Category Archives: Palawan

Tagalog News: Puerto Princesa Underground River, isasara sa Hulyo 1-3

PUERTO PRINCESA, Palawan, Hunyo 22 (PIA) — Pansamatalang sususpendehin sa loob ng tatlong araw ng pamunuan ng Puerto Princesa Subterranean River National Park (PPSRNP) ang operasyon nito partikular na ang pagpapapasok ng mga bisita sa kuweba na ipatutupad sa Hulyo 1ta3.

Ito ay upang maipahinga ang kuweba bilang bahagi ng konserbasyon at pagmamantine ng parke.

Ani PPSRNP Superintendent Elizabeth Maclang, ikatlong beses na nilang gagawin ang nasabing suspensiyon kada taon na nagsimula noong 2015.

Pag-aaralan na rin sa mga komite ng Environmental Protection at Legal Matters ng Sangguniang Panlungsod ang pag-aakda ng mga polisiya ukol sa pagpapatupad nito matapos hilingin ng pamunuan ng PPSRNP na magkaroon ng legal na batayan ang implementasyon.

Samantala, ani Maclang, kasabay ng pagpapahinga ng operasyon ng parke, sasamantalahin din nila ang pagkakataon upang magkaroon ng team building ang kaniyang mga tauhan. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

Palawan gets new batch of certified WASAR trained lifeguards

QUEZON CITY, June 22 (PIA) — The Department of Health-Mimaropa is determined to ensure water safety in Palawan’s prime tourist destinations.

Thirty-three lifeguards and hotel personnel recently completed the 9th Water Search and Rescue (WASAR) in Puerto Princesa City.

The training was conducted by DOH-Mimaropa and the Philippine Coast Guard (PCG) – Palawan District.

The latest batch raised the number of WASAR trained personnel to 271 and certified lifeguards to 28 in Palawan.

“We are hoping to finish our target of 500 lifeguards within this year if whenever possible, so that we can ensure that all significant marine areas in Palawan will have a trained lifeguard to safeguard the safety and well-being of people who will engaged in water activities in these beaches and resorts,” DOH-Mimaropa Regional Director Eduardo C. Janairo said.

Director Janairo has been calling on resorts and hotels in the region to have their lifeguards trained and certificed by PCG to prevent deaths by drowning.  (LP/DOH-Mimaropa)

Tagalog news: DENR, bumuo ng ‘Task Force Mercury’ sa dalawang barangay ng Puerto Princesa

PUERTO PRINCESA, Palawan, Hunyo 21 (PIA) — Binuo kamakailan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang Task Force Mercury (TFM) upang mabigyan ng solusyon ang napaulat na insidente ng pagkalason ng mercury sa ilang residente ng Barangay Sta. Lourdes at Tagburos sa lungsod ng Puerto Princesa.

Ito ay matapos na ipag-utos ni Kalihim Roy Cimatu ng DENR na tiyaking matutugunan ang kontaminasyon mula sa lawa na dating minahan ng Palawan Quicksilver Mines Incorporated (PQMI).

Ang task force mercury ay binubuo ng mga eksperto mula sa iba’t ibang kawanihan ng DENR, kinatawan ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD).

Ang mercury ay isang highly toxic substance na mapanganib sa kalusugan ng tao, maging sa kalikasan.

Titingnan ng mga eksperto mula sa kagawaran ang lugar na nakitaan ng kontaminasyon upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.

Maliban sa pagbuo ng task force, iniutos din ng kalihim na bakuran ang paligid ng lawa upang mapigilan na kumalat pa ang lason sa ibang bahagi ng apektadong lugar at maiwasan na ring makapangisda ang mga residente.

Magsasagawa rin ng pag-aaral at pagtuklas ang Ecosystems Research and Development Bureau ng DENR kung papaano gagawin ang rehabilitasyon sa lugar, maging ang pagpapanagot ang PQMI.

