Daily Archives: August 10, 2017

Tagalog news: PopCom, binisita ang naitalang “100 millionth Filipino baby” sa Romblon

SAN AGUSTIN, Romblon, Agosto 10 (PIA) — Ang mga kinatawan ng Commission on Population (PopCom) mula sa Regional Office ay bumisita kahapon sa batang naitala bilang “100 millionth Filipino baby” sa lalawigan ng Romblon.

Si Lewis Miguel Magsino ay bunso sa apat na magkakapatid na ipinanganak ng hatinggabi noong ika-27 ng Hulyo 2014 sa Tablas Island District Hospital sa bayan ng San Agustin, Romblon.

Sa pagbisita ng PopCom kay Lewis Miguel Magsino na ngayo’y tatlong taong gulang na ay masaya nitong tinanggap ang mga regalong dala ng mga ito gaya ng sapatos, pagkain, gatas at bisekleta.

Ayon sa ina ni Lewis Miguel, sobrang saya at ‘overwhelmed’ siya dahil unexpected na mapabilang sa 100th millionth Filipino baby ng Pilipinas si Lewis Miguel at sa lahat ng mga anak niya ay dito siya nahirapan nang husto kung saan nag 50-50 siya sa panganganak at isang lingo pa siyang naratay sa ospital.

Sinabi naman ni Commission on Population Mimaropa Assistant Regional Director Marilyn F. Ogaya, na plano nilang i-monitor ang lahat ng napabilang sa 100th Million Baby Mark ng Pilipinas hanggang sa sila ay tumanda.

“We will visit them every now and then para mamonitor kasi we want them to be a responsible individual,” ayon kay ARD Ogaya.

Hindi naman aniya laging may regalo silang maibibigay sa kanilang pagbisita sa mga ito pero patuloy pa rin nilang i-momonitor ang mga bata.

Ang pagmonitor aniya sa mga Symbolic Baby sa buong bansa ay bahagi ng Philippine Population Management Program (PPMP) ng Commission on Population.(PJF/DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Advertisements

Tagalog news: Ika-50 anibersaryo ng ASEAN, ipinagdiwang sa Puerto Princesa, Palawan

PUERTO PRINCESA, Palawan, Agosto 10 (PIA) — Sama-samang sinaksihan ng mga mamamayan ng lungsod ng Puerto Princesa at mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, lokal na pamahalaan ang seremonya sa pagpapailaw ng Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) Landmark na ginanap sa City Coliseum.

Ito ay bahagi ng pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng ASEAN. Sa programa, binanggit ni Acting Mayor Nancy Socrates ang kahalagahan ng pagiging kasapi ng Pilipinas sa ASEAN.

Kaugnay ng selebrasyon, nagsagawa rin ng hiwalay na programa ang Pilot Elementary School kung saan binuksan ito sa pamamagitan ng presentasyon ng bandila ng mga bansang bumubuo ASEAN na ipinarada ng ilang piling mag-aaral.

Bilang bahagi ng aktibidad, itinampok din ang paligsahan sa paggawa ng bandila. Dito pumili ang mga hurado ng 10 may pinakamagandang gawa. Nagpaligsahan din ang mga piling mag-aaral sa pananalita at quiz bee na ang tampok ay patungkol sa ASEAN at mga bansang bumubuo dito. Samantala, sa Agosto 29 naman isasagawa ng Palawan National School ang kanilang inihandang programa na bahagi parin ng kaganapan. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

Tagalog news: Romblon Police Provincial Office, nakakuha ng parangal

ROMBLON, Romblon, Agosto 10 (PIA) — Ang Romblon Police Provincial Office ay pinarangalan bilang Outstanding Police Provincial Office in Police Community Relations ngayong 2017 ng Police Regional Office – Mimaropa.

Personal na tinanggap ni Police Senior Superintendent Leo E. Quevedo, Provincial Director ng Romblon PPO, ang plake ng pagkilala sa ginanap na Culminating Activity ng 22nd Police Community Relations Month kahapon  sa Camp Efigenio C. Navarro, Lungsod ng Calapan.

