Category Archives: News

Tagalog news: Kinatawan ng mga katutubo sa Sangguniang Panlalawigan ng Palawan, kinumpirma na

PUERTO PRINCESA, Palawan, Hunyo 19, (PIA) — Kinumpirma na sa ika-49 regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan kamakailan ang pagiging Indigenous People’s Mandatory Representative (IPMR) ni Joel P. Lumis.

Si Lumis ang ikalawang IPMR sa sangguniang panlalawigan, at siya rin ang pumalit sa namayapang dating IPMR na si Noel Jagmis mula sa katutubong Tagbanua.

Tumagal ng ilang linggo bago nahirang si Lumis bilang IPMR sa konseho ng Palawan dahil sa kailangan pa umanong ma-beripika ng konseho ang pagiging tunay ng Certificate of Confirmation mula sa National Commission on Indigenous People (NCIP) na isinumite nito sa konseho.

Bilang IPMR, manunungkulan si Lumis bilang ex-officio member ng sangguniang panlalawigan sa loob ng 28 buwan.

Si Lumis ay mula sa tribong Tagbanua at naninirahan sa munisipyo ng Aborlan, Palawan. Kasalukuyan siyang pinuno ng Tagbanua IP Community, tagapayo ng Samahan ng Pagkakaisa ng Cuyonon, miyembro ng Lupon ng mga Direktor ng Indigenous People Mandatory Representative League. Boluntaryong rin siyang nanunungkulan sa Palawan Tribal Council Federation. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

Advertisements

Tagalog news: 7 patay, 2 nawawala sa pagtaob ng pampasaherong bangka sa Romblon

ROMBLON, Romblon, Hunyo 14 (PIA) — Umabot na sa pitong pasahero ang nasawi na lulan ng pumpboat na MB alad Express II na tumaob malapit sa karagatan ng Barangay Agbudia, Romblon, Romblon noong Biyernes, Hunyo 9.

Base sa talaan ng Coast Guard at PDRRMO Romblon, ang pitong nasawi ay kinilalang sina Dr. Laudemir Famarin, 56 taong gulang, tubong Banton, Romblon na nakadestino sa Sibuyan District Hospital; Josephine Mutia, 50 anyos, residente ng Agutay, Magdiwang, Romblon; Evangeline Cledera, 30 taong gulang, nakatira sa Quezon City; John Mark Mingo, 9 taong gulang, taga Agtiwa, San Fernando, Romblon; Anacel Macalipay, 27 taong gulang, residente ng Agutay, Magdiwang, Romblon; Melly Mendezabal, 61 taong gulang, tubong Agutay, Magdiwang, Romblon at Jane Kristelle Hawod, 18 taong gulang, residente ng Canjalon, San Fernando, Romblon.

Samantala, hanggang sa kasalukuyan ay bigo pa rin ang mga awtoridad na mahanap ang dalawa pang nawawala na pasahero na kinilalang sina Laude Roman, 56 anyos at James Mingo, isang taong gulang.

Matatandaan na noong bago magtanghali noong Hunyo 9, ang MB Alad Express II ay naglayag galing ng bayan ng Magdiwang at patungo sa Romblon, Romblon subalit inabutan ito ng sungit ng panahon habang binabaybay ang pamapangin ng Sitio Agdapdap, Bgy. Agbudia sa  silangang bahagi ng Romblon.

Batay sa salaysay ng mga nakligtas, nang umalis ang pumpboat sa Ambulong port ay banayad hanggang sa katamtaman ang alon ngunit nang malapit na ang bangka sa isla ng Romblon (halos 200 metro lamang ang layo sa pampang ng Agbudia) ay biglang lumakas ang hangin na may kasamang malakas na ulan.

Dulot marahil anila ng malakas na hangin kung kaya lumaki ang mga alon na naging sanhi ng biglaang pagtagilid ng bangka at dere-deretsong ng tumaob.

Sa iglap o di inaasahang pangyayari, napailalim sa bangka ang lahat ng pasahero at na-trap sa kamarote dahil nakasarado ang mga bintana nito.

Kasalukuyan namang nasa kostudiya ng Romblon Municipal Police Station ang may-ari at kapitan mismo ng bangka na si Naptali Molina.(DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Tagalog news: Konstruksyon ng vegetable market sa bayan ng San Agustin, sinimulan na

SAN AGUSTIN, Romblon, Hunyo 5 (PIA) — Sinisimulan na ang konstruksiyon ng bagong Vegetable Market ng bayan ng San Agustin na nagkakahalaga ng mahigit Php2 milyon mula sa pondo ng lokal na pamahalaan.