Ang kontaminasyon ay natuklasan makaraang magsagawa ng pagsusuri ang regional office ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) sa paligid ng man-made lake at honda bay noong 2016.

Natuklasan na mayroong mataas na level ng mercury ang mga isdang nahuhuli sa lugar kaya nagbunsod sa MGB na hilingin sa Department of Health na magsagawa ng pagtatasa sa kalagayan ng kalusugan ng mga naninirahan sa lugar.

Tagalog news: Mga lokal na kompositor sa Palawan, bibigyang oportunidad sa ‘Tunog Palawan’

PUERTO PRINCESA, Palawan, Hunyo 21 (PIA) — Ipinakilala na ng komite ng Tunog Palawan 2017: Palawan Artists’ Popular Songwriting Competition (PAPSC) ang sampung finalists para sa kompetisyon na ito.

Ang pagsasagawa ng kompetisyon ay upang mabigyan ng oportunidad na ang mga lokal na kompositor na maipamalas ang kanilang galing sa larangan ng musika at mapagyaman ang kanilang talento. Layon din nito na maitaguyod ang kamalayan ng mga Palaweño patungkol sa mga pangkaunlarang adhikain ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng awitin.

Ang nasabing patimpalak na may temang “IHELP: Susi sa pag-angat ng kalidad ng buhay at kaunlaran ng Palawan” ay isang programa ng pamahalaang panlalawigan kaugnay ng pagdiriwang ng Baragatan sa Palawan 2017.

Mula sa lungsod ng Puerto Princesa ay mapalad na nakapasok sa grand finals sina Ariel Miranda, Mara Rizada, Jean Evangelista, Reynald Villanueva, Relann Villanueva, Robert Simangan at Dante Ustares. Samantala, mula naman sa munisipyo ng Brooke’s Point ay nakapasok sina Mark dela Cruz at Ivy Rose Capuy at si Eloisa Capuy mula sa munisipyo ng Roxas.

Ang tatanghaling kampeon tatanggap ng P50,000; P40,000 naman para sa 1st runner-up at P30,000 para sa 2nd runner-up. Tatanggap din ng tig-P10,000 bilang consolation prize ang mga hindi magwawagi.   Nakatakdang ganapin ang kompetisyon sa Hunyo 20, 2017. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

Tagalog news: Kinatawan ng mga katutubo sa Sangguniang Panlalawigan ng Palawan, kinumpirma na

PUERTO PRINCESA, Palawan, Hunyo 19, (PIA) — Kinumpirma na sa ika-49 regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan kamakailan ang pagiging Indigenous People’s Mandatory Representative (IPMR) ni Joel P. Lumis.

Si Lumis ang ikalawang IPMR sa sangguniang panlalawigan, at siya rin ang pumalit sa namayapang dating IPMR na si Noel Jagmis mula sa katutubong Tagbanua.

Tumagal ng ilang linggo bago nahirang si Lumis bilang IPMR sa konseho ng Palawan dahil sa kailangan pa umanong ma-beripika ng konseho ang pagiging tunay ng Certificate of Confirmation mula sa National Commission on Indigenous People (NCIP) na isinumite nito sa konseho.

Bilang IPMR, manunungkulan si Lumis bilang ex-officio member ng sangguniang panlalawigan sa loob ng 28 buwan.

Si Lumis ay mula sa tribong Tagbanua at naninirahan sa munisipyo ng Aborlan, Palawan. Kasalukuyan siyang pinuno ng Tagbanua IP Community, tagapayo ng Samahan ng Pagkakaisa ng Cuyonon, miyembro ng Lupon ng mga Direktor ng Indigenous People Mandatory Representative League. Boluntaryong rin siyang nanunungkulan sa Palawan Tribal Council Federation. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

Tagalog news: ‘Araw ng mga Batang Anghel’, naging bahagi ng Baragatan sa Palawan

PUERTO PRINCESA, Palawan, Hunyo 19 (PIA) — Nasa mahigit 100 mga batang may kapansanan ang nagtipon-tipon kanina para sa programang “Araw ng mga Batang Anghel” o itong A Day for God’s Special Children na programa ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).

