Daily Archives: August 8, 2017

Tagalog news: 13M halagang multipurpose building, itatayo sa Brooke’s Point, Palawan

BROOKE’S POINT, Palawan, Agosto 8 (PIA) — Nakatakdang simulan sa ikalawang linggo ng Agosto ang konstruksiyon ng isang multi-purpose building na nagkakahalaga ng mahigit sa Php13 milyon matapos na buksan sa publiko ang bidding nito kamakailan.

Itatayo ito sa 3,000 sq mtrs na lupaing bahagi ng government center ng Bayan ng Brooke’s Point na matatagpuan sa Bgy. Tubtub.

Ang nasabing multipurpose building na may kabuuang floor area na 600 sq mtrs ay inaasahang paglalagyan ng iba’t-ibang tanggapan ng gobyerno tulad na lamang ng Regional Trial Court, Municipal Trial Court, Fiscal’s Office at Public Attorney’s Office (PAO).

Ang pagtatayo nito ay bahagi ng hangarin ni Mayor Maryjean D. Feliciano na mailapit sa mga mamamayan ang serbisyo ng gobyerno partikular ang usapin sa mabagal na usad ng mga kaso na inihahain sa piskalya.

Ayon kay Mayor Feliciano, hindi lamang ang bayan ng Brooke’s Point ang makikinabang dito kundi maging ang mga kalapit na munisipyo nito tulad ng Bataraza, Balabac, Quezon, Rizal, Sofronio Española at Narra. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

Advertisements

Tagalog news: Balayong Park, dagdag atraksyon sa turismo ng Puerto Princesa

PUERTO PRINCESA, Palawan, Agosto 8 (PIA) — Sinimulan na ng Pamahalaang Lungsod ng Puerto Princesa ang pagtatatag ng ‘Balayong Park’ bilang karagdagang atraksyon sa mga turistang dumarayo sa lungsod ng Puerto Princesa.

Ito ay sa pamamagitan ng pagdaraos ng Balayong Tree Planting Festival kamakailan kung saan sama-sama ang lahat ng sektor sa lungsod sa pagtatanim ng balayong seedling na may taas na dalawa hanggang limang talampakan sa paligid ng Ramon V. Mitra Sports Complex.

“Historic day ito para sa atin dahil sa araw na ito, nagsama-sama tayo upang itatag ang ating sariling ‘Balayong Tree Park’ dito sa ating government center…and you are a part of history (at kayo ay bahagi ng kasaysayan)”, bahagi ng pananalita ni Mayor Lucilo Bayron sa ginanap na programa sa nasabing aktibidad.

Hinikayat din ng Punong Lungsod ang mga nakilahok na mamamayan na patuloy na alagaan ang kani-kaniyang itinanim na Balayong hanggang sa ito ay lumago at mamulaklak.

Ang 5.8 ektaryang Balayong Park ng Puerto Princesa ay hango sa bersyon ng ‘Sakura Park’ ng Japan na ang tampok ay ang punong balayong (Palawan Cherry).

Base sa plano, lalagyan ng balayong tree tunnel ang parke, meditation garden, water park, at tatayuan din ang lugar ng maliit na simbahan kung saan maaaring magdaos ng kasal at iba pang seremonya.

Samantala, itinalaga ng alkalde ang mga regular na opisina sa City Hall na siyang mangangalaga sa mga punong Balayong at siya ring magmamantine sa mga tampok na halaman sa parke.

Kasabay nito, binuksan din ang isang kalsada na magdudugtong sa government center mula sa South National Highway upang magsilbing alternatibong daan patungong parke. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

 

Tagalog news: Mga minero ng Puerto Galera, bingyan ng alternatibong kabuhayan

PUERTO GALERA, Oriental Mindoro, Agosto 8 (PIA) – Pinagkalooban ng pamahalaang panlalawigan ng alternatibong kabuhayan ang mga minero sa halip na ipagpatuloy ang pagmimina sa kanilang lugar na lubhang mapanganib para sa kalikasan.

