa banta ng pagyanig.

Magugunita na si Solidum ay itinalaga ni Pangulong Rodrigo R. Duterte bilang DOST Undersecretary for Disaster Risk Reduction and Climate Change.(PJF/DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Tagalog news: PH-Extractive Industries Transparency Initiative nagsagawa ng roadshow sa Puerto Princesa

PUERTO PRINCESA, Palawan, Agosto 18 (PIA) — Pinangunahan ng Department of Finance (DOF) ang taunang panlalawigang roadshow ng Philippines-Extractive Industries Transparency Initiative (PH-EITI) na isinagawa kamakailan sa lungsod ng Puerto Princesa.

Ang proseso ay nagsimula noong Enero ng kasalukuyang taon kung saan, nirerepaso ang pag-usad at epekto sa bansa ng EITI na nakabatay sa internasyunal na panuntunan sa pamamahala ng sektor ng pagmimina.

Ani Assistant Secretary Teresa Habitan ng DOF, at focal person ng PH-EITI, bukod sa roadshow, kanila ring sinusubaybayan ang balidasyon ng Pilipinas bilang bansang nagpapatupad ng transparency initiative pagdating sa nabanggit na industriya.

Bilang bahagi ng gawain, nagkaroon ng forum sa pagitan ng mga kinatawan mula sa mga lugar sa Palawan na may pagmimina at kinatawan ng gobyerno kabilang ang lokal na pamahalaan.

Ipinaliwanag ni Atty. Ronald Rex Recidoro ng Chamber of Mines of the Philippines at miyembro ng PH-EITI na ang kanilang inisyatibo ay nabuo sa layuning magkaroon ng tapat na paglalahad sa nararapat na kinikita ng gobyerno, lokal man at nasyunal mula sa yamang mineral.climate

Pagdating naman sa usapin ng pagbabantay sa operasyon ng mga minahan sa lalawigan, tiniyak ni Engr. Roland de Jesus, regional director ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) Mimaropa na patas ang multi-partite monitoring team na binubuo ng iba’t ibang sektor na may kinalaman at direktang apektado ng pagmimina sa komunidad. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

Tagalog news: AFP Chief of Staff Gen. Año, muling bumisita sa Palawan

PUERTO PRINCESA, Palawan, Agosto 17 (PIA) — Muling bumisita si Armed Forces Chief of Staff Gen. Eduardo Año sa Palawan upang pangunahan ang change of command sa Western Command (WESCOM) kamakailan.

Kasabay ng kanyang pagbisita ay iprenesenta dito ng WESCOM ang mga kagamitan na nakumpiska ng militar sa mga operasyon nito laban sa mga rebelde sa bahaging sur ng lalawigan.

Ilan dito ay mga baril, bala, mga kagamitan sa paggawa ng improvised explosive device (IED), mga gamit sa pabunot ng ngipin, blood pressure apparatus, mga food packs, mga personal na kagamitan, mga aklat at subersibong dukomento at marami pang mga bagay na nakumpiska ng military sa nakubkob nitong mga kampo ng rebelde sa bahaging sur ng lalawigan.

Iprinisinta rin ng WESCOM at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan kay Gen. Año ang nasa 11 mga rebeldeng miyembro ng New People’s Army (NPA) na nagbalik loob sa pamahalaan at sumailalim na sa social integration program.

Sinaksihan din ni Gen. Año ang pagbibigay ng pamahalaang panlalawigan ng tulong pinansiyal sa pamamagitan ng tseke na nagkakahalaga ng tig-P15,000 sa mga sumukong rebelde para sa kanilang pagbabagong buhay.

Sa panayam ng mga mamamahayag sa kanya, bago ang ‘Change of Command’ ay sinabi nitong ‘irrelevant na talaga ang CPP-NPP’.  “Hindi na uso ang komunismo, kahit sa buong mundo ay wala nang armadong pakikibaka,” ani Gen. Año.

“Ito ang tamang panahon para bumaba. Ito ang tamang panahon para magbago. Sayang lang ang buhay n’yo dyan,” ang panawagan ni Gen. Año sa mga rebelde. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

Tagalog news: Boac Fire Station, kinilala bilang Best Municipal Fire Station of the Year

BOAC, Marinduque, Agosto 17 (PIA)– Ginawaran ng parangal ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Boac Fire Station bilang Best Municipal Fire Station of the Year sa katatapos lamang na ika-26 na Anibersaryo ng Bureau of Fire Protection (BFP) na ginanap sa AFP Theatre, Camp Aguinaldo, lungsod ng Quezon.

Ilan sa mga naging katuparan ng Boac BFP ay ang aktibong pakikibahagi sa mga aktibidad ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno, mahigpit na koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan, maayos na pamamahala sa mga panahon ng rescue operations tuwing may kalamidad, pagbibigay ng mga seminar at drills tungkol sa kahandaan at pag-iingat sa sunog.

Sa pakikipagpanayam ni SF04 Felix Echavaria, Jr. sa Marinduque News, nais nya na nawa ay maging ehemplo at inspirasyon ang kanilang natanggap na karangalan upang mas lalo pa silang ganahan sa pagbibigay ng serbisyo-publiko sa bayan.

