Daily Archives: August 1, 2017

Tagalog news: 2017 Asian Junior Boxing Championship, gaganapin sa Puerto Princesa

PUERTO PRINCESA, Palawan, Agosto 1 (PIA) —- Gaganapin sa Puerto Princesa City Coliseum ang 2017 Asian Junior Boxing Championship sa Agosto 1-7, 2017.

Ito ang napagkasunduan matapos makipagpulong kamakailan ang Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) sa pangunguna ni Ed Picson, bilang Secretary General  sa Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan at Pamahalaang lungsod ng Puerto Princesa.

Ang ABAP ang naatasan ng Asian Boxing Confederation (ASBC) sa pag-oorganisa ng naturang torneyo dito ng Pilipinas.

Ang nasabing Asian Tournament na pangangasiwaan ng ABAP ay inaasahang lalahukan ng mahigit 20 mga bansa sa Asya. Lalahukan ito ng mga batang boksingero na nasa edad 15-16 taong gulang.

Suportado ng nila Gov. Jose Ch. Alvarez at Puerto Princesa Mayor Lucilo R. Bayron ang palakasang ito kung kaya’t abala ngayon ang lalawigan at lungsod upang paghandaan ang international event na ito.

Sa pagpupulong ipinahayag ni Piicson na na maraming mga bansa sa Asya ang nagpahayag ng interes sa paglahok matapos malaman na sa Palawan isasagawa ang Asian Junior Boxing Championships na ayon sa kanya ay maaaring dahil na rin sa natatanging ganda at atraksyong makikita sa lalawigan. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

Advertisements

Tagalog news: Teenage pregnancy, sanhi ng malnutrisyon, ayon sa Puerto Princesa City Nutrition

PUERTO PRINCESA, Palawan, Agosto 1 (PIA) — Pangunahing tinitingnang dahilan ng malnutrisyon sa lungsod ng Puerto Princesa ang maagang pagbubuntis nang wala pa sa tamang edad.

Ito ang tinuran ni Stella May Rodriguez, city nutrition action officer sa isinagawang ‘Kapihan sa Philippine Information Agency (PIA)’ kamakailan.

Paliwanag ni Rodriguez, nagdudulot ng malnutrisyon ang maagang pagbubuntis dahil bukod sa hindi pa handa sa kaniyang mga responsibilidad ang isang ina upang mapakain ng maayos at masustansiya ang kaniyang isisilang na sanggol, hindi rin natututukan ng husto ang pag-aalaga sa mga ito sakaling maisilang na.

“Sa ngayon, mataas ang kaso ng teenage pregnancy sa Puerto Princesa lalo na sa mga urban areas, ito ang pangunahing factor ng malnutrisyon na nakikita natin”, ani Rodriguez.

Ilan pa sa mga tinutukoy na dahilan ng malnutrisyon ng City Nutrition Division ang pagbibisyo ng mga magulang tulad ng pagsusugal, pag-iinom ng alak at paninigarilyo.

“Sa halip kasi na ituon ng mga magulang sa pagtatanim ng gulay o halaman sa kanilang bakuran upang mabigyan ng masustansiyang pagkain ang kanilang mga anak, nauubos lamang ang oras ng mga ito sa pagsusugal, dahil dito, hindi na rin natututukan ng magulang ang pagluluto at paghahanda ng masusustansiyang pagkain para sa mga bata”, ani pa ni Rodriguez.

Samantala, tuloy-tuloy pa rin ang mga programa ng City Nutrition Division sa mga komunidad para punuan ang pangangailangang pang-kalusugan lalo na ng mga kabataan at mga inang nagdadalantao tulad ng feeding program, deworming, pagtuturo ng pagtatanim ng gulay at family health care. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)