Ang programang Strategic Intervention Community-focused Action Towards Development (SICAD) ay nagkaloob ng sustainable livelihood projects para sa mga minero ng Puerto Galera.

Matatandaan na kamakailan lamang ay magkakatuwang na pinasimulan ng SICAD, Canada Fund for Local Inititives at pamahalaang lokal ng Puerto Galera ang 371 meters Mangrove Walkways na ngayo’y nagsisilbing atraksyon sa mga  turistang  dumarayo sa nasabing bayan.  Ang  mga  kasapi ng Samahang Pangkabuhayan ng Taga-Dulangan (SPTD) at Tabinay Puerto Galera Sagip Kalikasan at Kabuhayan (TPGSKK) ay  kumikita na ngayon  sa pagbabantay sa naturang walkway sa halip na mag-mina.

Nagbigay rin dito ng malaking tulong ang Malampaya Foundation Inc.(MFI) at Conservation International (CI) para sa katuparan ng proyekto.

Dahil sa hirap ng buhay ng mga minero at anila’y walang basta mapagkakitaan, pagmimina ang halos kinagisnan ng ikinabubuhay ng mga tao partikular ang mga taga-Brgy. Tabinay at Brgy. Dulangan, dalawa  sa 13 barangay na sakop ng bayan ng Puerto Galera.

Hindi nila alintana ang masamang dulot sa kalikasan ng small-scale mining basta kumita lamang at maitawid  ang pang-araw  araw  na pamumuhay. Ngunit kaaakibat nito ay ang pinangangambahang masakripisyo ang magandang kalikasan ng kanilang bayan at posibilidad ng panganib sa kanilang buhay.

Upang kagyat na masolusyunan ang suliranin hinggil sa pagmimina, pinangunahan ni Gob. Alfonso V. Umali Jr., sa pamamagitan ng SICAD ang mga istratehiyang aalalay sa small-scale miners.  Kaagad na nakipag-ugnayan ang  pamahalaang panlalawigan sa international agencies at non-government organizations (NGOs) upang tumulong sa pagkakaloob ng iba pang mga alternatibong pangkabuhayan para sa mga minero.

Pangunahing naging inisyatiba ng SICAD ang maipaunawa sa mga minero ang masamang epekto sa kalikasan ng kanilang itinuturing na magandang hanapbuhay. Nagsagawa ang SICAD ng information and education campaign (IEC), seminars at livelihood trainings para sa kapakinabangan ng maraming mamamayan.  (CPRSD/LTC/PIA-Mimaropa/Calapan)

Tagalog news: DOLE nagkaloob ng proyektong pangkabuhayan sa PTA ng Libertad Nat’l. HS

ODIONGAN, Romblon, Agosto 8 (PIA) — Nagkaloob ng proyektong pangkabuhayan ang Department of Labor and Employment (DOLE) – Romblon Field Office sa Parent Teachers Association (PTA) ng Libertad National High School sa bayan ng Odiongan.

Pormal na iniaabot ni DOLE Provincial Officer Carl Villaflores ang tsekeng nagkakahalaga ng P872,751 sa mga opisyal at guro na miyembro ng Libertad National High School PTA.

Ang naturang pondo ay ilalaan ng asosasyon sa kanilang school canteen and catering services na nakabase sa loob ng nasabing paaralan.

Ayon kay Libertad Barangay Captain Jun Firmalo, bilang isa sa mga miyembro ng PTA ay kaniyang ginagarantiyahan na kanilang sisikapin na mapaunlad ang tulong pangkabuhayan na ipinagkaloob ng DOLE dahil sila ay mapalad na nabigyan ng puhunan ng pamahalaan.

Ang awarding ceremony para sa livelihood assistance ng DOLE ay sinaksihan nina Mayor Trina Firmalo-Fabic, LNHS Principal Roque Falible, mga guro, estudyante at halal na opisyal ng  Bgy. Libertad.(DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)