Matapos isinagawa ang groundbreaking noong unang lingo ng Mayo ay agad sinimulan ang konstruksiyon nito at inaasahang matatapos ito sa unang quarter ng susunod na taon.

Ayon kay Mario Mancuyas, municipal information officer, ang itinatayong gusali ay matatagpuan sa Bgy. Poblacion ng nasabing bayan kung saan madali itong makita at mapuntahan ng mga mamimili.

Ang San Agustin Vegetable Market ay pinondohan ng P2,355,696.80 ng kasalukuyang administrasyon na naglalayong mapaluwag at mapaganda ang dating anyo ng palengke.

Ikinatuwa naman ng mga manininda sa palengke ang pagsasakatuparan ng nasabing proyekto dahil sila mismo ang direktang makikinabang dito at makapagbibigay ang bagong merkado ng kabuhayan sa kanila.

Aktwal na binisita ni Mayor Esteban Santiago F. Madrona ang ginagawang gusali at inatasan din nito ang Engineering Office na magkaroon ng koordinasyon sa kontratista para matiyak na tama at maayos ang gagawin at naaayon sa binuong plano.(DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Tagalog news: 5 pang bayan sa Romblon, naideklarang ‘drug-cleared’ municipality ng PDEA

ODIONGAN, Romblon, Hunyo 5 (PIA) — Lima pang bayan sa lalawigan ng Romblon ang naideklara ng “drug cleared” municipality ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) – Mimaropa.

Ang deklarasyon ay inihayag kamakailan ng PDEA Miamropa sa ipinatawag nilang press conference at presentation na ginanap sa conference room ng Romblon Provincial Government Extension Office sa Odiongan, Romblon.

Kabilang sa mga tinukoy na munisipyo na drug cleared ay ang mga bayan ng Banton, Corcuera, Concepcion, San Andres at Santa Maria.

Magugunita na nauna nang inanunsiyo ng PDEA at PNP ang bayan na Clatrava na kauna-unahang “drug cleared” municipality sa Romblon.

Ayon sa kinatawan ng PDEA Mimaropa, masusing siniyasat ng mga miyembro ng Drug Abuse Council sa bawat barangay ng mga nabanggit na bayan kung karapat dapat na bang mapabilang na “drug cleared” ang lahat ng barangay ng mga naturang bayan upang maideklara itong malinis na sa ipinagbabawal na gamut.

Ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Armed Forces of the Philippines (AFP), local government units, at ilang stakeholders ang magkakasama na nagsagawa ng balidasyon sa mga barangay.

Ayon pa sa PDEA, ilan sa mga barangay sa mga nasabing bayan ay wala talagang shabu o gumagamit ng iligal na droga gaya umano sa bayan ng Concepcion.

Masayang tinanggap ng mga chief of police ng bawat bayan na pinarangalan ang kanilang sertipiko na nagpapatunay na malinis na sa droga ang kanilang bayan.

Tiniyak naman ng kapulisan sa Romblon na hindi sila titigil sa kanilang pagmonitor sa mga dati na nilang na-TokHang o mga drug surrenderers para tuluyan na itong magbago at umiwas sa paggamit muli ng ipinababawal na gamot.(PJF/DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Tagalog news: TESDA-Palawan, natulungan ang mga nasangkot sa iligal na droga

PUERTO PRINCESA, Palawan, Mayo 30 (PIA) — Umaabot na sa 85 na mga sumukong sangkot sa ipinagbabawal na gamot ang nabiyayaan ng programa ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa lalawigan ng Palawan bilang bahagi ng kampanyang laban sa iligal na droga ng pamahalaan.

Mula sa nasabing bilang, 60 na mga indibiduwal ang nagtapos na sa mga skills training na ibinigay ng ahensya, habang ang 25 naman ang nagpapatuloy ang pagsasanay.

Sa ‘Kapihan sa Philippine Information Agency (PIA)’, tinuran ni Renato Pantaleon, provincial director ng TESDA-Palawan sinimulan na nilang magkaloob ng mga kursong tile-setting and pagsasanay sa paggawa ng tinapay. Ang nasabing mga benepisyaryo ay mga residente ng bayan ng Balabac sa pamamagitan ng kahilingan ng lokal na pamahalaan.

