Daily Archives: August 2, 2017

Tagalog news: Miss Tourism-Marinduque 2017, pasok sa top 16 finalists ng nat’l competition

BOAC, Marinduque, Agosto 2 (PIA)– Kabilang si Princess Anne Noche ng Butansapa, Mogpog sa top 16 finalist ng patimpalak na Miss Tourism Philippines 2017.

Ginanap ang kumpetisyon ng pagandahan sa Aliw Theatre, CCP Complex, Pasay City noong Hulyo 30.

Sa tanong sa kanya ng Marinduque News kung paano mapapalakas ng lalawigan ang sektor ng turismo, sinabi niya na mas mainam kung  maipagpapatuloy nila ang pagpapanatili ng ganda ng Poctoy White Beach, Maniwaya at Gaspar Islands, Bagumbungan Cave upang maipakilala ito sa iba pang turista na nagnanais na bumisita sa Marinduque.

Ayon sa dilag, naging kalamangan daw nya sa ibang kandidata ang kanyang karanasan sa pagsali sa ibang pagandahan na kumpetisyon, pagiging isang nursing student at tiwala sa sarili, pamilya at sa Panginoon.

Muli naming mapapanood ang delayed telecast ng beauty pageant sa TV5 Network sa ika-5 ng Agosto. (PIA-MIMAROPA/Marinduque)

Advertisements

Tagalog news: “No Helmet, No Driver’s License” policy, ipinatutupad na sa Cajidiocan, Romblon

CAJIDIOCAN, Romblon, Agosto 2 (PIA) — Mahigpit ng ipinatutupad ng mga awtoridad sa bayan ng Cajidiocan ang “No Helmet, No Driver’s License” policy sa mga motoristang bumibiyahe sa kalsada na kanilang nasasakupan.

Layunin nito na mabawasan ang mga insidente ng pagkamatay ng isang rider dahil sa hindi pagsusuot ng helmet at masawata ang mga menor de edad na nagmamaneho ng motorsiklo ng walang kaukulang lisensiya.

Ayon kay Police Inspector Edwin Bautista, hepe ng Cajidiocan Municipal Police Station, target din nilang mabawasan ang mga over-loading at aksidenteng madalas na sangkot ay mga kabataan.

Aniya, bibigyan nila ng pagkakataon ang mga mahihirap na residente ng Cajidiocan na ilista na lang muna sa logbook kung sakaling mahuli at kung kailan nila kayang kompletuhin ang kanilang mga papeles o requirement katulad ng lisensya o rehistro ng mga motorsiklo.

Ipinaalala naman ni Sangguniang Bayan Member Marvin Ramos, na ang hindi pagsusuot ng helmet ay may kaukulang multa na P1,500 sa unang paglabag, P2,000 sa ikalawang palabag at P3,000 sa ikatlong pakakataon ng hindi pagsunod sa batas.

Ani Ramos, maraming mga residente ng Cajidiocan ang tiyak na mahihirapang makapagbayad ng ganito kalaking halaga kung sakaling sila ay mahuli ng mga awtoridad.

Nakatakdang imbitahan ng Sangguniang Bayan ng Cajidiocan ang hepe ng Cajidiocan MPS sa kanilang regular session upang magtanong kung mayroon bang deputized enforcer ang LTO sa hanay ng kapulisan, kung paano ang mode of payment kung halimbawang may mahuli, kanino o saan magbabayad at kung gaano kabalis maibabalik ang kanilang mga lisensya.

Dahil sa nangyaring paghihigpit ng kapulisan, marami na umanong motoristang mas pinipiling maglakad na lang kesa gumamit pa ng motorsiklo papasok ng opisina o di kaya’y paaralan dahil sa kawalan ng mga helmet.(PJF/DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Tagalog news: Ika-117 anibersaryo ng Labanan sa Paye ipinagdiwang sa Marinduque

BOAC, Marinduque, Agosto 2 (PIA)– Ipinagdiwang ng buong lalawigan ng Marinduque ang ika-117 anibersaryo ng Labanan sa Paye sa Balimbing, Boac.

Pinasimulan ang pagdiriwang na ito sa pamamagitan ng banal na misa kasama ang mga miyembro ng Boy Scout at Girl Scout of the Philippines.

