Isa ang Kayangan Lake sa mga sikat na tourist spot sa Coron, Palawan na maaaring pasyalan sa unti-unti pagbubukas ng turismo sa nasabing bayan simula sa Oktubre 26.  (PIA-Palawan file photo)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Okt. 19 (PIA) — Unti-unti nang bubuksan sa publiko ang ang mga sikat na tourist spot o tourist destinations sa Coron, Palawan. Ayon ito sa rekomendasyon ng Coron Local Inter-Agency Task Force on COIVD-19.

Sa pabatid na inilathala ng Coron Municipal Tourism Office sa pamamagitan ng kanilang ‘Turismo ng Coron at Coron Public Information Office’s Facebook’ page, ang unti-unting pagbubukas ng turismo sa nasabing bayan ay magsisimula na sa Oktubre 26.

Sa pagbubukas nito, tanging ang mga residente ng Coron lamang ang unang papayagang pumasyal sa mga tourist destination na sakop ng Bayan ng Coron.

Simula naman sa Nobyembre 16 ay bubuksan na ito sa mga residente ng Calamianes area o mga karatig bayan ng Coron at sa Disyembre 1 ay bubuksan na ito para sa lahat ng turista maging sa mga banyaga nationwide.

Ang lahat naman ng tourist destination sa Coron ay inoobliga na makapagsumite muna ng kanilang ‘tourist destination operational management plan against COVID-19’ sa Pamahalaang Lokal bago papayagang muling tumanggap ng mga panauhin ang mga ito.

Para matiyak ang kaligtasan ng bawat isa at ng mga bisita kaugnay sa unti-unting pagbubukas ng turismo sa Coron ay pinapayuhan ang lahat na hintayin muna ang opisyal na panununtunan ukol dito na inaasahan namang mailalabas ng LGU-Coron ngayong linggo. (OCJ/PIA-Mimaropa)