Daily Archives: August 11, 2017

Tagalog news: 3 resolusyon pasado sa pulong ng Occ Min Prov’l Advisory Council

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Agosto 11 (PIA)—Tatlong resolusyon ang naipasa ng Provincial Advisory Council (PAC) sa kanilang isinagawang pulong sa Camp Winston Sibley Ebersole kahapon.

Ang Resolution NR 2017-4 at 2017-5 ay humihiling kay Congresswoman Josephine Sato at Governor Mario Gene Mendiola, na mapabilang ang Occidental Mindoro Philipine National Police (PNP) Learning Center sa mga priority programs ng dalawang pinuno at mabigyan ng financial assistance.

Ang Resolution Nr 2017-6 naman ay naglalayong mai-endorso na gamitin sa buong lalawigan ang Electronic and Computerized Alarm System (ECAS).

Batay sa ulat ni PSupt Emerson Mañibo, tagapamuno ng Provincial Police Strategy Management Unit, ang PNP Learning Center ay kinilala na kabilang sa mga Best Practices ng Police Provincial Office (PPO). Itinayo ito noong June 22, 2006 at nakapagpatapos na ng may 449 na mga magaaral sa nursery at kindergarten mula 2006-2016. Ayon pa kay Mañibo, sa naturang learning center naka- enroll ang mga anak ng mga pulis na nakadestino sa San Jose.

Ang ECAS naman ay nilikha ng PPO upang higit na mapabilis ang kanilang pagresponde sakaling magkaroon ng krimen sa isang lugar. Base sa paliwanag ni Mañibo, inumpisahan nila ang programa katuwang ang ilang negosyante ng San Jose noong 2015. Ang mga negosyanteng kabilang sa ECAS ay may nakatalagang mobile phone na naka-enroll sa computer ng PPO. Dapat lang itong gamitin sakaling may krimen sa kanilang lugar. Sa sandaling i-dial ang mobile phone, kagyat na magpapadala ang PPO ng kanilang Quick Reaction Team (QRT) upang i-verify ang sitwasyon.

Samantala, iprinisenta rin ng PPO ang ilang mga pagsasanay na kailangan ng mga kapulisan. Ang mga ito ay ang pagsasanay sa Information and Communication Technology (ICT), Standard First Aid and Basic Life Support Training at Water Search and Rescue (WaSAR) Operation.

Nagbigay naman ng suhestyon si PAC Chairman at Vice Governor Peter Alfaro, na maaring makatulong sa mga pagsasanay na ito ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa ICT, Phillipine Red Cross sa First Aid and Life Support at ang Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMO) para sa WaSAR. Iminungkahi rin ni Alfaro ang pagpasa ng resulosyon hinggil sa naturang mga pagsasanay upang pormal na magawan ng karampatang aksyon ng PAC. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)

 

Advertisements

Tagalog news: Bright Leaf Agriculture Journalism Awards, binuksan sa Puerto Princesa

PUERTO PRINCESA, Palawan, Agosto 11 (PIA) — Binuksan para sa mga lokal na mamamahayag, manunulat at litratista sa lungsod ng Puerto Princesa, Palawan ang isa nanamang patimpalak sa paggawa o pagbuo ng kuwento na tampok ang usaping pang agrikultura.

Ito ay sa pamamagitan ng ika-labing-isang Bright Leaf Journalism Awards ngayong taon ay may temang, “a Tribute”.  Kinikilala ng Bright Leaf ang sektor pang agrikultura sa pamamagitan ng ilalabas na kuwento ng mga mamamahayag, dahil sa napakahalagang papel nito sa pagtataguyod ng bansa.

Dito, hinihikayat ang mga mamamahayag, manunulat o litratista na sumali at magsumite ng kanilang entry sa nasabing kompetisyon.

Ang mga kategorya ay binubuo ng: Agriculture Story of the Year; Agriculture Photo of the Year; Tobacco Story of the Year; Tobacco Photo of the Year; Best Television Program or Segment; Best Agriculture News Story Regional; at Best Agriculture Feature Story Regional.

