BY: VOLTAIRE N. DEQUINA

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Nob 22 (PIA) – Nakipagpulong ang LGU San Jose noong November 18  sa mga Non-Government Organizations, service providers, religious groups at mamamahayag upang bumuo ng isang grupo na siyang mangunguna sa paglikom ng pondo para sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda.

Ilan sa mga dumalo sa naturang pulong ay ang Red Cross, San Jose Water District, REACT, Rotary Club, Seventh Day Adventist, Occidental Mindoro Electric Cooperative, Alyansa ng mga Mamimili at Mangangalakal ng pamilihang bayan ng San Jose, himpilan ng DZYM AM, Heart FM at Radyo Natin FM

“Iisa ang layunin ng pagsasama sama ng mga taga San Jose, ito ay para matulungan ang mga kababayan nating higit na nangangailangan matapos ang pagdaan ng bagyo. Nararapat na magdamayan upang mas maging maayos ang ating pamumuhay sa ating bansa” ayon kay San Jose Municipal Administrator Noel Guerrero.

Matapos ang pulong ay napagpasyahan ng grupo na magkakaroon ng iba’t ibang aktibidad upang makalikom ng pera hanggang sa katapusan ng buwan.

Isa na rito ang Piso para sa Tacloban kung saan mangangalap ng piso bawat tao sa lahat Barangay, T-shirt for sale at Sticker with logo for sale para naman sa mga sasakyan.

Magsasagawa din ng Walkaton sa November 23, Pass The Hat sa mga manunuod ng laban ni Manny Pacquiao sa November 24 sa Municipal Gymnasium, Mini Concert na gagawin sa November 29 at maglalagay ng mga donation cans sa mga tindahan, eskwelahan at iba pang establisyemento.

Ang malilikom na pondo ay ibibigay sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda.

Samantala ay katuwang ang LBC sa proyektong ito sa pamamagitan ng libreng paghahatid ng ipapadalang tulong sa Tacloban. (LBR/VND/PIA 4B/Occ Min)