PUERTO PRINCESA, Palawan, Oktubre 11 (PIA) –- Kinumpirma ni Gobernador Jose Chaves Alvarez ng Palawan na unti-unti nang binubuksan ang turismo sa ilang mga dinarayong lugar sa lalawigan.

Sa panayam ng programang ‘Rise and Shine’ ng People’s Television kay Alvarez, sa pagsisimula pa lamang ng buwan ng Oktubre ay bahagya nang binuksan ang El Nido sa mga lokal na turista.

Gayunpaman may mga kinakailangan lamang sunding protocol ang mga turista bago payagang makapamasyal sa lugar partikular na ang pagpapakita ng resulta ng swab test.

“Unti-unti nang pumapasok sa El Nido ang mga turista pero tumatanggap sila halos lahat ay locals at nirerequire sila ng swab test result, dapat may face shield din at mask,” pahayag ng gobernador.

Aniya, maging ang lokal na pamahalaan ay may nakahanda ring mga kagamitan upang masunod ng husto ang mga pinaiiral na safety protocol dito.

Dagdag pa ng gobernador, bago magtapos ang taon, tinitiyak niyang magiging kontrolado na ng lahat ng lokal na pamahalaan ang banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) dito.

Sinabi pa ni Alvarez na sa bayan ng San Vicente, mayroon nang ibinigay na pahintulot ang Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) para sa pagbubukas ng mga establiyementong may kinalaman sa turismo.

Sakali naman aniyang lubusan nang mawala ang kaso ng COVID-19 sa Coron, ay susunod na ring bubuksan ito sa mga lokal na turista.

“Inu-una na namin ang mga tourist sa north, south and central Palawan upang makarating sila ng ligtas,”aniya pa.

Pagtitiyak pa ng opisyal na bukod sa ayuda ng pamahalaang nasyunal, may mga hakbangin din ang pamahalaang panlalawigan upang matulungan ang mga may-ari ng mga establisyementong panturismo na naapektuhan ng pandemya.

“Kasama sila sa recovery plan natin [negosyong panturismo]…hindi lang tulong pinansyal kundi matulungan din pati sa mga empleyado at bayarin sa kanilang mga service provider,” ani pa ni Alvarez. (LBD/PIAMIMAROPA)