Bukod pa sa plake ay tumanggap din ang BFP-Boac ng perang nagkakahala na P10,000.00 bilang insentibo. (PIA-MIMAROPA/Marinduque)

Tagalog news: NCCA Center for Culture and Arts, planong itayo sa San Jose

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Agosto 17 (PIA) — Nais ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) na magtayo ng Culture and the Arts Center sa bayan ng San Jose.

Ito ang inihayag ni Ferdinand Isleta, tagapamuno ng Plan/PolicyFormulation and Programming Division ng NCCA, sa kanilang pagbisita dito kamakailan.

“Pagdarausan ang Culture and the Arts Center ng iba’tibang cultural activites”, ayon pa kay Isleta at ibinigay na halimbawa bilang mga aktibidad ang training, workshop, exhibition, festival at iba pa.

Sa buong Luzon, tatlo lamang ang napiling lugar na pagtatayuan ng Center for Culture and Arts. Ang mga ito ay ang La Union sa Northern Luzon, Pampangga sa Central Luzon at San Jose sa Southern Luzon. Bawat proyekto ay may pondo mula NCCA na nagkahahalaga ng P3 milyon.

Subalit may mga criterias na hinihingi ang NCCA para sa nasabing Culture and the Arts Center. Una dito ay ang pagsusumite ng letter of intent ng lokal na pamahalaan sa NCCA. Ikalawa, dapat may sukat na 500 meters ang nasabing lugar at ikatlo, kailangang may kaugnayan sa kultura at sining ang nasabing gusali na pagmamayari ng lokal na pamahalaan. .

Samantala, nakikita naman ni Michelle Rivera, Municipal Tourism Officer, ang malaking tulong na maibibigay ng Culture and the Arts Center, lalo na sa mga kabataan. Ayon pa kay Rivera, maraming kabataan ang mahuhubog sa pagtugtog ng instrument, pagguhit, pag arte, sayaw at awit. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)

Tagalog news: Narra, Palawan, wagi sa may ‘Malinis at Masaganang Karagatan’ sa Mimaropa

PUERTO PRINCESA, Palawan, Agosto 17 (PIA) — Pinatuyanayan ng bayan ng Narra, Palawan ang pagkakaroon ng pagkilala sa Malinis at Masaganang Karagatan (MMK) sa buong rehiyong Mimaropa.

Ito ay matapos na magwagi sa unang puwesto sa patimpalak sa may pinakamalinis na baybayin na isinagawa ng Department of Agriculture (DA)-Mimaropa sa pamamagitan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

“Dahil sa inisyatibong ito ng ating gobyerno, mas lalo tayong nai-inspire na pagyamanin ang ating karagatan, tuloy-tuloy ang ating pagpapayabong ng mga bakawan kasama ang DA, fisherfolks, Narra Farmer’s Multipurpose Cooperative (NFARMC), pinananatili din natin ang kalinisan sa ating karagatan”, ani Mayor Lucena Demaala sa pakikipag-unayan ng Philippine Information Agency (PIA).

Ang pang rehiyong patimpalak ay inilunsad ng BFAR noong Nobyembre 17 ng nakalipaa na taon na naglalayong kilalanin ang di matatawarang insiyatibo ng lokal na pamahalaan sa pagpapanatili at pagpapalawak ng maunlad na pangisda.

Sa ipinarating na abiso ng DA sa LGU-Narra, sinasabing sa mga bayan sa rehiyon, ang Narra ang pinakamahusay pagdating sa pagbuo ng mga panuntunan kabilang na ang maayos na pagtugon sa mga mapanirang gawain tulad ng iligal na pangingisda.

Kinikilala rin dito ang suporta ng lokal na pamahalaan at pakikilahok ng mga mamamayan, pagpapa-angat ng kabuhayan para sa mga residente at mahigpit na pagpapatupad ng batas.

“Pagbubutihin pa namin ang pangangalaga sa aming marine protected areas lalo na’t ang Narra ang magre-represent sa Mimaropa sa gagawin namang national search ng MMK”, dagdag pa ni Demaala. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

Tagalog news: Romblon PPO naglunsad ng programang susuporta sa tropang nakikipaglaban sa Marawi

ROMBLON, Romblon, Agosto 17 (PIA) — Ang Romblon Provincial Police Office ay naglunsad ng programang “Support Our Troops” bilang  pagpapakita ng suporta sa tropa ng pamahalaan na nakikipaglaban sa mga teroristang Maute-Isis sa lungsod ng Marawi.

Pinasimulan ito sa pamamagitan ng motorcade paikot sa kabayanan ng Romblon kasunod ang maikling programa sa Multi – purpose Building ng Romblon Provincial PPO na nilahukan ng iba’t ibang religious group at mga kawani ng PNP.

Sinabi ni Police Supt. Raquel Martinez, Deputy Provincial Director for Administration, na layunin din ng kanilang programa na makalikom ng pondo para maipambili ng gamot at mga importanteng suplay na kanilang ipapadala sa mga tropang nasa Marawi.

Ang kahalintulad na aktibidad ay isinakatuparan din sa iba’t ibang munisipyo ng lalawigan sa pangunguna ng mga kapulisan na nakatalaga sa bawat bayan.(DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)