Matapos nito ay binigyan naman ng pagpupugay sa pangunguna ni Boac Mayor Roberto M. Madla ang mga dakilang bayani na nagbuwis ng buhay noong panahon ng labanan sa Paye noong 1900. Binigyan sila ng 21 gun salute ng mga militar sa harapan ng bantayog.

Ilan sa mga dumalo sa pagdiriwang ay sina Cong. Lord Allan Q. Velasco, Vice-Governor Romulo Bacorro, BGen. Elias Scartcher, PCSupt. Froilan F. Quidilla, Vice Mayor Robert Opis at iba pa nilang kasamahan sa Sangguniang Bayan. Dumalo rin sa pagtitipon na ito ang mga opisyal ng nasyonal at lokal na pamahalaan.

Ang paggunita ng taunang pag-alaala na ito ay binigyan ng temang Labanan sa Paye: Kabayanihan, Gunitain at Ipagmalaki Natin. (PIA-MIMAROPA/Marinduque)

Tagalog news: Mga pamilihan sa Puerto Princesa, obligadong maglagay ng ‘Timbangan ng Bayan’

PUERTO PRINCESA, Palawan, Agosto 2 (PIA) — Kinakailangan nang maglagay ng pampublikong timbangan ang mga supermarket, pribado at pampublikong pamilihan maging ang slaughterhouse sa lungsod ng Puerto Princesa.

Ito ay matapos na aprubahan kamakailan ng Sangguniang Panlungsod sa ikatlo at huling pagbasa ang ordinansa na nag-a-atas sa mga may-ari o namamahala ng mga pamilihan magkaroon ng tinatawag na ‘Timbangan ng Bayan’.

Nasasaad sa ordinansa na kinakailangang ang timbangan ng bayan ay nakalagay sa lugar na madaling makita ng publiko. Dapat ding ito ay subok calibrated at selyado ng kinatawan mula sa opisina ng lokal na pamahalaan na siyang naatasan ng batas.

Samantala, sino mang susuway sa mga nasasaad sa ordinansa ay sasailalim sa business seminar at pagmumultahin ng Php3,000 sa unang paglabag; Php4,000 at panibagong seminar sa ikalawang paglabag; samantalang maaari namang makulong ng hindi bababa sa isang buwan depende sa kautusan ng korte at multang Php5,000 ang lalabag sa batas sa ikatlong pagkakataon.

Layon ng ordinansa na masuportahan ang proyekto ng Department of Trade and Industry (DTI) upang mabigyan ng proteksyon ang mga mamimili at nagbibigay diin sa umiiral na Republic Act-7394 (Consumer Act). (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

Tagalog news: 30 katao pasado sa pagsasanay ng WASAR Training sa OccMin

MAMBURAO, Occidental Mindoro, Agosto 2 (PIA)—Tatlumpo katao ang pumasa sa pagsasanay sa Water Search and Rescue (WASAR) operation na isinagawa sa Vista Del Mar, Mamburao kamakailan.

Pinangunahan ang nasabing pagsasanay ng Provincial Disaster Risk and Management Office (PDRRMO), katuwang ang Southern Tagalog Philippine Coast Guards (PCG) at dinaluhan ng mga volunteers mula sa bayan ng Mamburao at Abra de Ilog.

Ayon kay Antonia Javier, tagapamuno ng PDRRMO, bahagi ng misyon na iniaatas sa kanilang tanggapan ay ang bigyan ang mga nasa komunidad ng kaalaman sa mga posibleng epekto ng kalamidad o sakuna at kasanayan sa mga aksyong dapat gawin, tulad ng pagsagip, pagbibigay ng first aid at iba pa.

“Mahirap ang pagsasanay na dinaananan ng mga volunteers”, saad ni Javier. Katunayan, 43 ang bilang ng mga kalahok na sumabak sa pagsasanay ng WASAR subalit 30 lamang ang nakapasa. Kinailangang masubok ang katatagan ng mga volunteers dahil pagsagip sa buhay ng tao ang pangunahing tungkulin ng pagsasanay na ibinigay sa mga ito.

