Pinasinayaan kahapon ang dalawang Regional Evacuation Center sa Bayan ng Sofronio Española sa Palawan.

Ang pasinaya ay pinangunahan ng kinatawan mula sa Office of Civil Defense Mimaropa, Provincial Disaster Risk Reduction Management Officer Jerry Alili at mga opisyales ng Bayan ng Sofronio Española.

Ayon kay PDRRMO Jerry Alili, ang isang Regional Evacuation Center ay pansamantala munang gagamitin bilang COVID-19 isolation and quarantine facility habang patuloy ang paglaban sa nasabing sakit.

Samantalang ang isa pang yunit ay ilalaan naman bilang evacuation center para sa mga pamilya na maaaring maapektuhan ng pagbaha, pagguho ng lupa at iba pang insidente.

Ang mga pasilidad na nabanggit ay pinondohan ng Office of Civil Defense at ipinatupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH). (OCJ/PIA Palawan)