Daily Archives: June 7, 2017

Tagalog news: ASEAN Ugnayan, isasagawa sa Puerto Princesa

PUERTO PRINCESA, Palawan, Hunyo 7 (PIA) —- Nakatakdang isagawa sa lungsod ang isang Ugnayan o forum na may kaugnayan sa Association of South East Asian Nation (ASEAN) Summit kung saan ang Pilipinas ang punong abala ngayong taon.

Tinagurian itong “ASEAN: A Community of Opportunities” na gaganapin sa The Legend Hotel sa umaga ng Hunyo 8.

Isa ito sa mga programa ng Philippine Information Agency (PIA) na naglalayong maiparating sa pinaka-liblib na lugar ng bansa ang kahulugan at kahalagahan ng pagdaraos ng ASEAN Summit 2017 sa bansa, gayundin ang kapakinabangan dito ng bawat Filipino.

Inaasahang dadaluhan ito ng mga mamamahayag sa Palawan at ng mga kasapi at opisyales ng Palawan Communicators Network (PALCOMNET), isang organisasyon ng mga information officers ng mga ahensiyang nasyunal at mga information officer ng lokal na pamahalaan.

Tatalakayin sa ugnayan ang “All About ASEAN”, magiging tagapagsalita dito si PIA Mimaropa Officer-In-Charge Victoria Mendoza, na susundan ng “Trade & Business Opportunities in the ASEAN for Palawan” na tatalakayin ni DTI-Palawan Provincial Director Rosenda G. Fortunado, ang “Job potentials in the ASEAN” na tatalakayin naman ni DOLE-Palawan Chief Labor and Employment Officer Bernardo B. Toriano at ang “Agriculture products with big market in ASEAN” na tatalakayin naman ni Dr. Romeo C. Cabungcal ng Office of the Provincial Agriculturist ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan.

Sa pamamagitan ng ugnayang ito ay magiging katuwang ng pamahalaang ang mga mamamahayag at mga information officers ng iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan sa Palawan na maiparating sa kanayunan ang kahulugan at kahalagahan ng ASEAN sa buong bansa at sa mga bansang kasapi nito. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

Advertisements

Tagalog news: Cacao Farmers’ Training, isinasagawa sa San Agustin, Romblon ng DTI Romblon

SAN AGUSTIN, Romblon, Hunyo 7 (PIA) — Pinangunahan ng Department of Trade and Industry (DTI) – Romblon sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng San Agustin ang pagsasagawa ng Cacao Farmers’ Training na gaganapin sa Hunyo 5-7.

Layunin ng pagsasanay na makahikayat ng mga magsasaka sa bayan ng San Agustin na magtanim ng cacao dahil may magandang kita sa pagtatanim nito.

Ayon kay DTI Provincial Caretaker Orville F. Mallorca, ito ang tamang panahon na subukan ng mga taga-San Agustin na magtanim ng cacao dahil may malaking pangangailangan sa produktong ito sa ating bansa at maging ibang bansa partikular sa Europa.

Si Ginoong Nick Madrilejos, isang graduate sa Cacao Doctors’ Training sa Davao, ang nagsilbing lecturer ng pagsasanay kung saan kanyang ipinaliwanag sa mga magsasaka ang wastong pagtatanim at pangangalaga ng cacao.

Sa pamamagitan ng power point presentation, ipinakita ng DTI Romblon ang bentahan ng mga produktong cacao mula sa nagtatanim nito hanggang sa mga malalaking kumpanyang nagpoproseso ng cacao.

Ipinaliwanag din ng mga kawani ng DTI ang malaking pakinabang ng industriya ng cacao at ang kakayahan nitong makapagbigay ng trabaho lalo na sa mga nasa kanayunan na tumutugma sa programang pangkaunlaran ng pamahalaan.

