Daily Archives: August 4, 2017

Tagalog news: DOST, BFAR, sinimulan ang pagpapayabong ng mga korales sa Puerto Princesa

PUERTO PRINCESA, Palawan, Agosto 4 (PIA) — Sa pamamagitan ng proyektong Coral Transplantation, sinisikap ngayon ng Department of Science and Technology (DOST) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na mapayabong ang mga korales sa ilang marine protected area ng lungsod ng Puerto Princesa.

Kabilang ang lungsod sa pitong lugar sa bansa na hangad maabot ng proyekto. Naunang nakapaglagay ng umaabot sa 22,000 coral of opportunity fragments ang mga ahensya katuwang ang tanggapan ng City Agriculturist sa baybayin ng Barangay Bancao-Bancao, subalit naapektuhan ito ng naranasang El Niño o matinding tag-init noong 2016.

“Dalawang lugar ang natukoy na magkaroon ng coral transplantation dito sa atin, ang Bancao-Bancao at Buenavista, unfortunately, inabutan ng matinding tag-init ang sa Bancao-Bancao kaya 5 porsiyento lang ang survival rate ng corals”, ani Melissa Macasaet, city agriculturist.

Nasa 15,000 coral of opportunity fragments naman ang nailipat kamakailan sa isang sanktuwaryo sa Barangay Buenavista. Ani Macasaet, dito may malaking porsyento ng korales ang posibleng mabuhay, kinakailangan lamang ng magandang klima.

Ang coral transplantation project ay itinataguyod ng DOST, BFAR, at lokal na pamahalaan katuwang ang Kalikasan Producers Cooperative at iba pang non-governmental organizations. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

Advertisements

Tagalog news: Mamamayan ng Mansalay, OrMin benepisyaryo ng programang Kapitolyo Para Sa Mamamayan

MANSALAY, Oriental Mindoro, Agosto 4 (PIA) – Humigit kumulang sa 1,000 mamamayan ng Mansalay ang nakinabang sa mga serbisyo ng Kapitolyo Para as Mamamayan (KPSM)-Serbisyo Ora-Mismo (SOM) kasabay ng ginanap na inagurasyon ng Payapa at Masaganang Pamayanan (PAMANA) Project ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) sa nabanggit na bayan kamakailan.

Ang KPSM-SOM ay regular na programa  ng kapitolyo na nagkakaloob ng serbisyong pangkalusugan tulad  ng medical at dental, pagkakaloob ng libreng gamot sa mga mamamayan  at iba pa.

Kaugnay nito, naging katuwang ng Pamahalaang Panlalawigan sa bayan ng Mansalay  ang Philippine Statistics Authority (PSA), Bureau  of  Fisheries  and  Aquatic  Resources (BFAR), Land Transportation Office (LTO) Department of Labor  and  Employment (DOLE), Philippine Army at Philippine  Fiber Industry and Development Authority (PhilFIDA)  na  nagkaloob ng iba’t-ibang serbisyo sa mga mamamayan.

Sa gawaing ito, 5,000 pananim na abaca para sa mga  katutubong Mangyan ang ipinagkaloob ng PhilFIDA, 10  gasoline  engine na ipinagkaloob sa mga mangingisda mula sa BFAR, sports  equipment para sa mga paaaralan at  barangay  at mga binhing pananim mula naman sa Pamahalaang Panlalawigan.

Pinasalamatan ni Mayor Jose Ildefonso Maliwanag ang  pagsama-sama ng iba’t-ibang ahensya na tumulong sa kanyang mamamayan. Partikular dito ang malaking  inisyatiba ni Gob. Alfonso V. Umali, Jr., 2nd District Representative Reynaldo V. Umali at ng Pamahalaang Nasyunal na kinatawan ni OPAPP Secretary Jesus G. Dureza.   Dito ay ibinalita  ni Maliwanag na  ang kanyang bayan ay  deklarado nang Drug-Cleared Municipality at Unthreatened Municipality.

Ayon naman kay Sec. Dureza, patuloy ang pagsisikap ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo R. Duterte  na maramdaman ng mamamayang Pilipino ang pagtulong  ng pamahalaan.  Hinikayat niya  ang mga mamamayan na patuloy na magkaisa at  itaguyod  ang kapayapaan sa lalawigan.  (CPRSD/LTC/PIA-Mimaropa/Calapan)

Tagalog news: Paghahanda sa ika-tatlong Short Film Festival sa OccMin, pinasimulan na

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Agosto 4 (PIA)— Higit sa 50 magaaral ang dumalo sa pagsasanay sa paglikha ng short film, na isinagawa sa John’s Beach Resort, bayan ng Sta Cruz kamakailan.

Ang mga kalahok ay pawang mga magaaral sa ika-9 hanggang ika-10 baitang ng iba’t ibang Paaralang Pang-sekondarya sa lalawigan.

Nagsanay ang mga ito ng basic script writing, editing at directing sa ilalim ng pamamahala ng ipinadalang technical assistance team ng Population Commissio (PopCom).

Bukod sa kasanayan sa paglikha ng maikling pelikula, naipapahatid ng programa ang ilang mahahalagang mensahe para sa mga kabataan.

“Ngayong taon, ang tema ng short film sa Mimaropa ay may kaugnayan sa Human Immunodeficiency Virus (HIV) at Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS)”, saad ni John Reynold Mulingbayan, Population Worker ng tanggapan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).

Ipinaliwanag pa ni Mulingbayan, na ang tema na ito ay nakapaloob sa pagaaral ng Young Adult Fertility and Sexuality (YAFS). Ayon sa YAFS, kulang ang kaalaman sa HIV/AIDS ng mga kabataan sa Mimaropa at kailangan ang mas malalim na pagtalakay ukol dito.

