Monthly Archives: May 2017

Tagalog news: Calatrava, kauna-unahang bayan sa Romblon na idinelarang ‘drug cleared’

CALATRAVA, Romblon, Mayo 30 (PIA) — Ang bayan ng Calatrava sa lalawigan ng Romblon ang kauna-unahang idineklara ng Philippine National Police (PNP) at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na “drug-cleared” municipality.

Ayon sa pamunuan ng Police Regional Office Mimaropa, ang pitong barangay ng Calatrava na binubuo ng Balogo, Linao, Poblacion, Pagsangahan, Pangulo, San Roque at Talisay ay dumaan sa masusing ebalwasyon ng Regional Oversight Committee on Anti-Illegal Drugs bago ito naideklarang “drug-cleared”.

Naging katuwang ng PDEA sa pag-validate sa mga barangay ang mga kinatawan mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), local government units at ilang stakeholders.

Kabilang sa naging batayan ng PDEA upang maidelarang drug-cleared ang isang bayan ay ang sumusunod: non-availability of drug supply; walang drug transit o transshipment; walang drug pusher na naipakulong o sumailalim sa rehabilitasyon; walang protektor o financier ng drugs; may aktibong pakikiisa ang barangay at kabataan sa kampanya; pagsasagawa ng drug preventive education, paglalagay ng voluntary and compulsory drug treatment and rehabilitation desk, walang clandestine drug lab o warehouse at walang marijuana cultivation site.

Sa programang PIA Mimaropa Hour, sinabi ni PSInsp. Gemmie M. Mallen, chief of police ng Calatrava Municipal Police Station, na hindi pa tapos ang adhikain ng PNP at hindi puwedeng ibaba ang lebel ng pagbabantay kung kaya’t patuloy ang operasyon sa kampaya kontra ilegal na droga kung kaya hinihiling nito ang patuloy na pakikipagtulungan ng pamayanan sa lahat ng kanilang mga programa.

Maliban sa munisipyo ng Calatrava, dalawang bayan rin sa Mimaropa ang naideklara nang ‘drug-cleared’ na kinabibilangan ng Mansalay sa Oriental Mindoro at Magsaysay sa Occidental Mindoro.(DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Tagalog news: TESDA-Palawan, natulungan ang mga nasangkot sa iligal na droga

PUERTO PRINCESA, Palawan, Mayo 30 (PIA) — Umaabot na sa 85 na mga sumukong sangkot sa ipinagbabawal na gamot ang nabiyayaan ng programa ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa lalawigan ng Palawan bilang bahagi ng kampanyang laban sa iligal na droga ng pamahalaan.

Mula sa nasabing bilang, 60 na mga indibiduwal ang nagtapos na sa mga skills training na ibinigay ng ahensya, habang ang 25 naman ang nagpapatuloy ang pagsasanay.

Sa ‘Kapihan sa Philippine Information Agency (PIA)’, tinuran ni Renato Pantaleon, provincial director ng TESDA-Palawan sinimulan na nilang magkaloob ng mga kursong tile-setting and pagsasanay sa paggawa ng tinapay. Ang nasabing mga benepisyaryo ay mga residente ng bayan ng Balabac sa pamamagitan ng kahilingan ng lokal na pamahalaan.

“Sa ngayon, Balabac palang ang may request kaya sila pa lamang ang nabigyan”, ani Direktor Pantaleon.

Dagdag pa ng opisyal, triple ang inilaang pondo ni 2nd District Representative Frederick Abueg para sa TESDA-Palawan na nagkakahalaga ng Php2.5 milyon upang makatulong na mabigyan ng pagkakataong magbagong-buhay ang mga boluntaryong sumuko sa mga awtoridad matapos masangkot sa droga.

“Kinakailangan lang maidaan muna sa proseso ang mga drug surrenderees bago sasailalim sa pagsasanay sapagkat aalamin pa ang estado ng kanilang mentalidad, kung kinakailangan pang isailalim ang mga ito sa rehabilitasyon”, paliwanag ni Pantaleon.

Ilan sa mga prosesong pagdadaanan ng isang nagnanais makakuha ng programa ay ang endorse mula sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), Philippine National Police (PNP) at ospital na pinaniniwalaan ng Department of Health (DOH) para sa drug test. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

Tagalog news: BFAR, LGU Odiongan namahagi ng bangkang de motor at lambat

ODIONGAN, Romblon, Mayo 29 (PIA) — Labingsiyam na bangkang de motor at mga lambat ang ipinamahagi kamakailan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) – Mimaropa sa mga benepisyaryong mangingisda sa bayan ng Odiongan.

