Daily Archives: August 9, 2017

Tagalog news: Nominasyon ng Gintong Kabataan Awards (GKA) sa OrMin, bukas na

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Agosto 9 (PIA) – Bukas na sa publiko ang nominasyon para sa Gintong Kabataan Awards (GKA) na magpaparangal sa mga kabataang naging malaki ang ambag sa kanilang sektor.

Ang GKA ay may layunin na bigyang-pagpapahalaga ang mga kabataang nagkaroon ng malaking kontribusyon sa larangan ng iba’t ibang kategorya tulad ng leadership o public service, sports excellence, science at arts. Para naman sa group category, paparangalan ang Outstanding Sangguniang Kabataan na magmumula sa Barangay at Municipal levels.

Ginagawa ang naturang pagpaparangal tuwing ika-tatlong taon upang mahikayat ang mga kabataan na magpamalas nang galing sa iba’t ibang larangan at higit pang maipakita ang kanilang kakayahan at talento na magagamit nila sa hinaharap.

Ang mga nais lumahok sa naturang patimpalak ay dapat nasa edad 15-30 anyos, na suportado ng kopya ng kanilang birth certificate.

Kinakailangang tubo at laking Oriental Mindoro, may Barangay Clearance at Community Tax Certificate bilang mga patunay.

May good moral character na susuriin o titingnan sa pamamagitan ng pagmomonitor at ebalwasyon sa mga ito.

Kinakailangan ding kumpletuhin ang mga sumusunod na dokumento: application form na may 2 x 2 picture, mga nagawa o nadaluhang pagsasanay, mga natanggap na karangalan o citation, mga nasalihang outreach program, personal na pahayag na nagawa ng lalahok sa patimpalak, lagda ng lalahok sa patimpalak at ng taong nag-indorso o nag-nominate, at iba pa.

Ayon sa komite ng patimpalak, ang deadline ng pagsumite ay sa ika-25 ng Agosto 2017, hanggang 5:00 P.M.

Maaaring ipasa ang mga dokumento sa Office of the Governor, Special Concerns Division (SCD), Provincial Capitol Complex, Calapan City.

Para sa iba pang katanungan, maaaring tumawag sa mga numerong 286-7301/ 09178048570 at 09178156858 at hanapin si Supervising Administrative Officer Roberto O. Mendoza ng SCD. (CPRSD/LTC/PIA-Mimaropa/Calapan)

Advertisements

Tagalog news: Number games sa OrMin, ipinatitigil na ni Gob. Umali

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Agosto 9 (PIA) – Ipinatitigil na ni Gob. Alfonso V. Umali, Jr. ang lahat ng uri ng  “number games” na nag-ooperasyon sa buong lalawigan para na rin sa pangkalahatang kaayusan at kabutihan ng nakararaming mamamayan sa Oriental Mindoro.

Ito ang nilalaman ng nilagdaan ng gobernador sa Memorandum No. 11 series of 2017 noong nakaraang Agosto 2 para sa lahat ng mga punong bayan at punong lungsod ng lalawigan na nag-uutos na ipatupad ang pagpapatigil ng lahat ng uri ng number games na nag-ooperasyon sa lalawigan kasama na ang Small Town Lottery at  Jai Alai.

Sa sulat na ipinadala ng punong lalawigan kay Philippine National Police (PNP) Provincial Director Senior Superintendent Christopher Birung, ang ipinalabas na memorandum ay bilang suporta na rin sa pagsisikap ng PNP na mapatigil at lipulin ang operasyon ng mga sugal sa bansa na kalimitang nagiging ugat ng korupsyon sa lipunan at nakaaapekto sa maayos na pamumuhay ng mga mamamayan.

Maliban sa pagdedeklara ng PNP ng  “all out war” kontra sa lahat ng uri ng iligal ng gawain kasama na ang   operasyon ng “number games”,  bahagi rin nito ang layunin ng kanyang pamunuan na matigil ang diumano’y paggamit sa mga legal na laro bilang “front” ng mga  iligal na nag-ooperasyon ng number games sa lalawigan.

Nakatakda ring hilingin ng ehekutibo sa lehislatibong sangay ng Pamahalaang Panlalawigan ang agarang pagpapasa nito ng resolusyon na sumusuporta sa naging posisyon ngayon ng ehekutibo sa  papalalang sitwasyon ng operasyon ng  number games.

