Daily Archives: August 7, 2017

Tagalog news: Fiber Industry sa OrMin, susuportahan ng LGU para lalong palakasin

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Agosto 7 (PIA) – Susuportahan at palalakasin ng pamahalaang lokal ang industriya ng abaca sa lalawigan ng Oriental Mindoro.

Ito ang napagkasunduan kamakailan sa pagsasama-sama ng mga kinatawan ng pamahalaang lokal, mga ahensyang namamahala sa fiber industry, mamimili at mga magsasakang nagtatanim ng abaca sa isinagawang pagpupulong sa bayan ng Baco kamakailan.

Kabilang sa mga dumalo sa pagpupulong ang mga nagtatanim ng abaca na karamihan ay nagmula sa bayan ng Baco, mga pribadong kumpanya na namimili at nagpoproseso ng abaca fiber tulad ng Agri-Tech Integrated Services Company (ATISCO) at Albay Agro-Industrial Development Corporation (ALINDECO), ahensyang mula sa Kagawaran ng Pagsasaka tulad ng Philippine Fiber Industry Development Authority (PhilFIDA) at mula sa pribadong sektor na nagsusulong na muling makilala ang fiber industry sa Pilipinas.

Sa mensahe ni Baco Mayor Reynaldo Marco, hinihikayat niya ang mga magsasaka na pagbutihin ang pagtatanim ng abaca sapagkat ito, aniya, ang magbibigay sa kanila ng magandang kabuhayan.

Ipinaabot din niya ang kanyang taus-pusong pasasalamat sa lahat ng mga bisita at ipinaalala sa kanyang mga kababayan ang commitment ng bawat isa na gampanan ng maayos ang kanilang trabaho.

Naging panauhing pandangal at pangunahing tagapagsalita sa pagpupulong si Executive Director Kennedy T. Costales ng PhilFIDA na nagbahagi ng kasalukuyang sitwasyon at magandang hinaharap ng industriya ng abaca sa buong bansa.

“Ang abaka ay regalo ng Diyos sa ating lahat.  Mahabang panahon itong napabayaan ng mga nakaraang administrasyon subalit ngayon, sisiguraduhin naming payayamanin namin kayo. Tinatayang 85 porsiyento ang market share ng Pilipinas sa fiber production sa buong  mundo”, ayon kay Costales.

Idinagdag din niya na dahilan sa pandaigdigang mga programa at proyektong tumutugon sa panawagan na palaging isaalang-alang ang kalikasan, nagiging ‘in-demand’ ang abaca fiber bilang isang napakahalagang biodegradable material na lalong nagpalakas sa potensiyal ng fiber industry sa bansa.

Kumatawan kay Gob. Alfonso V.  Umali, Jr. sa nasabing pagtitipon si Provincial Government Consultant Jaime G. Nuevas, Jr.  Ayon kay Nuevas, buo ang suporta ng pamunuan ni Gob. Umali sa PhilFIDA na siyang nagtataguyod upang ang fiber industry ay maisulong sa lalawigan ng Oriental Mindoro na magbibigay ng karagdagang kabuhayan para sa mga mamamayan. (CPRSD/LTC/PIA-Mimaropa/Calapan)

 

Tagalog news: NCIP, nagtalaga ng IP Mandatory Representative sa konseho ng Calatrava

CALATRAVA, Romblon, Agosto 7 (PIA) — Ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ay nagtalaga ng Indigenous Peoples Mandatory Representative sa Sangguniang Bayan ng Calatrava, Romblon sa katauhan ni Ramon F. Reandelar.

Ang pagkakatalaga kay Reandelar bilang kinatawan ng mga katutubo sa konseho ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Calatrava ay alinsunod sa Section 16 ng Republic Act 8371 at sa Section 6, Paragraph 1, Rule IV ng Implementing Rules and Regulations ng NCIP.

Sinabi ni NCIP Romblon Provincial Officer Julito Garcia, nakompleto ni Reandelar ang requirements para sa selection process ng nagsagawa ng General Assembly ang mga Bantoanon tribal leaders sa bayan ng Calatrava noong ika-21 ng Hulyo 2016.