“Ang mga nakapasa ay awtomatikong mapapabilang sa Quick Reaction Team ng lalawigan na itatalaga sa Water Search and Rescue Operation”, ayon pa kay Javier.

“Mahirap ang dinaanan naming training. Matindi ang mga exercises”, kwento namn ni Mark Lester Maling, kawani sa kapitoloyo, at isa sa mga dumalo sa pagsasanay.

Sadyang ikinundisyon ng PCG ang katawan ng mga kalahok upang malampasan ang one-mile-swim test. Ayon pa kay Maling, bukod sa pagpapalakas sa kanilang stamina ay natutunan din nila ang tamang paghinga sa tubig, pamamaraan kung paano tumagal sa tubig at higit sa lahat ay tamang proseso ng pagsagip.

Nilinaw naman ng tagapamuno ng PDRRMO na magsasagawa pa ng ibang mga pagsasanay ang kanilang tanggapan upang dumami ang bilang ng mga volunteers na may kakayahang rumesponde sa panahon ng kalamidad.

“Bilin ng ating gobernador (Gene Mendiola) na ihanda ang mga mamamayan sa kanilang mga dapat gawin kapag may sakuna“, paliwanag ni Javier.

Samantala, upang makalikom pa ng mas maraming disaster responders o mga reresponde sa panahon ng kalamidad, isasagawa ng PDRRMO ang Disaster Volunteer Summit ngayong buwan. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)

Tagalog news: Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic, nagsagawa ng kanyang “Ulat sa Bayan”

ODIONGAN, Romblon, Agosto 2 (PIA) — Isinagawa ni Odiongan Mayor Trina Alejandra Q. Firmalo-Fabic ang kanyang kauna-unahang “Ulat sa Bayan” o State of the Municipality Address (SOMA) sa harap ng Odiongan Municipal Hall pagkatapos ng flag raising ceremony kahapon.

Ito ay dinaluhan ng matataas na opisyal ng lalawigan, mga kinatawan ng National Government Agencies, Sangguniang Bayan Members ng Odiongan, mga empleyado ng munisipyo, barangay officials, head of schools, non-government organizations, religious groups at iba’t ibang sektor ng lipunan.

Sa SOMA ni Mayor Fabic, kanyang ipinahiwatig na inaambisyon ng kasalukuyang administrasyon na maging unang siyudad sa lalawigan ng Romblon ang bayan na kanyang pinamumunuan.

“Bayang mangunguna sa lalawigan na nagsusumikap maging isang lungsod; na nakaagapay sa mga kababayang mapagmamal at may takot sa Diyos, mapagkalinga, may paninidigan, masipag, matatag sa mga hamon ng buhay at malusog; na nagtatrabaho para sa progresibong ekonomiya at pinapahalagahan ang kalikasan tungo sa pangkahalatang kaunlaran na ginagabayan ng matatapat, may paninidigan at aktibong mga namumuno.” ayon sa Vision ng Odiongan na binasa ni Mayor Trina Firmalo-Fabic sa kanyang talumpati.

“Ang mga programa at proyekto ng inyong munisipyo ay naka-angkla sa vision o pangarap na ito at sa layunin nating makapag bigay ng Serbisyong May Puso,” dagdag ng alkalde.

Sinabi rin ng alkalde na ang Odiongan Municipal Police Station ay magpapatayo ng isang city-type police station sa Barangay Dapawan na maaring maitayo sa susunod na taon kung saan ang loteng pagtatayuan nito ay ipinagkaloob ng lokal na pamahalaan.

Nagbiro rin ang alkalde kaugnay sa kakulangan ng populasyon ng Odiongan para sa pagiging City Hood nito.

Ayon pa sa mayora, plano ng pamahalaang lokal na magtayo ng Birthing Center at magbibigay ng baby box sa mga manganganak rito kaya baka dumami na ang mga taga-Odiongan na gustong magkaanak dahilan para maabot na ang population requirement upang maging siyudad.

Alinsunod sa batas, para maging siyudad ang isang bayan kailangan nitong: una magkaroon ng atleast P100 Million average annual income sa loob ng dalawang taon; pangalawa, magkaroon ng at least 100 square kilometers land area o di kaya’y umabot ng 150,000 ang populasyon ng bayan.