Maaaring sumali sa kahit ilang kategorya, subalit iisang entry lamang sa bawat kategorya ang maaaring isumite.

Magtatapos ang pagtanggap ng entry sa Setyembre 1, habang ang seremonya ng paggawad sa mapipiling istorya gagawin sa darating na Nobyembre.

Lahat ng entry ay kinakailangang nai-lathala, naisa-himpapawid sa pagitan ng Setyembre 1, 2016 at Agosto 31, 2017.

Ang entry ay maaaring nasusulat sa salitang Ingles o wikang Filipino (kailangan lamang ng kaakibat na pagsasaling-wika sa Ingles).

Samantala, igagawad din ngayong taon ang Oriental Leaf Award, isang natatanging pagkilala sa manunulat na nagkamit na ng limang magkakasunod na panalo ng bright leaf awards sa alin mang kategorya. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

Tagalog news: Romblon MPS, mas pinaigting ang panghuhuli sa mga motoristang pasaway

ROMBLON, Romblon, Agosto 11 (PIA) — Mas pinaigting ng mga tauhan ng Romblon Municipal Police Station (MPS) ang panghuhuli sa mga motoristang walang rehistro ang sasakyan, walang lisensiya sa pagmamaneho, walang suot na helmet, mga tricycle na hindi nakapagbayad ng municipal tricycle operators permit at pagsita sa mga menor de edad na nagmamaneho.

Layunin nito na masawata ang mga sumusuway sa batas trapiko, mabawasan ang dumaraming kaso ng mga aksidente sa kalsada at mahuli ang mga kolorum na sasakyan.

Hinihiling ni Police Senior Inspector Gemmie Mallen, chief of Police ng Romblon MPS, sa mga motorista na sundin ang ipinaiiral na batas trapiko ng Land Transportation Office (LTO) upang maiwasan ang pagbabayad ng multa at posibleng pagka-impound ng kanilang mga sasakyan dahil sa paglabag dito.

Umaapela rin ang nabanggit na hepe sa mga magulang na pagbawalang magmaneho ang anak na di lisensiyado o huwag payagang magmaneho ng sasakyan ang mga kabataang hindi dumaan sa pormal na  pagsasanay at wala pang driver’s  license.

Batay sa datos ng pulisya sa Romblon, kadalasang nasasangkot sa aksidente sa motorsiklo ay mga nakainom ng alak, mga kabataang wala pa sa hustong gulang para magmaneho at magkaminsan ay nagreresulta sa pagkamatay dahil sa hindi pagsusuot ng helmet.

Kaugnay nito, regular nang naglalatag ng police checkpoint ang mga tauhan ng Romblon MPS sa mga pangunahing kalsada na madalas daanan ng mga nagmamaneho ng motorsiklo at maging ng mga namamasadang tricycle.(DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Tagalog news: 5 bayan sa OrMin, pinarangalan sa maayos na koleksyon ng buwis

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Agosto 11 (PIA) – Limang bayan sa lalawigan ang pinarangalan kamakailan ng pamahalaang panlalawigan dahil sa mahigit 100 porsiyentong collection efficiency ng mga ito sa real property tax (RPT) noong nakaraang 2016.

Nakuha ng Puerto Galera ang Rank 1 sa collection efficiency na 200.25 porsiyento. Sa target na P15.419 milyon, umabot sa P30.876 milyon ang kanilang total RPT collection.  Tinanggap ni  Municipal Treasurer Crisol R. Calda ang plake para sa kanila ni Mayor Rockey D. Ilagan.

Rank 2 ang Gloria na may 158.68 posiyentong collection efficiency.  Sa target na P7.230 milyon, naabot nila ang P11.472 milyon RPT collection. Tinanggap naman ni Municipal Treasurer Merlita M. Larga ang plake nila ni Mayor German D. Rodegerio.

Nakamit ng Roxas ang Rank 3 na may 126.64 porsiyentong collection efficiency. Umabot sa P12.411 milyon ang kanilang RPT collection mula sa target na P9.8 milyon. Si Municipal Treasurer Luz F. Lago ang tumanggap ng plake nila ni Mayor Violeta L. Dimapilis.