Sinabi naman ni Mulingbayan, na ang mga kaalaman na nakukuha ng mga kalahok sa kanilang pagsasanay ay ibinabahagi sa iba pang kabataan, lalo na ang mga usapin hinggil sa HIV/AIDS at teenage pregnancy.

Ang mga short film naman na napipili ay ginagamit bilang materyales sa mga awareness campaign program ng PSWDO.

”Plano rin ng pamahalaang panlalawigan na padalahan ang mga paaralan ng kopya ng mga nanalong shortfilms sa provincial level upang maipalabas sa kanikanilang mga paaralan”, dagdag paliwanag ni Mulingbayan.

Ang Short Film Festival ay programa ng PopCom sa pakikipagtulungan ng Department of Education (DepEd) at pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng (PSWDO). (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)

Tagalog news: League of Municipalities of the Phl – Romblon chapter, nagbigay tulong sa Marawi

CORCUERA, Romblon, Agosto 4 (PIA) — Ang League of Municipalities of the Philippines (LMP) Romblon Chapter ay nagkaloob ng donasyon sa mga evacuees na apektado ng sigalot sa Marawi.

Personal na nagtungo sa Lanao del Norte si Corcuera Mayor Rachel S. Miñon Bañares, presidente ng LMP Romblon Chapter upang iabot ang donasyon sa mga taga-Marawi mula sa 17 munisipyo ng lalawigan ng Romblon.

Ang nasabing tulong ay pormal na tinanggap ni Defense Secretary Delfin Lorenzana kung saan kanya ring ipinaaabot ang pasasalamat sa mga miyembro ng LMP Romblon Chapter na nag-ambag para sa relief operation ng pamahalaan.

Nagpapasalamat rin si Mayor Bañares sa lahat ng alkalde sa Romblon sa pagiging bukas-palad ng mga ito sa pagtulong sa apektado ng gulo kung kaya’t naging matagumpay ang kanilang Operation “Tabang Marawi.”(DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Mga local disaster risk reduction and management office, nagmamanman sa epekto ng habagat sa Mimaropa

LUNGSOD QUEZON, ika-4 ng Agosto (PIA) — Paalala ng Office of Civil Defense – Mimaropa (OCD-Mimaropa) sa mga local disaster risk and management councils (LDRRMCs) sa rehiyon, manmanan ang epekto ng habagat sa kanilang mga nasasakupan upang makaiwas sa pinsala.

Lalong-lalosa mga dalisdis o kaya sa mga mababang lugar kung saan may naninirahang mga kababayan.

Batay sa ipinalabas na General Flood Advisory (No. 3) kaninang ika-7 ng gabi, maaring makaranas nang mahina hanggang katamtamang pag-ulan at ng pagkulog-pagkidlat ang rehiyon.

Maaring maapektuhan ng mga pag-ulan dulot ng habagat ang mga ilog at ng mga sangay ng mga ito.

Una rito, nagbabala ang Pagasa-DOST hinggil sa madalas na pag-ulan na mararanas ng rehiyon dala na rin ng habagat.

Ngayong maghapon, nasuspinde ng klase ang ilang bayan sa Occidental Mindoro.

Sa Mamburao, suspindido ang lahat ng klase sa lahat ng antas.

Sinuspinde rin ang mga klase sa pre-school at elementarya sa bayan ng Sablayan at gayundin ang mga klase sa pre-school, elementarya at maging sa hayskul doon sa bayan ng Looc.

Tulad sa bayan ng Looc sa Occidental Mindoro, sinuspinde rin ang mga klase sa pre-school, elementarya at hayskul sa bayan ng Busuanga, Palawan.

Katulong ng OCD-Mimaropa ang Department of the Interior and Local Government sa mga pagpapakalat ng mga paalala sa mga lokal na pamahalaan.

Nakaantabay rin ang iba pang mga ahensiya gaya ng Department of Social Welfare and Development – Mimaropa na mayroong mahigit sa 34,000 family food na nakaposisyon na mga lalawigan at sa mga liblib na lugar.

Pinaghanda naman ng Department of Health-Mimaropa ang mga ospital at iba pang mga pasilidad para magserbisyo ng mga pasyente kung sakaling kakailanganin.

Antabayan ang mga anunsyo ng OCD-Mimaropa hinggil sa mga paghahanda ng mga ahensiya sa Facebook, Twitter at maging sa PIA-Mimaropa. (LP)

Tagalog news: 200 4Ps beneficiaries, nagtapos ng ‘Pre-Licensing Training Course for Security Guards’

SAN AGUSTIN, Romblon, Agosto 4 (PIA) — Nasa 200 benepisyaryo ng Pantawid Pamilya o 4Ps mula sa iba’t-ibang munisipyo ng lalawigan ng Romblon ang nagtapos sa libreng sampung araw na Pre-Licensing Training Course for Security Guards sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD.

Ang 10-Days Pre-Licensing Training Course for Security Guards ay ginanap sa Convention Hall, 2nd Floor Commercial Center sa bayan ng San Agustin, Romblon.

Layunin nito na tulungan ang mga taga-Romblon na maiahon sa kahirapan ang pamumuhay sa pamamagitan ng Employment Facilitation na programa ng ahensya.

Ang mga nagsipagtapos ay tutulungan ng isang training instution upang mabilis at agarang magkaroon ng trabaho kapag na-comply na nila ang mga kinakailangan dokumento na kung saan ay bibigyan pa sila ng cash assistance ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).(PJF/DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)