Daily Archives: June 13, 2017

Tagalog news: LGU OrMin, namahagi ng tulong pang-imprastraktura sa Pinamalayan

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Hunyo 13 (PIA) – Muli na namang namahagi ng ilang sako ng semento ang pamahalaang panlalawigan sa iba’t ibang barangay sa bayan ng Pinamalayan na bahagi ng programang pambarangay ng kapitolyo.

Layunin ng gawain na matugunan ang mga pangunahing pangangailangan sa mga proyektong pang-imprastraktura lalung-lalo na ang pagpapakongkreto ng mga kalsadang pangunahing dinadaanan sa malalayong lugar.

Ipinagkaloob ang mga nasabing kagamitan sa pamamagitan ni Executive Assistant I Stephanie Sue M. Umali bilang kinatawan ng gobernador.

Sa pinakahuling pamamahagi, nakatanggap ng tig-50 sako ng semento ang ang siyam na barangay sa Pinamalayan. Ilan sa mga proyektong pagagamitan ng nasabing tulong ay ang pagsasaayos ng pathways at drainage canals.

Sa kabuuan, 450 sako ng semento ang naipamahagi sa mga barangay ng Ranzo, Banilad, Buli, Cacawan, Bacungan, Pagalagala, Zone I, Zone III at Panggulayan.

Lubos naman ang kasiyahan at pasasalamat ng mga opisyal ng barangay at mga residente sa tulong mula sa Pamahalaang Panlalawigan sapagkat batid nilang malaking bagay ang mga ito sa kapakanan at maayos na serbisyo para sa kanilang mga mamamayan.  (CPRSD/LTC/PIA-Mimaropa/Calapan)

Advertisements

Tagalog news: 14 fiberglass na bangka, ipagkakaloob ng BFAR sa fish sanctuaries sa Romblon

ROMBLON, Romblon, Hunyo 13 (PIA) — Nangako si BFAR Mimaropa Regional Director Elizer Salilig na magbibigay ang kanyang tanggapan ng 14 na fiberglass na bangkang de motor sa mga fish sanctuaries sa bayan ng Romblon.

Tiniyak naman ng BFAR Romblon Fishery Office na bago magtapos ang taong kasalukuyan ay kanilang maipadadala ang naturang mga bangka sa 14 na barangay sa Romblon na mayroong fish sanctuary.

Nilalayon ng proyektong ito na mabantayang maigi ang mga pangitlogan ng isda at ng iba pang uri ng lamang dagat upang makapagparami ang mga ito.

Ayon kay Edgardo M. Molina, fishery technician ng Office of the Municipal Agriculturist, ang mga fiberglass na bangka ay ipagkakaloob sa mga Bantay Dagat ng bawat barangay na siyang regular na magpapatrulya sa fish sanctuary upang bantayan ito laban sa mga iligal na pumapasok dito at gumagawa ng maling paraan ng pangingisda.

Dapat rin aniyang pangalagaan ng mga Bantay Dagat ang tulong na kanilang natanggap mula sa BFAR, huwag ipagbibili at gamitin ng tama upang magtagal ito.(DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Tagalog news: Potograpiya, paggamit ng social media, itinuro sa mga miyembro ng PalComNet

PUERTO PRINCESA, Palawan, Hunyo 13 (PIA) — Itinuro ng mga kinatawan mula sa central office ng Philippine Information Agency (PIA) kamakailan sa mga miyembro ng Palawan Communicators Network (PalComNet) ang tamang pagkuha ng larawan at paggamit ng social media bilang paraan ng pamahalaan sa pagpapakalat ng tama at kapaki-pakinabang na impormasyon sa publiko.

Layon nito na mas mapalawak pa ang kaalaman ng mga tagapagbalita ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno sa Palawan patungkol sa kanilang ginagampanang tungkulin gamit ang makabagong pamamamaraan.

Ani Krishna Sonza na siyang nagturo patungkol sa social media, mahalagang maging responsable ang isang empleyado ng pamahalaan sa mga pangungusap na isasapubliko o ibabahagi nito sa facebook, twitter, instagram at iba pang uri ng social media.

Naging tampok naman sa pagtuturo ang basic photography at mga pamamaraan o anggulo sa pagkuha ng larawan sa iba’t ibang kaganapan.

Ang nasabing aktibidad ay bahagi ng gawain sa ‘Ugnayan sa PIA: ASEAN A Community of Opportunities’ kung saan partisipante dito ang mga information officer (IO) ng LGU at mga ahensya ng pamahalaang nasyunal. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

OrMin celebrated 119th Phl Independence Day

CALAPAN CITY, Oriental Mindoro, June 13 (PIA) – The province of Oriental Mindoro headed by Gov. Alfonso V. Umali, Jr. celebrated the 119th Philippine Independence Day today at the Provincial Capitol Grounds in Calapan City.

