ni Orlan C. Jabagat

PUERTO PRINCESA, Palawan, Marso 4 (PIA) — Ipinagdiriwang ngayon ng Lungsod ng Puerto Princesa ang ika-143rd Founding Anniversary.

Kaugnay nito ay walang pasok sa lahat ng antas ng mga eskwelahan, gayundin ng lahat ang mga tanggapan sa lungsod mapa-publiko at pribado..

Kasabay din nito ang pagdiriwang ng ika-11th Balayong Festival. Isang linggong pagdiriwang ito sa lungsod na kinatatampukan ng iba’t-ibang aktibidad at palabas na matutunghayan sa Mendoza Park, City Coliseum at Puerto Princesa Baywalk na nagsimula noong Pebrero 28 at Matatapos sa Marso 8.

Ang tema para sa dalawang pagdiriwang na ito ay “Pagkakaisa at Pagtutulungan, Tulay sa Apuradong Kaunlaran”.

Ang Balayong Festival ay nagsimula noong 2005 kung saan idineklara ito ng Sangguniang Panglungsod sa pamamagitan ng Ordinace No. 288 na inaprubahan noong Marso 4, 2005 at simula noon ay taon-taon na itong ipinagdiriwang.

Ang ‘balayong’ ay lokal na termino ng mga taga-lungsod sa isang puno na kilala sa tawag na cherry blossom sa wikang Ingles.

Ilan lamang sa tampok na mga aktibidad kaugnay ng pagdiriwang na ito ay ang proyektong Libreng Tawag na handog ng pamahalaang panlalawigan sa mga mamamayan nito na nawalay sa kanilang mga mahal sa buhay. Ito ay sa pakikipagtulungan ng Globe Telecommunication Company. Ang libreng tawag ay maaring international o lokal man. Ito ay mula 8:00 a.m. hanggang 5:00 p.m. ng Marso 3 at 4.

Magkakaroon din ng programang Forever Young Batch 2 kung saan binigyan ng pagkakataon ang 100 senior citizen ng lungsod na manirahan ng dalawang araw at isang gabi sa malalaking hotel at makapamasyal sa mga magagandang pook pasyalan ng lungsod ng libre.

Ang pinakatampok sa lahat ay ang Coronation ng Miss Puerto Princesa 2015 ngayong gabi sa City Coliseum. Magkakaroon din ng Pyro Musical Display na gaganapin sa Baywalk area ganap na 7:00 p.m. ng Marso 4.

Nakatakda naman sa Marso 6 – 8 ang mga aktibidad tulad ng Kite Boarding at Philippine Basketball Association (PBA) All Star Game sa City Coliseum. (OCJ/LBR/PIA4B-Palawan)