Sa patuloy na pag unlad ng makabagong teknolohiya, ang malawakang paggamit ng internet ay patuloy ding niyayakap ng halos lahat ng indibidwal sa buong mundo, lalung-lalo na ang mga kabataan. Maraming mga plataporma ang lumalabas at ang mga ito ay kinagigiliwan ng nga kabataan lalo na ngayon panahon ng pandemya.
 
Naging laganap ang pagtangkilik ng mga kabataan sa social media sa ibat ibang kadahilanan.
 
Noong nakaraang youth peace day sa Lamitan City na kung saan ang mga kabataan ay nagbahagi ng kanilang mga pananaw sa paggamit ng internet, sinasabi nila na dahil dito napapadali ang kanilang mga pananaliksik, napagkukuhanan nila ng mga “updates”, sila ay nalilibang, nakakahanap ng nga kaibigan at nakikipag-ugnayan sa mga kaibigan, kakilala at kapamilya sa ibang lugar.

Karamihan sa mga kabataan, gumagamit sila ng mga social media na ang pagkakaalam nila ay puro lang mga positibong bagay ang naidudulot nito sa kanilang pagkatao. Hindi nila alintana na ang paggamit ng social media ay may mga bantang panganib din na dala lalo na kung sila ay hindi nag iingat.
 
Sa patuloy na pagyakap sa pagbabago na dala ng internet napakahalagang malaman ng mga kabataan kung paano maging isang responsable at ligtas sa pagtangkilik ng tinatawag na “cyber space”.
 
Upang matulungan ang mga kabataan na mapag-ingatan ang kanilang sarili habang gumagamit ng internet, ang pamahalaan sa pamamagitan ng Philippine Information Agency at sa tulong ng ASEAN ay naglunsad ng programang #CyberREADI na nakatuon sa cyber wellness ng mga kabataan. Sa pamamagitan nito, mapapalawak ang kaalaman ng mga kabataan at mapagtanto din nila kung paano maiwasan ang mga di kanais nais na pangyayari habang gumagamit ng internet.
 
Ang #CyberREADI program na ito ay ipinakilala ng Philippine Information Agency sa mga kabataan sa syudad ng Lamitan sa dalawang magkaibang learning session sa cyber wellness. Ipinaliwanag ni Assistant Regional Director Rene Carbayas ng PIA kung paano maging #cyberREADI ang mga kabataan.
 
Gamit ang acronym na READI, isa isa nyang ipinaliwanag ang mga katangian ng isang ASEAN Youth na #CyberREADI na. Ang salitang READI ay kumakatawan sa pagiging Responsible, Emphatic, Authentic, Discerning at Integrity.
 
Hindi naman bago sa kabataan ang pagiging Responsible. Ito ay pagpili kung ano lang yung nararapat na i-post sa social media. Ang pagiging Emphatic naman ay ang pagpapahalaga at pagsa-alang-alang sa damdamin ng kapwa tao habang nasa social media, respeto kumbaga ang dapat na umiiral. Ang pagiging Authentic naman ay ang pagpapatotoo sa sarili at kilalanin din ng husto kung sino ang mga kausap sa social media. Ito ay kaakibat rin sa pagiging Discerning, kung saan ikaw ay nag-iisip muna bago mag-click at mag-share ng kung anu-ano sa social media. Sa kabuuan, nagpapamalas dapat tayo ng Integrity, kung saan legal at may dignidad tayo habang nagpapahayag ng damdamin o nagbabahagi ng mga impormasyon sa cyber space.
 
Hinikayat ni ARD Carbayas ang mga kabataan na maging #cyberREADI upang sa ganun ay hindi sila basta-basta nadadala sa kung anu-anong napapanood, nababasa at nalalaman sa internet. Aniya bawat kabataan ay kinakailangang maging #cyber READI habang patuloy na lumalaganap ang paggamit ng mga social media.
 
Mahalagang malaman ng mga kabataan ngayon kung sila ba ay #cyber READI na. Ito ay isang hamon na kailangan nilang isaalang alang para maging matalino at ligtas sa patuloy na pkikibaka sa ating “cyber space”. (RVC/NDR/PIA9-Basilan-Nov30)