Inaasahan naman ni Mayor Esteban Santiago F. Madrona na sa pagtatapos ng tatlong araw na Farmers’ Training ay ganap na nilang mahikayat ang mga partisepante na magtanim ng cacao sa kanilang mga bukirin dahil nakahanda aniyang maglaan ng pondo ang LGU San Agustin sa programang ito.(DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Tagalog news: Diskwento Caravan ng DTI, tinangkilik ng mga mamimili sa San Jose

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Hunyo 7 (PIA)— Dinagsa ng mga mamimili ang pagbubukas ng Diskwento Caravan 2017 ng Department of Trade and Industry, noong ika- 2 ng Hunyo sa municipal plaza ng bayan ng San Jose.

Ayon kay Mryna Dawates, Trade and Industry Development Specialist of Consumer Welfare Division ng DTI, ang nasabing aktibidad ay isa sa mga nationwide programs ng DTI na malaking tulong sa mga mamamayan na may maliit na kita. “Sa pamamagitan ng Diskwento (Caravan), nakakabili ng mga produkto ang ating mga consumers na may 10-15 percent discounts”, paliwanag ni Dawates.

Sinisiguro din ng DTI na bukod sa mababang presyo, ay may mataas na kalidad ang mga ibinebentang produkto dito. “Dahil po magpapasukan, karamihan sa ibinebenta ay gamit sa eskwelahan ng mga bata”, ayon pa kay Dawates. Kabilang dito ay ang school uniform, payong, notebooks, ballpens at iba pa. Sa sa dalawang araw na Diskwento Caravan noong Hunyo 2-3 kasama sa mga discounted items ay ang ilang basic commodities gaya ng canned goods.

Ang Diskwento Caravan ay isang taunang programa ng ahensya na sinusuportahan ng malalaking establisyemento sa lalawigan. Ngayong Hunyo ay 11 tindahan ang sumali sa aktibidad. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)

Tagalog news: ASEAN booth, ilulunsad sa Baragatan sa Palawan 2017

PUERTO PRINCESA, Palawan, Hunyo 7 (PIA) — Isa sa matutunghayan sa Agro-Trade Fair sa Baragatan sa Palawan 2017 ay ang Association of South East Asian Nation o ASEAN Booth.

Ang paglalagay ng ASEAN Booth ay isang paraan ng Philippine Information Agency-Mimaropa at ng PIA-Palawan Information Center upang matiyak na maipararating sa kanayunan ang kahalagahan ng ASEAN Summit at ang magiging kapakinabangan dito ng bawat Filipino.

Bubuksan ito kasabay ng pangkalahatang pagbubukas ng private at LGU Agro-Trade sa Hunyo 9, sa ganap na ika-apat ng hapon sa isang simpleng seremonya at pagbabasbas ng mga kubol na matatagpuan sa loob ng Capitol Compound ng Palawan.

Ilan sa makikita sa ASEAN Booth ay ang mga larawan kung paano nabuo ang ASEAN, anu-anong mga bansa ang kasapi dito, mga kultura ng sampung bansang kasapi nito at mga kaganapan sa loob ng 50 taong pagkakatatag nito.

Dahil sa ang Baragatan sa Palawan ay dinadaluhan ng lahat ng 23 mga munisipyo sa Palawan, kasama na dito ang lahat ng mga lokal na opisyal mula sa Punong Bayan hanggang sa kagawad ng mga barangay ay isa itong magandang pagkakataon upang maiparating sa mga barangay ang mga impormasyon hinggil sa ASEAN sa pamamagitan ng pamimigay ng mga information, education and communication (IEC) materials sa mga bibisita sa ASEAN booth at sa iba pang makikiisa sa Baragatan Festival.

Makikita din sa ASEAN booth ang standee ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte kung saan maaari magpakuha ng larawan ang mga bisitang dadayo dito. Mapapanood din dito ang mga videos ng mga kaganapan ng pagiging punong abala ng bansa sa ASEAN Summit ngayong taon.

Ang ASEAN booth ay pangangasiwaan ng Palawan Information Center mula sa pagbubukas ng Baragatan Festival hanggang sa pagtatapos nito sa Hunyo 23. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)