Sapat aniya ang mga patunay na isinumite ni Reandelar sa tanggapan ng NCIP kaya ito nahirang na regular na miyembro ng Sangguniang Bayan ng Calatrava.  (PJF/DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Tagalog news: Mimaropa regional celebration ng Science and Technology Week, idadaos sa Odiongan

ODIONGAN, Romblon, Agosto  7 (PIA) — Idadaos sa bayan ng Odiongan ang 2017 Regional Science and Technology Week (RSTW) simula ika-14 hanggang ika-17 ng Agosto sa Virginia Centurione Bracelli School taglay ang temang “Changing Lives through Science.”

Ang taunang pagdiriwang ay alinsunod sa Presidential Proclamation no 169, s. 1993 bilang pagpapahalaga sa siyensya at teknolohiya sa bansa.

Ang Department of Science and Technology (DOST) ang itinalagang ahensiya ng pamahalaan na  manguna sa nasabing pagdiriwang sa tulong na rin ng iba pang ahensya ng pamahalaan at maging ng pribadong sektor.

Ang pagdiriwang ay naglalayong makapaglaan ng mga oportunidad na pangkabuhayan mula sa siyensya at teknolohiya at makapag-ambag sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.

Kinikilala rin sa pagdiriwang ang mga natatanging ambag ng mga indibidwal at institusyon na nakatulong upang iangat ang estado ng siyensya at teknolohiya sa bansa.

Ayon kay Provincial Science and Technology Officer Marcelina Servañez na tampok sa regional celebration ng S&T Week ang mga libreng forum kung saan maraming eksperto ang inimbitahan para magbahagi ng kanilang kaalaman tungkol sa marble product design, climate change, food safety, environment friendly septic tank, coconut products at mga programa ng DOST tulad ng complementary baby food at ceramic filter.

Tatalakayin din sa mga dadalo sa pagdiriwang kung paano matutulungan ang kanilang negosyo ng Small Enterprise Upgrading Program (SET-UP) ng DOST.

Dapat din aniyang abangan ng mga manonood ang Regional Invention Contest and Exhibits kung saan ipapakita ang iba’t ibang imbensyon o mga resulta ng pananaliksik na maaaring makaambag sa pag-unlad ng bayan.

“Inaanyayahan ng DOST – PSTC Romblon ang lahat na dumalo dahil ito ay libre at tiyak na kapupulutan nila ito ng dagdag kaalaman at pagtatangi sa larangan ng agham at teknolohiya,” paanyaya ni Servañez.(DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Tagalog news: Pasilidad sa pagpo-proseso ng mangga, ilalagay sa Puerto Princesa, Palawan

PUERTO PRINCESA, Palawan, Agosto 7 (PIA) — Nakipagkasundo ang pamahalaang lungsod ng Puerto Princesa sa Department of Agriculture (DA) at Department of Agrarian Reform (DAR) kaugnay sa planong pagtatayo ng pasilidad para sa pag-po-proseso at marketing ng produktong mangga.

Ang proyekto ay nagkakahalaga ng mahigit Php15.4 milyon na itatayo sa Sitio Tagumpay, Barangay Inagawan Sub, sa bahaging sur ng siyudad na inaasahang magsisimula ang operasyon sa Enero 2018.

Layon nito na mapalakas ang suporta sa sektor ng agrikultura partikular na ang samahan ng mga magsasaka ng mangga sa lungsod.

Ani City Agriculturist Melissa Macasaet, malaking tulong din ito upang mapaunlad ang pagsasaka ng mangga sa kabila nang kinakaharap na hamon ng lungsod at lalawigan sa pesteng mango pulp weevil.

“Hanggang sa kasalukuyan ay apektado parin tayo ng sakit sa mangga dahil sa mango pulp weevil, sa pamamagitan ng paggamit ng ganitong mga teknolohiya, malalagpasan ng mga mango growers natin ang problema”, ani Macasaet.

Dagdag pa ni Macasaet, layon din ng proyekto na mapaangat ang halaga ng mangga sa pamamagitan ng pagbi-benta ng nai-proseso nang produkto.

Samantala, magkakatuwang ang DA, DAR at LGU sa pagpapanatili ng proyekto, marketing at pagtukoy sa pagkukunan ng ipo-prosesong mangga. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

Tagalog news: Ika-17 Pakapya Agtike Festival, idinaos sa bayan ng Socorro, OrMin

Socorro, Oriental Mindoro, Agosto 7 (PIA) – Idinaos kamakailan ng bayan ng Socorro ang ika-17 pagdiriwang nito ng kanilang Pakapya Agtike Festival.