Nasa Rank 4 ang bayan ng Naujan na may 123.21 milyon collection efficiency dahil sa P21.583 milyon RPT collection mula sa target na P17.518 milyon.  Ang plake nila ni Mayor Mark N. Marcos ay tinanggap ni Municipal Treasurer Arleen B. Gutierrez.

Samantala, Rank 5 naman ang Bansud na may 120.85 porsiyento collection efficiency.  Mula sa target na P5.996 milyon, umabot sa P7.246 milyon ang kanilang RPT collection.

Ayon kay Officer-In-Charge Provincial Treasurer Astronica G. Salcedo, ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagkaloob ng ganitong parangal ang Pamahalaang Panlalawigan.

Pinangunahan ni Gob. Alfonso V. Umali, Jr. kasama sina OIC-Office of the Provincial Administrator Dr. Romeo G. Infantado,  OIC-Provincial Treasurer Salcedo at Provincial Assessor Onisimo Naling ang paggawad ng plake ng pagkilala sa simpleng seremonya na ginanp sa Halcon Hall ng Kapitolyo.

Ayon kay Infantado, pangunahing layunin ng pagkakaloob ng ganitong pagkilala ay upang magpursigi pa ang mga munisipyo na pataasin ang kanilang koleksyon ng buwis partikular ang RPT na siyang pinagkukunan ng malaking revenue ng lalawigan.

“Congratulations for a job well done,” ang ipinaabot ni Gob. Umali sa mga municipal treasurer.  Sinabi pa ng gobernador  na hinihikayat niya ang mga pamahalaang bayan sa lalawigan na magpursigi upang makakuha rin ng Seal of Good Local Governance (SGLG) mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG) sapagkat maraming proyekto ang kaloob ng naturang parangal.

Ayon pa sa gobernador, nakatakda ring magbigay ng katulad na award ng SGLG ang Pamahalaang Panlalawigan na planong simulan sa Founding Anniversary ng lalawigan sa darating na ika-15 ng Nobyembre.  Ang criteria na gagamitin ay mula sa SGLG at Galing Pook.  Makatatanggap din, aniya, ng cash prize ang mapipiling Most Outstanding Municipality gayundin P1 milyon sa iba pang kategorya tulad ng agriculture, tourism at financial housekeeping.  Bukod pa rito, nasa plano rin ang paghirang sa 10 outstanding barangay sa lalawigan.

Binanggit din ng gobernador ang ilang public private partnership projects na ipatutupad sa natitira pang dalawang taon ng kanyang panunungkulan.

Ilan sa mga ito ay ang Provincial Demonstration Farm sa Barangay Merit, Victoria na gagawing agri-tourism center, ang pagtatayo ng Mindoro Railway System na magkokonekta sa Oriental at Occidental Mindoro, ang pagdurugtong sa 69KV transmission line ng National Power Corporation upang masuplayan ng kuryentre ang buong isla ng Mindoro at ang paglalagay ng solar energy sa Kapitolyo at Oriental Mindoro Provincial Hospital (OMPH).

Samantala, ipinagkaloob naman nina OIC-Provincial Treasurer Salcedo at Provincial Assessor Naling kay Gob. Umali ang plake ng pagkilala na nilagdaan ni OIC-Regional Director Aida B. Abregana ng Department of Finance Mimaropa dahil sa malaking suportang ipinagkaloob ng Pamahalaang Panlalawigan sa Lungsod ng Calapan na nakakuha rin ng mahigit sa 100 porsiyentong collection efficiency sa kanilang RPT collection noong 2016.

