Category Archives: Occidental Mindoro

Tagalog news: MRAA pinaghahandaan na sa San Jose

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Enero 14 (PIA)—Isinagawa kamakailan sa Sikatuna Beach Hotel sa bayang ito ang pulong ng lahat ng komite na naitalaga para sa Mimaropa Regional Athletics Association (MRAA) Meet, na gaganapin sa buwan ng Marso, 2018.

Pinangunahan nina Provincial Administrator Mariano Montales at Danilo Roxas, Department of Education (DepEd) School Division Superintendent, ang naturang general committee meeting.

Ayon kay Roxas, positibo siya na magiging matagumpay ang MRAA subalit nais niyang magkaroon ng ideya sa ibibigay na ulat ng ilang komite. Ang mga ito ay ang Opening at Closing Committee, welcoming, billeting, parade, playing venue at souvenir committee. Naniniwala si Roxas na napakahalaga ng mga komiteng nabanggit sa ikatatagumpay ng pagdaraos ng MRAA.

Agad namang nagbigay ng suhestyon si Montales na gawing madalas ang pulong ng limang komite. Nagprisenta na rin ito na tututok sa mga naturang komite upang mabantayan ang pagusad ng gawain ng mga ito. Hinikayat din ng provincial administrator ang lahat na magtulungan sa ikatatagumpay ng MRAA na aniya’y isang malaking aktibidad para sa lalawigan. Ito ang kaunaunahang pagkakataon na gaganapin ang MRAA sa lalawigan.

Samantala, pinasalamatan din ni Roxas ang ilang mga eskwelahan gaya ng Divine Word College at Occidental Mindoro State College sa pagpayag ng mga ito na gamitin ang kanilang pasilidad ng libre sa darating na Palarong Pang-rehiyon.

Habang sinusulat naman ang balitang ito ay patuloy na nagbibigay ng ulat ang 31 komite na binuo para sa MRAA. (VND/PIA MIMAROPA Occ Min)

Advertisements

Tagalog news: Bayan ng San Jose, binigyan-kaalaman ukol sa “Immigration”

SAN JOSE. Occidental Mindoro, Enero 3 (PIA) — Dumating kamakailan sa bayan ng San Jose ang mga representante ng Commission on Filipinos Overseas (CFO) upang talakayin ang immigration at iba pang nakaugnay na paksa tulad ng human trafficking at illegal recruitment.

Ayon kay Ariel Cruz ng CFO, bahagi ng kanilang committee education program ang isinasagawang pagbisita sa iba’t ibang lugar sa bansa upang makapagbigay ng tamang impormasyon, mga isyu at mga batas na may kaugnayan sa pangingibang bansa.

“Nakatutok ang aming ahensya sa international migration (paglipat sa ibang bansa) ng mga Pilipino”, paliwanag ni Cruz. Aniya, dapat maging maingat ang bawat isang nais magtrabaho sa ibang bansa, lalo na sa pagpili ng mga kumpanyang nagaalok ng trabaho. Dagdag pa ni Cruz, maaring bisitahin ang website ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na http://www.poea.gov.ph, upang maberepika na kabilang sa talaan ng lisensyadong recruitment agency, ang nagaalok ng trabaho sa ibang bansa.

Isa pa aniya sa mga maaring gawin upang makaiwas sa illegal recruitment ay ang pakikipagugnayan sa Municipal at Provincial Public Employment Service Office (PESO). May pamamaraan ang nabanggit na tanggapan upang malaman kung legal ba o hindi ang isang recruitment agency. Nagbigay rin ng babala si Cruz hinggil sa pakikipagugnayan sa mga tinatawag na fixers.

Samantala, maari namang mag- report ang sinuman sa 1343 action line ng CFO para sa mga kaso ng human trafficking. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)

Tagalog news: Estado ng insurhensya sa Occ Min, iniulat ng PA

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Dis 28 (PIA) — Nagbigay ng ulat ang Philippine Army (PA) sa kalagayan ng insurhensya sa lalawigan sa isinagawang Provincial Peace and Order Council (PPOC) Meeting na idinaos kamakailan sa Sikatuna Beach Hotel, San Jose.

