Sampung kababaihan sa Bgy. Tanatanaon, Dumaran, Palawan ang nabenepisyuhan ng Bread Making Training mula sa Palawan Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC)- Poverty Reduction Livelihood and Employment Cluster sa pangunguna ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA)-Palawan.

Hatid ito ng nasabing cluster sa isinasagawang serbisyo caravan noong araw ng Biyernes, Oktubre 23, 2020. 

Katuwang ng TESDA ang Department of Trade and Industry (DTI)-Palawan Office at iba pang ahensiya ng gobyerno na miyembro ng PRLE Cluster.

Ang sampung kababaihan na sinanay sa paggawa ng tinapay ay tumanggap ng livelihood starter kit mula sa DTI-Palawan.

Si Ms. Mitzi Gaile G. Lopez mula sa Puerto Princesa School of Arts and Trades (PPSAT) ang nagsilbing tagapag-sanay.

Ayon kay Bb. Lopez, sampu lamang ang naunang sinanay dahil kailangan sundin ang health protocol na ipinatutupad ngayong pandemya. Aniya, sisikapin ng TESDA-Palawan na mabigyan din ng mga pagsasanay ang iba pang kababaihan sa nasabing barangay sa mga susunod na panahon upang matulungan sila sa kanilang paghahanapbuhay. (OCJ/PIA Palawan)