The celebration started at exactly 8:00AM with a Flag Raising Ceremony led by Gov. Umali and Vice Gov. Humerlito A. Dolor, along with employees of the Provincial Capitol and national government agencies, particularly the Philippine National Police (PNP).

Right after the flag raising ceremony, all employees proceeded to the Bulwagang Panlalawigan Hall to hold a simple program focusing on this year’s theme, “KALAYAAN 2017 Pagbabagong Sama-samang Balikatin.”

In his speech, Provincial Administrator Nelson B. Melgar emphasized the principles of this year’s celebration of independence which he associated to three important things: Kalayaan, Kasarinlan and Karapatan.

On the other hand, Vice Gov. Dolor in his speech, discussed the meaning and the root words of each phrase specified on the theme.

The “pagbabago” (change) which he said is very resistant to accept by almost everyone, but that is significant to happen as he further underscored.  The “sama-samang” (joined together) has been an important factor to accomplish task and the last phrase “balikatin” (to shoulder) is a way to handle things using the shoulder especially if the task is too heavy.  (LTC/PIA-Mimaropa/Calapan)

Tagalog news: Turismo sa Puerto Galera, higit pang pauunlarin, ayon kay Mayor Ilagan

PUERTO GALERA, Oriental Mindoro, Hunyo 13 (PIA) – Kilala na ang Puerto Galera sa larangan ng turismo ngunit marami pa rin ang kailangang ayusin upang lalo pa itong dayuhin ng mga turista.

Ito ang ipinahayag ni Puerto Galera Mayor Rockey D. Ilagan sa isang panayam ng lokal na mamamahayag kamakailan.

Ayon kay Mayor Ilagan, kailangan pang ayusin ang ilang basic services, kailangan ding magkaroon ng mas mahusay na tourism promotions at higit pang isaayos ang tourist destinations para sa kapakinabangan ng mga turistang pumupunta sa kanilang bayan.  Idinagdag din niya ang mga proyektong isasagawa ng kanyang pamunuan ngayong taon.

Ayon kay Ilagan, sa taong ito, bubuksan na ang 2.8 kilometrong zipline mula sa Tamaraw Falls hanggang sa dalampasigan ng Brgy. Villaflor sa Puerto Galera.  Maituturing na ito na ang pinakamahabang zipline sa buong Pilipinas.  Ito ay proyektong pinondohan ng Pamahalaang Bayan.

Itatayo rin, aniya, ang Cultural Heritage Park sa Muelle Port na may P60 milyon grant mula sa Tourism Infrastructue and Enterprise Zone Authority (TIEZA).  Bukod pa rito, P100 milyon naman ang kaloob ng Department of Tourism para sa pagsasaayos ng sewerage system at road network sa Brgy. Sabang.

Binanggit din ni Ilagan ang pagkakaroon ng higit na magagandang tourism activities sa White Beach.  Nilagyan na, aniya, ng designated swimming areas at pinagsama-sama na rito ang iba’t ibang water sports activities. Inilipat na rin sa Minolo Port ang maliliit na bangka na nakadaong sa dalampasigan ng White Beach na ginagamit para sa mga beach tours.

Marami na ring malalaking kumpanya ang naglunsad ng kani-kanilang promotional activities sa Puerto Galera, ani Mayor Ilagan.

Pagkatapos ng apat na taong pagkawala, bumalik na ulit ang San Miguel Brewery ngayong summer at naglunsad ng kanilang promo campaign tuwing Sabado ng gabi.  Iba’t ibang promo campaign din ang gingagawa ng Globe Telecom at ang kumpanya ng Head and Shoulders shampoo.

Sa simula ng termino ni Mayor Ilagan bilang punumbayan, isa sa kanyang binigyang-pansin ay ang pagsasaayos ng Municipal Disater Risk Reduction and Management Council upang magkaroon ng higit na kahandaan ang mga mamamayan sa panahon ng mga kalamidad at trahedya.

Pinag-uusapan din nila ng Philippine Ports Authority (PPA) ang mungkahi ng ahensya na magkaroon lamang ng one point of entry sa Puerto Galera. May ordinansa, aniya, ang Sangguniang Bayan na lima ang point of entries sa kanilang bayan: Sabang, Muelle, Balatero, San Isidro, at Talipanan.  Pinagtutuunan nila ng pansin ang pagsasaayos ng water transport system upang higit pang maging maalwan ang pagbibyahe sa lugar.

Samantala, sa darating na 2018, sisimulan na ang unti-unting pagphase-out ng wooden hull vessels. May investor na rin na maglalagay ng linya ng mga fastcraft para sa byaheng Puerto Galera.