Sa naging posisyong ito ni Gob. Umali, na suportado rin ng League of Mayors of the Philippines, Oriental Mindoro Chapter, hinihikayat ng kanyang pamunuan ang mamamayang Mindoreño na matutong maging masinop sa pananalapi partikular ang mga magulang at maging mabuting ehemplo ang mga ito sa kanilang mga anak, at maging sa mga kabataan,  ang maitaas at palakasin ang kahalagahan ng pagsisikap na maingat ang sarili sa pamamagitan ng pagtityaga sa pagtatrabaho at matutong pagyamanin ang kung anong mayroon lamang ang kanilang pamilya kung saan nakalaang tumulong naman ang Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng iba’t ibang programa nitong kontra kahirapan para  sa mga may ganitong tamang gawi sa buhay.  (CPRSD/LTC/PIA-Mimaropa/Calapan)

Tagalog news: Alcantara at San Agustin, target ang hall of fame sa Red Orchid Award

ALCANTARA, Romblon, Agosto 9 (PIA) — Target ng bayan ng Alcantara at San Agustin na masungkit ngayong taon ang hall of fame sa Department of Health (DOH) National Red Orchid Award kung kaya’t puspusan ang ginagawang kampanya laban sa paninigarilyo sa mga nabanggit na bayan.

Magugunita na dalawang beses nang nabigyan ng parangal ng DOH ang mga naturang bayan dahil sa pagiging smoke free municipality ng mga ito.

Kaugnay nito, regular na binibisita ng mga Rural Health Unit personnel ang kani-kanilang barangay na nasasakupan para sa puspusang pagpapatupad ng Smoke-Free Ordinance.

Ayon kay Dr. Jobin Maestro, Municipal Health Officer ng RHU Alcantara, nasa full force status na ang LGU para sa pagpapaigting ng Smoke-Free Ordinance at pagbibigay ng karagdagang paunawa sa mga tao na bawal manigarilyo sa mga pampublikong lugar.

Nakatakda namang dumating ngayon ang validation team ng award giving body para bisitahin ang dalawang nominadong bayan upang magsagawa ng Evaluation of Tobacco Control Program ng Local Government Unit.

Kapag pinalad na muling masungkit ng dalawang naturang bayan ang National Red Orchid Award, ang mga ito ay pagkakalooban ng tropeo at sertipiko ng pagkilala mula sa Department of Health (DOH).

Makakatangap rin ang National Red Orchid Hall of Fame Awardees ng P500,000 project grant para sa patuloy na pagkontrol ng mga tobacco activities at may P100,000 ding matatanggap ang Local Government Unit na awardee para may pondong magamit sa pagbili ng mga gamot.(PJF/DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Tagalog news: Palawan, isinusulong sa Kongreso na maging Tourism Capital ng Pilipinas

PUERTO PRINCESA, Palawan, Agosto 9 (PIA) — Isinusulong ng tatlong kinatawan ng Palawan sa Kongreso ang House Bill No. 4273 o ang pagdi-deklara ng lalawigan ng Palawan bilang ‘Tourism Capital’ ng Pilipinas.

Ang nasabing panukalang batas ay iniakda nina 1st District Representative Franz Josef George E. Alvarez, 2nd District Representative Frederick F. Abueg at 3rd District representative Cong. Gil P. Acosta, Sr.

Suportado naman ito ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan sa pamamagitan ng resolusyon ng ipinasa nito lamang araw ng Martes na iniakda ni 3rd District Board Member Albert G. Rama.

Ayon kay Board Member Rama, dahil sa mga karangalan at pagkilala na nakamit ng lalawigan tulad na lamang ng pagiging Best Island in the World, World Best Friendliest Island, at Last Ecological Frontier ng Pilipinas, idagdag pa dito ang bukod-tangi at likas na ganda ng lalawigan na may lawak na 14,650 square kilometers at tahanan ng mahigit na isang milyong populasyon na bibubuo ng nasa walumpu’t-pitong (87) cultural groups na humahabi sa mayamang kultura ng bawat komunidad ng lalawigan ay karapat-dapat lamang na kilalaning ‘Tourism Capital’ ng Pilipinas ang Palawan.

Kaugnay nito,patuloy na hinihikayat ng mga mambabatas ang mga lokal na residente na tulungan at suportahan ang magagandang programa at proyekto ng  pamahalaan upang mas lalo pang lumago ang industriya ng turismo sa Palawan nang sa gayon ay makaakit pa ng mas maraming mamaumuhunan na maglagak ng negosyo sa  lalawigan upang makapagbigay ng oportunidad sa trabaho  at patuloy na mapaunlad ang lokal na ekonomiya. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)