Ayon sa PA, tumaas ang bilang ng mga katutubong sumasali sa New People’s Army (NPA) dahil aniya sa istratehiya ng makakaliwang grupo. Ipinaliwanag ng Hukbong Katihan (PA) na ginagamit ng NPA ang mga miyembro nilang babae upang humikayat ng mga bagong kasapi. Bukod dito ay ginagamit din ng NPA ang pangakong suporta sa pamilya at isyu ng ancestral domain.

Nagbigay ng mungkahi si PPOC Chairman at Governor Mario Gene Mendiola na magkaroon ng joint outreach program ang PA, Philippine National Police (PNP) at pamalahaang panlalawigan. Aniya, malaking tulong ito upang maramdaman ng mga mamamayan na nakatira sa liblib na lugar ang tulong ng pamahalaan. Sinabi rin ni Mendiola na maaring makatulong rin ang tanggapan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) upang makapagsagawa ng medical mission.

“Nakakalungkot na malaman natin that the IPs has the highest number of membership (mataas na bilang na sumapi) sa kanila (NPA)” pahayag ni Reynante Luna, tagapamuno ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP).

Bunsod nito, nagbigay ng panukala si Luna na magkaroon ng convergence program ang NCIP at PA na kahalintulad ng IPs Summit na isinagawa ng NCIP kamakailan. Ayon kay Luna, katuwang ng kanilang ahensya ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na nagbigay kaalaman sa 140 youth participants na pawang mga katutubo. Aniya, epektibong paraan ang youth summit sa anti-insurgency campaign ng pamahalaan. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)

Tagalog news: Radyo Kapalayawan maririnig na sa himpapawid ng bayan ng Paluan

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Dis 11 (PIA)—Maririnig na ang mga inihandang programa ng National Nutrition Council (NNC) sa bayan ng Paluan.

Ito ay matapos opisyal na pasimulan kamakailan ang pagsasahimpapawid ng Radyo Kapalayawan sa nabanggit na bayan.

Ang kapalayawan ay isang salitang katutubong Mangyan na ang kahulugan ay may kaugnayan sa pag-ibig o pagmamahal.

Ayon kay Francis Erik Bacena ng NNC-Mimaropa, ang Radyo Kapalayawan, na may frequency na 100.1 MHz, ay isa sa mga Nutriskwela Community Radio ng NNC. Layunin aniya ng ahensya na sa pamamagitan ng mga itinayong himpilan ay mapapadali ang paghahatid ng mga impormasyong pang nutrisyon at pangkalusugan mula NNC at Department of Health (DOH).

Saad pa ni Bacena, batay sa umiiral na kasunduan sa pagitan ng lokal na pamahalaan (LGU) ng Paluan at ng NNC, maaring maglagay ng mga programang pangkaunlaran ang LGU Paluan. Isang halimbawa nito ang mga programang tumatalakay sa mga usaping pangkabuhayan. Maari din itong magsilbing pangunahing komunikasyon at tagapaghatid ng balita sa panahon ng kalamidad.

“Sumailalim na sa pagsasanay ang committee radio council”, ayon kay Bacena. Ang komiteng ito ang siyang tutulong sa pamamahala sa iba’t ibang usapin patungkol sa Radyo Kapalayawan. Binubuo ang nasabing komite ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya at sektor, departamento ng LGU Paluan.

Sinabi pa ni Bacena na inaasahan ng committee radio council na sa pamamagitan ng bagong tayong himpilan ay mapapalawig ang sectoral development sa naturang bayan. (VND/PIA Mimaropa/Occ Min)

Tagalog news: Mga LGUs sa Mimaropa, ahensya, NGOs suportado ang PPAN 2017-2022

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Dis 7 (PIA)—Nagpahayag ng suporta ang mga lokal na pamahalaan sa Mimaropa, iba’t ibang ahensya, non-government organizations at iba pang stakeholders ng nutrisyon, sa Philippine Plan of Action for Nutrition (PPAN) 2017-2022.

 

Ang aktuwal na paglalahad ng kanilang suporta ay naging bahagi ng programa sa isinagawang regional launching ng PPAN sa Manila Grand Opera Hotel sa Sta Cruz, Maynila kamakailan.

 

Ayon kay Keizher Marasigan ng National Economic and Development Authority (NEDA) – Mimaropa, makakatulong ang PPAN sa lokal na pamahalaan dahil magsisilbi itong gabay, sa kanilang pagpaplano at implementasyon ng mga programa at proyekto patungkol sa nutrisyon sa kanikanilang lugar. Ipinaliwanag din nito na naka angkla ang PPAN sa Mimaropa Regional Development Plan (RDP) 2017-2022 na pinangunahang balangkasin ng NEDA.