Tumanggap din ng plake ng pagkilala mula sa nabanggit na ahensya sina OIC-Provincial Treasurer Salcedo at Provincial Assessor Naling dahil sa naabot na 113 porsiyentong collection efficiency ng lalawigan.  Mula sa total revenue target na P143.73 milyon ng lalawigan, umabot ito sa P162.28 milyon total revenue collection. (CPRSD/LTC/PIA-Mimaropa/Calapan)

Tagalog news: Libreng lunchbags, ipinamahagi sa mag-aaral ng Boliganay Elementary School sa Odiongan

ODIONGAN, Romblon, Agosto 11 (PIA) — Ang grupong #HashtagLunchbagPH ay namahagi kamakailan ng libreng lunch bags sa mga mag-aaral ng Boliganay Elementary School sa Bgy. Panique, Odiongan, Romblon.

Ikinatuwa ito ng mga batang mag-aaral at labis na nagpapasalamat ang mga guro at magulang sa regalong natanggap mula sa naturang grupo.

Personal na bumisita ang grupong #HashtagLunchbagPH kasama ang kilalang aktres na si Antoinette Taus sa nabanggit na paaralan upang ipamahagi ang mga lunch bags sa mga batang mag-aaral.

Layunin ng grupo na sa maliit na kaparaanan ay makatulong sila sa mga magulang ng mga batang mag-aaral ng Boliganay Elementary School.(PJF/DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Tagalog news: Romblon Police Provincial Office, nakakuha ng parangal

ROMBLON, Romblon, Agosto 11 (PIA) — Ang Romblon Police Provincial Office ay pinarangalan bilang Outstanding Police Provincial Office in Police Community Relations ngayong 2017 ng Police Regional Office – Mimaropa.

Personal na tinanggap ni Police Senior Superintendent Leo E. Quevedo, Provincial Director ng Romblon PPO, ang plake ng pagkilala sa ginanap na Culminating Activity ng 22nd Police Community Relations Month kahapon  sa Camp Efigenio C. Navarro, Lungsod ng Calapan.

Ang nasabing aktibidad ay may temang: “Police and Community: Sharing Responsibility, Taking Action in Unity” kung saan panauhing pandangal si Dr. Romeo G. Infantado, OIC, Provincial Administrator’s Office, Province of Oriental Mindoro.

Bukod sa Romblon PPO, nakatanggap din ng parangal ang Calatrava Municipal Police Station (MPS) bilang 2017 Outstanding MPS in Police Community Relations.

Kinilala naman bilang 2017 Outstanding Junior Police Commission Officer in Police Community Relations si Police Senior Inpsector Gemie Mallen na dating hepe ng Calatrava Municipal Station at nakatanggap din ng parangal si Senior Police Officer 1 Evaresto Famero Jr., PCR PNCO ng Odiongan Municipal Police Station bilang 2017 Outstanding Senior Police Non-Commission Officer in Police Community Relations. (DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Tagalog news: Ika-50 anibersaryo ng ASEAN, ipinagdiwang sa Puerto Princesa, Palawan

PUERTO PRINCESA, Palawan, Agosto 11 (PIA) — Sama-samang sinaksihan ng mga mamamayan ng lungsod ng Puerto Princesa at mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, lokal na pamahalaan ang seremonya sa pagpapailaw ng Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) Landmark na ginanap sa City Coliseum.

Ito ay bahagi ng pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng ASEAN. Sa programa, binanggit ni Acting Mayor Nancy Socrates ang kahalagahan ng pagiging kasapi ng Pilipinas sa ASEAN.

Kaugnay ng selebrasyon, nagsagawa rin ng hiwalay na programa ang Pilot Elementary School kung saan binuksan ito sa pamamagitan ng presentasyon ng bandila ng mga bansang bumubuo ASEAN na ipinarada ng ilang piling mag-aaral.

Bilang bahagi ng aktibidad, itinampok din ang paligsahan sa paggawa ng bandila. Dito pumili ang mga hurado ng 10 may pinakamagandang gawa. Nagpaligsahan din ang mga piling mag-aaral sa pananalita at quiz bee na ang tampok ay patungkol sa ASEAN at mga bansang bumubuo dito. Samantala, sa Agosto 29 naman isasagawa ng Palawan National School ang kanilang inihandang programa na bahagi parin ng kaganapan. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)