Ayon pa kay Ilagan, patuloy ang pagtaas ng bilang ng tourist arrivals sa Puerto Galera. Base sa datos, aniya, mula sa mga hotel at resort at sa kinokolektang environmental user’s fee (EUF) mula sa mga bisitang dumarating sa kanilang bayan, mula Enero hanggang Marso ng taong kasalukuyan, tumaas ng 10-12 porsiyento ang kanilang tourist arrivals.  May naitala namang 15 porsiyento ang itinaas mula Agosto hanggang Disyembre ng nakaraang taon.  Umabot naman sa 15,000 ang bilang ng tourist arrivals noong nakaraang Holy Week.

Nanawagan din si Ilagan sa mga mamamayang Mindoreño na makiisa sa pagtataguyod ng kagalingan ng Puerto Galera, ang ipinagmamalaking tourism capital ng Oriental Mindoro. (CPRSD/LTC/PIA-Mimaropa/Calapan)

Tagalog news: Prov’l Rehab Center ng OrMin, tumatanggap na ng outpatient

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Hunyo 13 (PIA) – Tumatanggap na ngayon ng outpatient ang Oriental Mindoro Drug Rehabilitation and Recovery Center (OMDRRC) sa Barangay Ilaya, Lungsod ng Calapan.

Ang OMDRRC ay isa lamang sa pinakamalalaking proyekto ng pamahalaang Panlalawigan bilang suporta sa kampanya laban sa iligal na droga ni Pangulong Rodrigo R. Duterte.

Matatandaan na kamakailan lamang ay pinasinayaan dito ang 50–bed capacity ng OMDRRC  na magsisilbing pag-asa ng mga drug dependent na maibalik sa normal ang pamumuhay at matulungan silang magkaroon ng transpormasyon upang maging produktibong mamamayan.

Sa pinakahuling datos na naitala ng Provincial Health Office (PHO), umaabot na sa humigit-kumulang sa 10,000 ang drug surrenderees sa lalawigan.

Dahil sa mataas na bilang na ito, malaking katulungan ang itinayong rehab center sa pamamagitan ng suportang ipinagkaloob ng Departrment of Health (DOH) para  sa naturang  proyekto.

Ayon kay Gob. Alfonso V. Umali, Jr., malaking adbentahe ang pagkakaisa at pagsasama-sama ng mga lider at mamamayan at ang pagtutuwang ng iba’t ibang sektor sa lalawigan na naging dahilan na rin kaya napabilis ang proyektong OMDRRC.  Partikular niyang tinukoy ang inisyatiba ng DOH na inaasahang makapagkakaloob pa ng karagdagang P10M para sa proyekto.

Sinabi rin niyang hindi sapat  na mayroong Rehab Center lamang kundi nararapat  na pag-aralan pa ang mga dapat na gawin upang ito’y magtuluy-tuloy at maging matagumpay.

Sa kasalukuyan, pinangangasiwaan  ang OMDRRC ng PHO at para sa  mga  nais  matulungan nito, maaaring makipag-ugnayan ang sinuman  sa kanilang tanggapan o tumawag sa Drug Recovery Helpline sa numerong 043-2881368.  (CPRSD/LTC/PIA-Mimaropa/Calapan)

Tagalog news: Fish Landing ng BFAR sa Bgy. Carmen, San Agustin, pinasinayaan na

SAN AGUSTIN, Romblon, Hunyo 13 (PIA) — Pinasinayaan na kamakailan ang bagong Community Fish Landing Center (CLFC) na ipinatayo ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)- Mimaropa sa Barangay Carmen, San Agustin, Romblon sa pangunguna ni Mayor Esteban Santiago F. Madrona.

Ang naturang proyekto ay pinondohan ng Php3 milyon ng BFAR-Mimaropa upang matulungan ang mga mangingisda sa naturang bayan sa kanilang hanapbuhay.

Ayon sa pamunuan ng BFAR Romblon Field Office, ang paglalagay ng pasilidad ay naglalayong mai-preserba ang kanilang huling isda kapag hindi pa ito naibenta kaagad at dito rin isasagawa ang bentahan ng isda sa mga namamakyaw.

Inaasahan naman ng BFAR na mapangangalagaan ang pasilidad na ito ng lokal na pamahalaan upnag matagal itong mapakinabangan ng mga mangngisda sa naturang lugar.

Maliban sa San Agustin, nai-turn over na rin ng BFAR Mimaropa sa LGU ang kanilang mga ipinatayong CLFC sa mga bayan ng Ferrol, Santa Fe, Cajidiocan, Calatrava at Corcuera.

Kasalukuyan na ring itinatayo ang iba pang fish landing ng BFAR sa mga bayan ng Romblon, Odiongan, Alcantara, Sta. Maria, magdiwang, San Jose at San Fernando kung saan inaasahan na matatapos ito ngayong taon.(DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)