Ang Pagasa Island – ito ang pinakamalaking isla na sakop ng Kalayaan Municipality sa Palawan.

PUERTO PRINCESA, Palawan, Set. 29 (PIA) — Patatayuan ng mga typhoon-proof structure ang mga isla sa West Philippine Sea (WPS) na sakop ng lalawigan ng Palawan.

Ito ang binanggit ni Palawan Governor Jose Chavez Alvarez sa Network Briefing Program kahapon kung saan nakapanayam ito ni Aljo Bendijo.

Ayon sa Gobernador, nag-release na si Pangulong Rodrigo R.Duterte ng P10M para bawat isla sa West Philippine Sea (WPS) kung saan gagamitin ito sa pagtatayo ng nasabing mga istruktura. Mayroon din aniyang watering facility ang mga istrukturang itatayo sa walong (8) isla sa Kalayaan Island Group na mapapakinabangan ng lahat ng mangingisdang Pilipino na namamalakaya doon.

Hindi man aniya ito matatapos agad bago mag-eleksiyon pero tinitiyak niya na magagawa ang 70 hanggang 80 porsiyento ng nasabing proyekto bago pa magpalit ng administrasyon.

Sinabi din ng gobernador na isinasagawa na ang pagsasaayos at pagpapalapad ng paliparan sa Kalayaan na may habang 1,200 meters upang makalapag ang mga malalaking eroplano ng Philippine Airforce maging ang mga pampribadong sasakyang panghimpapawid.

Nanawagan din ito sa Pangulong Duterte na sana, bago ito bumaba sa puwesto ay mai-release na ang lahat ng kinauukulang pondo para sa West Philippine Sea partikular ang pondo para sa sheltered port. (OCJ/PIA-Palawan)