Pinagbuklod ng iisang layunin na mas maging kapaki-pakinabang at makatulong sa pagsulong ng lalawigan, binuo kamakailan ng ilang lider-kabataan ng probinsiya ang League of Occidental Mindoro Independent Organization (LOMIO), sa Sikatuna Beach Hotel, sa bayan ng San Jose.

Ayon kay Ian Villaflores, presidente ng Good Samaritan Youth Association of San Jose at Youth for Peace at isa sa mga nanguna sa pagbuo ng nasabing organisasyon, pawang mga pangulo ng iba’t ibang youth organizations ang bumuo ng LOMIO na nagkaisang magsama-sama para tumulong sa bayan at sa kapwa.

“Ang totoo nyan, may kanya-kanya nang proyekto ang bawat isang samahan na kabilang sa LOMIO. Magkakaibigan din ang iba sa grupo at naisip namin na kapag tinipon at pinag-isa ang aming resources, ay mas malalaking programa ang magagawa namin para sa kapakanan ng mga kababayan natin dito sa Occidental Mindoro,” ani Villaflores. 

Labing-anim na samahan ng mga kabataan ang bumubuo sa LOMIO. Ang mga ito ay ang 4-H Club, Occ Min Tamaraw Anglers, Outdoor Tribe, San Jose Youth Network, Youth Mask Force, Donate 2 Create Sablayanihan, Young Volunteers for Youth Welfare and Development Coalition, Content Creator – Occ Min Vlogger, Kabataan Kontra Droga at Terorista, Squid Riders Club, Kamote Riders Community, Tamaraw Riders Club, National Anti- Poverty Commission, Onli Oksi Page, Good Samaritan at Youth for Peace. Isa sa mga pangunahing consultant at tagapayo ng grupo ang 4th Infantry Battalion, sa pamumuno ni Commander Lt Col Alexander Arbolado. 

Paliwanag ni Villaflores, malaking bentahe para sa LOMIO na maging adviser ang Philippine Army (PA). Bukod aniya sa matutulungan ang kanilang grupo sa koordinasyon sa mga ahensya at indibidwal lalo na sa mga lokal na pamahalaan, magagabayan din sila ng militar upang hindi mapasok ng mga recruiter ng Communist Terrorist Group (CTG). Sinabi pa ni Villaflores na bukod sa direktang gabay ng PA sa LOMIO, lagi ring napapaalalahanan ang kanilang hanay ng mga mensahe sa social media ng 2nd Infantry Division ng PA at Southern Luzon Command (Solcom), kaugnay sa pagkondena ng kasundaluhan sa ginagawang recruitment ng CTG sa mga kabataan at mga batang katutubo na ginagawang child warriors. 

Kaya naman, ani Villaflores, maingat ang kabuuo pa lamang nilang samahan sa pagtanggap ng mga youth group na nagpapaabot ng interes na mapabilang sa LOMIO. Dagdag pa ng Pangulo ng Youth for Peace, sumasailalim muna ang mga ito sa masusing pagsisiyasat kung saan pangunahing kwalipikasyon na dapat taglay ng isang grupo ay ang sinserong layunin na makatulong. 

“Sa unang pulong, na-identify na namin ang mga pangunahing areas na aming tututukan – health, education at environment,” kwento ni Villaflores. Aniya, plano nilang magkaroon ng mga komite para sa gagawing mga proyekto at ang gagamitin munang pondo ay ang pinagsama-samang resources ng 16 na youth organizations. 

Sa ngayon, prayoridad muna ng LOMIO ang pagsasaayos ng kanilang organisayon at paghandaan ang kasunod nilang pulong upang maghalal ng kanilang mga magiging opisyal. Hinihikayat din ng grupo ang iba pang youth organizations sa lalawigan na may kapareho nilang adhikain na ikunsiderang umanib na rin sa LOMIO. (VND/MIMAROPA)