Ang Pakapya Agtike ay isang tadisyunal na seremonya o ritwal ng pagpapasalamat ng mga katutubong Tadyawan Mangyan para purihin ang Maykapal sa mga produktong aning ipinagkaloob sa kanila sa panahon ng anihan.

Sa isinagawang pagdiriwang, nagwagi ang delegasyon ng Matungao Elementary School sa elementary category samantalang ang Mina De Oro Catholic School naman ang nakakuha ng unang pwesto sa high school division sa ginanp na 17th Pakapya Agtike Festival na kung saan parehong nakatanggap ng tropeyo at tig-P100,000 ang dalawang delegasyon.

Magkatuwang na pinangunahan nina Mayor Ma. Fe V. Brondial at Vice-Mayor Roy de Claro, kasama ang mga myembro ng Sangguniang Bayan, mga kawani at mga kalahok sa festival ang parada na nagtapos sa Socorro Central School kung saan ginanap ang kumpetisyon.

Sa kanyang mensahe, nagpasalamat si Brondial sa suporta at pakikipagtuwang ng Department of Education (DepEd) sa nasabing festival.  Hinikayat din niya ang kanyang mga kababayan na patuloy na suportahan at saksihan ang Pakapya Agtike Festival na, aniya, ay nagsimula noong mga unang taon ng kanyang panunungkulan bilang punumbayan ng Socorro. (CPRSD/LTC/PIA-Mimaropa/Calapan)

 

Tagalog news: ‘Saknungan Ligtas Program’ inilunsad sa Abra de Ilog, OccMin

ABRA DE ILOG, Occidental Mindoro, Agosto 7 (PIA)—Inilunsad kamakailan ng pamahalaang bayan ng Abra de Ilog ang ‘Saknungan Ligtas Program’.

Hindi bababa sa 200 katao mula sa iba’t ibang barangay ang nagpatala bilang volunteers sa programang ito. Sumali ang mga grupo ng mga kababaihan, kabataan mga katutubo gayundin ang mga nasa sektor ng agrikultura.

Ayon kay Geoffrey Panganiban, Municipal Disaster Risk Reduction Management Officer (MDRRMO), layunin ng programa na palakasin ang kampanya para sa disaster volunteerism sa bawat barangay.

“Sasailalim ang mga volunteers sa mga pagsasanay”, saad pa ni Panganiban.

Ang mga pagsasanay na ito ang magbibigay ng sapat na kaalaman at kapasidad upang makatugon ang mga volunteers sa panahon ng kalamidad o sakuna sa kanikanilang barangay.

May anim na bahagi sa ilalim ng Saknungan Ligtas Program. Ang mga ito ay ang Ligtas Buhay, Ligtas Bahay, Ligtas Bukid, Ligtas Bata, Ligtas Barangay at Ligtas Bayan. Sa mga bahaging ito, itatatalaga ang mga volunteers at magsisilbing responders’ o tutugon, sakaling tumama ang isang kalamidad o sakuna.

Ibinigay na halimbawa ni Panganiban ang Ligtas Buhay at Bahay, kung saan ang mga volunteers na itatalaga sa Quick Reaction Team (QRT) ang tutugon dito.

“Sektor ng akademya ang mangunguna sa Ligtas Bata”, sabi pa ni Panganiban. Sasailalim naman sa pagsasanay hingil sa damage assessment ang mga nasa Ligtas Bukid. Ito ay upang mabilis na makapagpalabas ng tamang pagtaya sa isang lugar, matapos ang isang kalamidad, na siyang basehan ng pamahalaang lokal sa kanilang gagawing aksyon.

Positibo naman ang pananaw ng Sangguniang Bayan sa programang ito at ayon kay Vice Mayor Orlando Quito sisikapin nilang makapagpalabas ng ordinansa bilang pagpapatibay sa Saknungan Ligtas Program.

Ayon pa kay Panganiban, ang ‘Saknungan’ ay isang salitang katutubo na ang kahulugan ay pagtutulungan o bayanihan. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)