Malaki at dumami na rin aniya ang dumagdag na negosyo sa bayan ng Odiongan magmula Hulyo 2016 hanggang Hunyo 2017.

“Ngayong taong 2017 mula Enero hanggang katapusan ng Hunyo, mayroong 1,545 na mga negosyo na kumuha ng business permits, 1,291 ang mga nag-renew at 254 ang mga bagong negosyo na nag-aplay ng permit. Average po yan ng 42 na negosyo na nagbubukas sa Odiongan kada-buwan,” paliwanag ng alkalde.

Ayon pa sa alkalde, nitong Hulyo 2017, may nadagdag pang 51 negosyong naparehistro kaya mayroon ng kabuuang 1,596 negosyo sa bayan ng Odiongan sa kasalukuyan.

Batay sa datus, aabot ng Php746,804,641 ang perang naka-invest sa Odiongan ng mga namumuhunan at dahil dito ay umangat rin ang ekonomiya ng Odiongan sa 16.7 porsiyento sa unang anim na buwan ng 2017 kumpara noong 2016.

“Napakabilis ng growth ng ating bayan. Maganda ang ekonomiya natin. Positibo ang tingin ng mga tao sa pagnenegoso at pag-iinvest dito sa bayan ng Odiongan,” pahayag ng alkalde.

Ipinagmalaki rin ni Mayor Fabic na updated na ang Comprehensive Land Use Plan (CLUP) ng bayan ng Odiongan para sa makabagong panahon kung saan nakatala ang mga zoning at long-term development plan ng naturang bayan.

Makikita sa Comprehensive Land Use Plan kung nasaan ang industrial area, residential area, business area, at agricultural area.

Taong 2002 pa aniya na-update ang CLUP ng Odiongan kung saan noon kakaunti pa lang ang tao at hindi pa gaanong masikip sa kabayanan.

Sa bagong Comprehensive Land Use Plan ng Odiongan kasama na ang mga Barangay ng Dapawan, Poctoy, Batiano at Tulay sa mga Urban Barangays, dagdag ito sa limang barangay na nasa sentro ng bayan.

Dumaan na aniya sa public hearings ang nasabing CLUP at naisumite na sa Provincial Land Use Committee at bukod pa sa CLUP ay naisumite na rin sa Sangguniang Bayan ng Odiongan at Department of Interior and Local Government (DILG) ang Comprehensive Development Plan at Municipal Water Supplies, Sewerage, and Sanitation Plan.

Hinihiling din ni Mayor Fabic sa Sangguniang Bayan ng Odiongan na tulungan siyang masolusyonan ang problema sa transportasyon.

“Inaasahan po natin na ang ating Sangguniang Bayan ay aksyunan po ang sitwasyon po sa ating mga tricycle at mga kolorum [na tricycle] para po sa taong bayan,” turan ng alkalde.

Nilalayon aniya ng LGU Odiongan sa ilalim ng kanyang pamamahala na magkaroon ng pangmatagalang solusyon sa sitwasyon ng transportasyon at daloy ng trapiko sa Odiongan.

Isa aniya sa isinusulong na panukala ng Sangguniang Bayan ng Odiongan ang magkaroon ng taripa para sa mga tricycle upang pantay pantay ang paniningil ng pamasahe at maiwasan ang pananamantala sa mga pasahero.

Maliban sa problema sa tricycle, inihayag rin ni Mayor Fabic na maglalagay sila ng South Terminal na itatayo sa Barangay Tulay kung saan dito lang maaaring pumarada ang mga jeep na galing o patungong mga bayan ng Looc, Ferrol, Alcantara, Sta Fe., at Sta. Maria o mga sasakyan na bumibiyahe sa Southern Part ng Tablas Island.

Ang terminal sa public market ay tatawagin aniyang North Terminal kung saan paparada naman ang mga sasakyan na bumibiyahe galing at papuntang Northern Tablas.

Ipinangako rin ng alkalde na kanyang ipagpapatuloy ang mga proyekto at programang nasimulan para mas maramdaman ng taga-Odiongan ang serbisyo ng pamahalaan hanggang sa malalayong barangay ng bayan na kanyang pinamumunuan.(PJF/DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)