“Sa ngayon, Balabac palang ang may request kaya sila pa lamang ang nabigyan”, ani Direktor Pantaleon.

Dagdag pa ng opisyal, triple ang inilaang pondo ni 2nd District Representative Frederick Abueg para sa TESDA-Palawan na nagkakahalaga ng Php2.5 milyon upang makatulong na mabigyan ng pagkakataong magbagong-buhay ang mga boluntaryong sumuko sa mga awtoridad matapos masangkot sa droga.

“Kinakailangan lang maidaan muna sa proseso ang mga drug surrenderees bago sasailalim sa pagsasanay sapagkat aalamin pa ang estado ng kanilang mentalidad, kung kinakailangan pang isailalim ang mga ito sa rehabilitasyon”, paliwanag ni Pantaleon.

Ilan sa mga prosesong pagdadaanan ng isang nagnanais makakuha ng programa ay ang endorse mula sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), Philippine National Police (PNP) at ospital na pinaniniwalaan ng Department of Health (DOH) para sa drug test. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

Tagalog news: BFAR, LGU Odiongan namahagi ng bangkang de motor at lambat

ODIONGAN, Romblon, Mayo 29 (PIA) — Labingsiyam na bangkang de motor at mga lambat ang ipinamahagi kamakailan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) – Mimaropa sa mga benepisyaryong mangingisda sa bayan ng Odiongan.

Ang pamamahagi ng libreng kagamitang pangisda ay pinangunahan ni Mayor Trina Firmalo-Fabic kung saan ang mga mapalad na nabigyan nito ay mula sa walong coastal barangay ng Odiongan, Romblon na kinabibilangan ng Barangay Canduyong, Barangay Budiong, Barangay Poctoy, Barangay Batiano, Barangay Gabawan, Barangay Tumingad, Barangay Libertad at Barangay Panique.

Ayon kay Mayor Fabic ang kanyang bayang pinamumunuan ang kauna-unahang munisipyo sa lalawigan ng Romblon na nabiyayaan ng mga bangkang de motor galing sa tanggapan ng BFAR Mimaropa.

Ang mga bangkang demotor na kakabitan na lang ng katig ay makatutulong sa mga mangingisda dahil sa pamamagitan nito ay makagpapalaot na sila at maihulog ang mga lambat para may mapagkakitaan sa araw-araw. (RS/DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Tagalog news: Kampanyang “Aso ko, Tali Ko”, patuloy na isinusulong ng LGU Odiongan

ODIONGAN, Romblon, Mayo 29 (PIA) — Mas pinaigting ng pamahalaang bayan ng Odiongan ang kampanyang “Aso Ko, Tali Ko” para sa responsableng pag-aalaga ng mga aso upang maiwasan ang pagkalat ng sakit na rabies sa naturang bayan.

Ang kampanyang ito ng LGU Odiongan ay batay sa Municipal Ordinance 2008-01 na nagbabawal sa mga asong gala para maiwasan nga ang rabies, pagkakalat ng dumi ng mga ito at maging sanhi ng aksidente sa mga motorista.

Tinututukan ng lokal na pamahalaan ang kampanyang responsible pet ownership sa kadahilanang ang mga may-ari ng alagang aso ang may responsibilidad sa pagpapabakuna ng anti-rabies at pagpapanatili ng kalinisan ng kanilang mga alagang hayop.

Ayon sa Office the Municipal Agriculturist (OMAg) – Odiongan, kalimitan kasi ay pinababayaan ng mga amo na gumala ang kanilang mga hayop na isang pagkakataon na magkakaroon sila na rabies virus.

Kaugnay nito, nagpakalat na ng mga signboard at flyers ang naturang tanggapan na nagsasaad na mahigpit na ipinagbabawal ang asong gala sa nasabing bayan dahil ang mga ito ang huhulihin ng mga tauhan ng OMAg at dadalhin sa dog impounding area.

Bibigyan rin ng pagkakataon ang mga may-ari nito na makapagbayad ng multa para matubos ang kanilang mga alaga at kaakibat nito ang pangakong hindi na nila ito pababayaan na muling gumala sa mga kalsada.

Patuloy ring kinukumbinsi ng LGU Odiongan ang mga may-ari na pabakunahan ang kanilang mga alagang aso dahil libre namang ipinagkakaloob ito ng Office of the Provincial Veterinarian para siguradong may pananggalang laban sa rabies virus at proteksyon na rin sa mga tao sa kanilang nakakasalamuha.(DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)