Pagpupulong ng Provincial Inter-Agency Task Force sa Provincial Capitol sa Boac na pinangunahan ni Marinduque Gov. Presbitero Velasco Jr.

BOAC, Marinduque, Oktubre 8 (PIA) – – Nagpalabas ng mas pinaigting na Executive Order ang pamahalaang panlalawigan ng Marinduque para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 sa lalawigan.

Ayon sa EO no. 34-2020, napagdesisyunan ng Provincial Inter Agency Task Force na higpitan pa ang mga panuntunan sa pagpasok ng mga locally stranded individuals (LSI), returning overseas Filipinos (ROF), authorized persons outside residence (APOR), at service vehicle drivers.

Gayundin, inatasan ni Gov. Presbitero Velasco, Jr. ang mga local chief executive na magpalabas ng kautusan sa pagbebenta at pag-inom ng alak sa mga pampublikong lugar. Ang preventive measures at quarantine protocols na ito ay ginawa matapos maitala ang mabilis na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lalawigan sa mga nakalipas na araw.

Sa huling Covid-19 Provincial Case Bulletin na may petsang Oktubre 7, mayroong 41 active cases sa lalawigan. (RAMJR)