Ginanap ito sa Victoriano J. Rodriguez Hall ng gusaling Kapitolyo bilang bahagi ng selebrasyon ng Baragatan sa Palawan 2017.

Ayon kay Abigail Ablaña, Provincial Social Welfare and Development Officer (PSWDO) layon ng programang ito na mabigyan ng pagkakataon ang mga batang mayroong kapansanan na makibahagi at makisaya sa mga aktibidad ng pamahalaan.

Ang mga batang may kapansanan ay nagmula sa apat na munisipyo sa Palawan na kinabibilangan ng Rizal, Quezon, San Vicente at Aborlan. Kasama rin sa dito ang mga batang nasa bahay ampunan at inabandona ng mga magulang.

Dagdag pa ni Ablaña, mayroon ring sampung bata ang manggagaling sa Taw’ Kabui Foundation mula sa lungsod ng Puerto Princesa.

Katuwang ng PSWDO sa pagsasakatuparan ng gawaing ito ang Culture and Arts Office ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng visual arts and dance workshop gayundin ang Jollibee Foods Corporation-Palawan para sa libreng pagkain na pagsasaluhan ng mga bata.

Mamamahagi rin ng mga school supplies ang PSWDO para sa mga batang may kapansanan na inaasahan namang makapagbibigay ng kasiyahan sa mga ito, ani pa ni Ablaña.   Bibigyan rin ng pagkakataon ang mga bata na makapamasyal sa ilang bahagi ng lungsod ng Puerto Princesa pagkatapos ng workshop. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

Tagalog news: Potensyal ng produktong agrikultura ng Palawan sa merkado ng ASEAN, tinalakay

PUERTO PRINCESA, Palawan, Hunyo 19 (PIA) — Inihayag ni Dr. Romeo C. Cabungcal, OIC-Provincial Agriculturist ng pamahalaang panlalawigan ng Palawan na may potensiyal sa merkado ng Association of South East Asian Nation (ASEAN) ang mga produktong pang-agrikultura ng lalawigan.

Ani Dr. Cabungcal, ilan sa mga produktong pang-agrikultura ang maipagmamalaki ng Palawan at nagunguna dito ang niyog kung saan nasa 107,852 ektarya ang nasasakupan nito, ikalawa ang palay na umaabot sa 72,313 ektaryang sakahan ang nasa lalawigan at mayroong 161 porsiyentong rice suffiency noong 2009-2013 at ikatlo ang kasoy na tinatayang 90 porsiyento ng produksiyon ng kasoy sa bansa ay mula sa Palawan.

Ilan aniya sa produkto ng niyog na inilalabas sa lalawigan ay ang kopra kung saan ay kinakatas ito upang maging langis, ginagamit din itong feed additives at iba pang gamit pang-industriyal.

Sa kasalukuyan ay pinagtutuunan ngayon ng sektor ng magniniyog ang produksiyon ng coco-sugar na naging mabenta na sa mga pamilihan sa lalawigan bilang alternatibo ng asukal na mula sa tubo.

Ang iba pa aniyang mga produktong pang-agrikultura na maipagmamalaki ng lalawigan ay ang saging, oil palm, mais, mangga, cacao, root crops at rubber.

Sa sektor naman ng pangisdaan, ani Cabungcal ay maipagmamalaki ng lalawigan ang pagiging isa sa mga pangunahing seaweeds producer ng bansa at number 1 seaweeds producer sa rehiyon ng Mimaropa.

Si Dr. Cabungcal ay isa sa mga naging resource speaker sa ginanap na Ugnayan ng Philippine Information Agency (PIA) na may temang “ASEAN: A Community of Opportunities” na isinagawa sa lungsod ng Puerto Princesa kamakailan na dinaluhan ng mga information officer ng iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan sa Palawan, gayundin ng mga information officer ng mga lokal na pamahalaan at mga media. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)