Ang pamamahagi ng libreng kagamitang pangisda ay pinangunahan ni Mayor Trina Firmalo-Fabic kung saan ang mga mapalad na nabigyan nito ay mula sa walong coastal barangay ng Odiongan, Romblon na kinabibilangan ng Barangay Canduyong, Barangay Budiong, Barangay Poctoy, Barangay Batiano, Barangay Gabawan, Barangay Tumingad, Barangay Libertad at Barangay Panique.

Ayon kay Mayor Fabic ang kanyang bayang pinamumunuan ang kauna-unahang munisipyo sa lalawigan ng Romblon na nabiyayaan ng mga bangkang de motor galing sa tanggapan ng BFAR Mimaropa.

Ang mga bangkang demotor na kakabitan na lang ng katig ay makatutulong sa mga mangingisda dahil sa pamamagitan nito ay makagpapalaot na sila at maihulog ang mga lambat para may mapagkakitaan sa araw-araw. (RS/DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Tagalog news: Kampanyang “Aso ko, Tali Ko”, patuloy na isinusulong ng LGU Odiongan

ODIONGAN, Romblon, Mayo 29 (PIA) — Mas pinaigting ng pamahalaang bayan ng Odiongan ang kampanyang “Aso Ko, Tali Ko” para sa responsableng pag-aalaga ng mga aso upang maiwasan ang pagkalat ng sakit na rabies sa naturang bayan.

Ang kampanyang ito ng LGU Odiongan ay batay sa Municipal Ordinance 2008-01 na nagbabawal sa mga asong gala para maiwasan nga ang rabies, pagkakalat ng dumi ng mga ito at maging sanhi ng aksidente sa mga motorista.

Tinututukan ng lokal na pamahalaan ang kampanyang responsible pet ownership sa kadahilanang ang mga may-ari ng alagang aso ang may responsibilidad sa pagpapabakuna ng anti-rabies at pagpapanatili ng kalinisan ng kanilang mga alagang hayop.

Ayon sa Office the Municipal Agriculturist (OMAg) – Odiongan, kalimitan kasi ay pinababayaan ng mga amo na gumala ang kanilang mga hayop na isang pagkakataon na magkakaroon sila na rabies virus.

Kaugnay nito, nagpakalat na ng mga signboard at flyers ang naturang tanggapan na nagsasaad na mahigpit na ipinagbabawal ang asong gala sa nasabing bayan dahil ang mga ito ang huhulihin ng mga tauhan ng OMAg at dadalhin sa dog impounding area.

Bibigyan rin ng pagkakataon ang mga may-ari nito na makapagbayad ng multa para matubos ang kanilang mga alaga at kaakibat nito ang pangakong hindi na nila ito pababayaan na muling gumala sa mga kalsada.

Patuloy ring kinukumbinsi ng LGU Odiongan ang mga may-ari na pabakunahan ang kanilang mga alagang aso dahil libre namang ipinagkakaloob ito ng Office of the Provincial Veterinarian para siguradong may pananggalang laban sa rabies virus at proteksyon na rin sa mga tao sa kanilang nakakasalamuha.(DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Tagalog news: Antas ng malnutrisyon, pinabababa sa Mimaropa

LUNGSOD NG CALAPAN, Mayo 29 (PIA) – Tinututukan ngayon ng Provincial at Municipal Nutrition Councils ang pagpapababa ng antas ng malnutrisyon sa buong lalawigan.

Ito ang patuloy na ikinakampanya ng Pamahalaang Nasyunal, sa pamamagitan ng mga Provincial at Municipal Nutrition Councils sa pamahalaang lokal sa pakikipagtuwang sa media upang higit pang mapalakas ang programang pangnutrisyon.

Matatandaan na sa kauna-unahang ipinatawag na pagpupulong kamakailan ni Region IV Regional Nutrition Program Coordinator Carina Santiago na ginanap sa Makati Palace Hotel sa Maynila, binigyang-diin niya ang pagsasama ng pwersa ng Mimaropa PROMO Nutricom at Calabarzon Communicators Nutrition Network sa pagpapataas ng kamalayan hinggil sa kahalagahan ng pakikiisa ng mga pamayanan sa mga programang pangnutrisyon ng pamahalaan.

Ang PROMO Nutricom ay kumakatawan sa Palawan, Romblon, Oriental Mindoro, Marinduque at Occidental Mindoro na samahan ng mga media, partikular ng mga Public Information Officers at Station Managers ng iba’t ibang radyo sa rehiyong Mimaropa samantalang ang Communicators Nutrition Network (CNN) ay ang samahan ng mga media sa Calabarzon area.

Nangunguna sa mga layunin ng National Nutrition Council (NCC) na mapataas ang timbang ng mga batang malnourished o ang mga kabataang payat at may mababang timbang, mapababa ang antas ng mga batang lumalaking maliit o pandak, gayundin ang mapababa ang bilang ng mga nanay na namamatay sa panganganak.