 

Dagdag pa ni Marasigan na nakasaad umano sa RDP ang mga posibleng kakaharaping problema sa nutrisyon sa rehiyon at ang mga istratehiyang maaring gamitin ukol dito.

 

“We at NEDA, we are committing our support to PPAN 2017-2022 by ensuring that the health and nutrition sectors are included in our development planning and policy formulation (Kami sa NEDA, ay nagpapahayag ng aming suporta sa PPAN 2017-2022 sa pamamagitan ng pagseseguro na ang sektor ng kalusugan at nutrisyon ay kabilang sa aming development planning at pagbuo ng mga polisiya)” pagtatapos ni Marasigan.

 

Ipinaliwanag naman ni Catalina Silang ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na ang kanilang mga programa para sa mga mamamalakaya sa rehiyon ay isang patunay ng kanilang suporta sa PPAN.

 

Aniya, kabilang sa mga programang ito ang pagbibigay ng technical assistance sa paggawa ng ilang produkto mula sa yamang dagat. Ayon pa kay Silang, na sa programang nabanggit ay tinitiyak ng ahensya na may masustansiyang sangkap ang mga value added products, bilang tulong sa pagsagot sa problema ng  malnutrisyon sa rehiyon. Ang ilan sa mga produktong ito ay ang seaweed crackers, seaweed fishballs, fish longanisa, fish tinapa at fish crackers na masusustansiya at pwedeng pamalit sa mga junk foods.

“My presence is enough commitment (Ang pagdalo ko dito ay patunay sa aking pagsuporta)” pahayag naman ni Mayor Leila Arboleda ng Looc, Romblon. Ayon sa punong bayan, sinikap niyang makadalo sa paglulunsad ng PPAN upang matiyak na ang  ang kanilang municipal plan ay naaayon sa PPAN.

 

Saad pa ni Arboleda, na nutrisyon ang kanyang flagship program para sa taong ito at malaki ang kanyang pasasalamat sa National Nutrition Council (NNC) at Zuellig Family Foundation sa tulong na ibinibigay ng mga ito sa kanilang munispyo. Sineguro ni Arboleda na ang mga programang nakapaloob sa PPAN ay makakarating hanggang sa barangay ng kanilang munisipyo.

 

Ang ilan pa sa nagbigay ng pahayag ng suporta sa PPAN 2017-2022 ay ang Commission on Population (POPCOM), Zuellig Family Foundation, Mayor Bing Fajardo ng Magsaysay, Occidental Mindoro, Mayor Elsie Visca ng Sta Fe, Romblon, Barangay Nutrition Scholars (BNS) Mimaropa, District/City Nutrition Program Coordinators Association of the Philippines (D/CNPCs) at ang PROMO (Palawan, Romblon, Occidental Mindoro, Marinduque, Oriental Mindoro) Nutrition Communicators, na tumatayong media arm ng NNC-Mimaropa. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)

Tagalog News: 3rd Provincial Short Film Festival sa Occ Min, tinalakay ang HIV, AIDS

MAMBURAO, Occidental Mindoro Nob 28 (PIA) — Ang Human Immuno-Deficiency Virus (HIV) at ang Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS) ang mga pangunahing paksa ng 3rd Provincial Short Film Festival na idinaos sa Capitol Training Center, Mamburao kamakailan.

 

Ang aktibidad na ito ay nakaugnay sa Adolescent Health and Youth Development (AHYD) Film Festival, na proyekto ng Population Commission (POPCOM). Layunin ng programa na talakayin ang iba’t ibang isyu na may kinalaman sa mga kabataan, kabilang na ang HIV at AIDS.

 

Pinangunahan ng tanggapan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), ang pagpapatupad ng nasabing proyekto sa lalawigan. Ayon kay Rosalina Lamoca, tagapamuno ng PSWDO, inimbitahan nila ang mga magaaral at guro ng grade 9- 10 ng iba’t ibang pampublikong paaralan sa lalawigan upang sumali sa film festival.

 

Ang mga lumahok ay sumasailalim sa oryentasyon at seminar hinggil sa HIV/AIDS at nagsanay ng basic script writing, film editing at directing.