Ang nasabing aktibidad ay may temang: “Police and Community: Sharing Responsibility, Taking Action in Unity” kung saan panauhing pandangal si Dr. Romeo G. Infantado, OIC, Provincial Administrator’s Office, Province of Oriental Mindoro.

Bukod sa Romblon PPO, nakatanggap din ng parangal ang Calatrava Municipal Police Station (MPS) bilang 2017 Outstanding MPS in Police Community Relations.

Kinilala naman bilang 2017 Outstanding Junior Police Commission Officer in Police Community Relations si Police Senior Inpsector Gemie Mallen na dating hepe ng Calatrava Municipal Station at nakatanggap din ng parangal si Senior Police Officer 1 Evaresto Famero Jr., PCR PNCO ng Odiongan Municipal Police Station bilang 2017 Outstanding Senior Police Non-Commission Officer in Police Community Relations. (DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Tagalog news: DTI Kapatid Mentor Me program, inilunsad sa Romblon

ODIONGAN, Romblon, Agosto 10 (PIA) — Inilunsad kamakailan ng Department of Trade and Industry (DTI) – Romblon Provincial Office ang Kapatid Mentor Me Program (KMME) sa Haliwood Inn Hotel and Restaurant, Odiongan, Romblon.

Layunin ng naturang programa na magbigay ng mga pamamaraan upang mapalago ng mga MSME’s (Micro Small and Medium Enterprises) ang kanilang negosyo, sa tulong at gabay ng mga piling negosyanteng may napatunayan na sa kanilang larangan.

Malaking biyaya para sa mga negosyante sa buong lalawigan ng Romblon ang paglunsad ng DTI Kapatid Mentor Me Program kung saan dinaluhan ito ng iba’t-ibang mga beteranong negosyante ang programa para tulungan ang mga maliliit na negosyo sa kanilang patuloy na paglago na magsisilbing daan sa unti-unting pag-unlad ng pamayanan.

Ang Kapatid Mentor Me Program ay isinusulong ng Kagawaran ng Kalakan at Industriya bilang pagtalima sa adhikain ng kasalukuyang administrasyon na mapaunlad ang MSME sa bansa.

Ayon kay Orville F. Mallorca, Officer-in-Charge ng DTI Romblon, ang Mentor Me ay isa sa bahagi ng Project Kapatid na naglalayong turuan at bigyan ng mas magandang approach ang mga micro small enterprises.

Ang Mentor Me na inilunsad ng DTI Romblon ay may 12 modules na kinabibilangan ng business model canvass, product development/assessment and innovation, operations management, supply and value chain, human resource and organization management, entrepreneurial accounting and financial management, taxation at business law.(DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Tagalog news: MOA sa pagitan ng LGU Odiongan at SSS, nilagdaan na

ODIONGAN, Romblon, Agosto 10 (PIA) — Nilagdaan na ang Memorandum of Agreement sa pagitan ng lokal na pamahalaan ng Odiongan at Social Security System (SSS) na lahat ng Child Development Workers at Barangay Nutrition Scholars ay magkakaroon na ng buwanang kontribusiyon sa SSS.

Ang lagdaan sa pagitan nina Odiongan Mayor Tria Firmalo-Fabic at SSS Vice President for South Luzon Nilo Despuig ay naglalayon na mabigyan ng proteksiyon at insurance ang 36 na Child Development Workers at  25 na Barangay Nutrition Scholars upang may mapagkunan sa panahon ng emergency at magkaroon ng buwanang pensiyon sa kanilang pagtanda.

“Ngayon ay may option na sila na magkaroon ng SSS membership gawa ng partnership ng LGU Odiongan at SSS. Isang paraan ito para inspirado ang ating mga kasama sa pagbibigay ng serbisyong may puso,” ayon kay Mayor Fabic.

Ang MOA signing ay sinaksihan nina SSS Provincial Head Roberto Marcelo at Dr. Ramer Ramos, Municipal Administrator ng LGU Odiongan.

Ang programang ito ay suportado ng Gender and Development Council at ng tanggapan ni Vice Mayor Mark Anthony Reyes.

Isinusulong din ng LGU Odiongan na sa taong 2018 ay makakatanggap na itataas sa P12,000 ang buwanang honorarium ng mga CDWs at BNS sa naturang bayan.(DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)