Dahil dito, maliban sa pagkain ng masusustansyang pagkain, ay hinihikayat din ang malawakang paggamit ng fortified salt sa pagluluto alinsunod na rin sa Asin Law.

Ipinaalam rin sa pagpupulong na kumikilos na at nagla-lobby ang NNC sa kinauukulan upang matulungan ang mga Provincial at Municipal Nutrition Council Coordinator na mabigyan na ng sariling plantilla position sa pamahalaan upang masustina ang mga programang pangnutrisyon sa bansa. (CPRSD/LTC/PIA-Mimaropa/Calapan)

Tagalog news: Pamilyang magbubukid sa OrMin binigyang-halaga sa Prov’l Farm Family Congress

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Mayo 29 (PIA) – Patuloy na kinikilala at binibigyang-halaga ng pamahalaang panlalawigan ang mga pamilyang magbubukid sa katatapos na Provincial Farm Family Congress na ginanap sa Vencio’s Garden Hotel and Restaurant kamakailan lamang.

Ang gawain na pinangunahan ng Provincial Agriculturist’s Office (PAgO) ay dinaluhan ng mga miyembro ng iba’t ibang farmers’ association (FAs), Rural Improvement Club (RIC) at 4H Club na bahagi ng Pamilyang Magbubukid.

Tampok sa isang araw na gawain ang iba’t ibang kumpetisyon na nagpakita ng galing at talino ng mga magsasaka sa lalawigan. Kabilang sa mga ito ang singing contest para sa mga magsasaka, kababaihan mula sa RIC at mga kabataan naman mula sa 4H Club.

Samantala, may mga kumpetisyon din para sa mga kabataang miyembro ng 4H Club katulad ng on-the-spot canvass painting, plants and animals identification, extemporaneous speaking, empowered quiz bee at photography/feature writing contest.

Upang madagdagan at magkaroon ng bagong kaalaman ang mga nagsidalo, isang lecture on Edible Landscaping ang ibinahagi ni Assistant Provincial Agriculturist Ely Vargas kung saan hinikayat niyang magtanim ng gulay, bungang kahoy at halamang gamot sa paligid ng tahanan sa halip na mga ornamental plants o halamang pandekorasyon lamang.

Ayon kay Vargas, isa itong pamamaraan upang palaging magkaroon ng pagkain sa bawat tahanan o mas kilala sa tawag na FAITH na ang ibig sabihin ay ‘Food Always In The Home’.

Isa rin sa mga layunin ng Congress ang mapatibay ang samahan ng mga magsasaka at mga kabataang bahagi ng pamilyang magbubukid kung kaya’t nagsagawa sila ng election of officers para sa mga FAs at 4H Club. Hinirang si Conrado Balmes ng Naujan bilang pangulo ng FAs at Marinel D. Liwanag ng Victoria bilang 4H Club Provincial Federation President. (CPRSD/LTC/PIA-Mimaropa/Calapan)

Tagalog news: Scholarship program ng TESDA sa Palawan, binuksan

PUERTO PRINCESA, Palawan, Mayo 29 (PIA) — Tatanggap ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa lalawigan ng Palawan ng 779 na maaaring mabiyayaan ng scholarship program nito ngayong taon.

Ang nasabing bilang ang siyang tatanggap ng National Certificate (NC) l at ll para sa mga kursong Automotive Servicing, Bartending, Beauty Care, Cookery, Electronics Products Assembly and Servicing, Food and Beverages, Housekeeping, Shielded Metal Arc Welding, Tourism Promotion Services, EPAS, Scaffold Erection at Tile setting.

“Maaring kunin ang mga technical courses na ‘yan sa ilang vocational school dito sa Puerto Princesa, ang iba sa Coron, Aborlan at Brooke’s Point”, ang tinuran ni TESDA Provincial Director Renato Pantaleon sa ‘Kapihan sa Philippine Information Agency (PIA)’.

Dagdag pa ni Pantaleon, mas marami ang mabibigyan ng pagkakataong makinabang sa programa sa mga taga-munisipyo sapagkat maraming mga eskuwelahang pang-teknikal ang nagbukas ng nasabing mga kurso katuwang ang TESDA.

Samantala, ani Pantaleon, marami ang nagnanais na maging iskolar subalit iilan lamang ang mga eskuwelahan na namumuhunan at nagbubukas para sa programa. Isa aniya sa mga nakikitang kakulangan ay ang mga tauhang magtuturo kung kaya inaasahan ngayong darating na buwan ng Hunyo, mangangalap ang ahensya ng kuwalipikadong tagapagsanay. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)