 

“Bukod sa exposure sa short film making, maganda ang mga mensahe na dala ng bawat film festival”, ayon kay Zhaidee Mambollo, isang guro sa Central National High School (CNHS) ng bayan ng San Jose.

 

Saad ng guro, kabilang sa mga mahahalagang aral na tinalakay sa kanilang dinaluhang seminar ay ang mode of transmission ng virus (HIV). “Maaring mahawa ang isang tao sa pamamagitan ng blood transfusion ng isang kontaminadong dugo, paggamit ng injection needle, at hindi ligtas na pamamaraan ng pakikipagtalik”, paliwanag ni Mambollo. Dapat at napapanahon aniya na magkaroon ng kampanya sa pagpapalaganap ng tamang impormasyon ukol sa HIV at AIDS

 

Nilinaw naman ni Aibee Jean Payas, isang magaaral sa CNHS, na hindi dapat sumubok ang mga kabataan sa pre-marital sex at drugs. Nais rin ni Payas na sa pamamagitan ng kanilang proyekto ay maipaabot sa mga kabataan at magulang ang mga aral na nakapaloob sa kanilang short film.

Samantala sa pagtatapos ng short film festival ay pinarangalan ang mga proyektong gawa ng Sablayan, Calintaan at Mamburao. Automatikong mapapabilang ang tatlong ito sa Regional Level ng AHYD Film Festival na idaraos sa ika-21 ng Nobyembre. (VND/PIAMIMAROPA/Occ Min)

Tagalog news: Arawatan Festival, tampok sa pagdiriwang ng Anibersaryo ng Occidental Mindoro

MAMBURAO, Occidental Mindoro, Nob 28 (PIA) —  Muling ginanap ang Arawatan Festival sa lalawigan bilang pagdiriwang ng 67th Founding Anniversary ng Occidental Mindoro.

Ayon kay Ma. Isabel Castillo, tagapamuno ng Provincial Tourism Office (PTO), kabilang sa mga aktibidad na isinagawa ay ang Arawatan Photography Contest, Children’s Congress, Battle of the Band, 3rd Short Film Festival, Bb Turismo at Ginoong Agrikultura, Katutubong Palaro,Senior Citizens Sportsfest at marami pang iba.

“May sports competition din tulad ng bicycle challenge, motocross at boxing,” ayon pa kay Castillo.

Ang Children’s Congress, Senior Citizen Sportsfest at Short Film Festival ay pangungunahan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).

Ayon kay Rosalina Lamoca, tagapamuno ng PSWDO, kabilang sa prayoridad ng pamahalaang panlalawigan ang kapakanan ng mga bata.  Patunay nito ang mga programa at proyekto na nakalaan sa mga ito tulad ng Children’s Congress.

Pangunahing aktibidad sa Children’s Congress ay ang State of the Children’s Address na nagmula kay Governor Mario Gene Mendiola. “Napapanahong aktibidad dahil Children’s Month ang buwan ng Nobyembre”, saad pa ng opisyal ng PSWDO.

Samantala, isa pa sa mga inabangang aktibidad ang BB Turismo at Ginoong Agrikultura. Tinanghal na Bb Turismo si Laicka B. Iplamado ng Abra de Ilog, samantalang nakuha ni Ruslan Kulikov ng Sablayan, ang titulo bilang Ginoong Agrikultura. Ayon kay Castillo, si Implamado at Kulikov ay inaasahang kakatawan sa lalawigan sa Mimaropa Festival, na gaganapin naman sa lalawigan ng Romblon.

Nanaig naman ang Donut ni Franca sa ginanap na Battle of the Band. Sampung banda mula sa iba’t ibang munisipyo ang nagtagisan ng galing sa musika na pinanalunan ng banda mula sa bayan ng Mamburao.

Naglaan din ng araw para sa mga Indigenous Peoples (IPs). Katunayan ipinagdiwang ng mga IPs ang  Katutubong Palaro. Ito ay ay isang buong araw na kasiyahan at paligsahan para sa IPs.

Kabilang sa mga ginanap na palaro ay ang hilahan sa lubid, hulihan ng baboy at bangkaanan, kung saan nasukat ang pagtutulungan at pagkakaisa ng mga katutubo. Ayon naman kay Mario Mulingbayan, tagapamuno ng Provincial Mangyan Affairs, kasama sa palaro ng mga katutubo ang championship game ng kaunaunahang MGM Mangyan Basketball League na pinasimulan pa noong Oktubre. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)