Handang-handa na ang lalawigan sa pagsisimula ng klase ngayong araw, Lunes, ika-5 ng Oktubre, ayon sa Department of Education Occidental Mindoro (DepEd Occ Min).

Paliwanag ni Dr Roger Capa, Schools Division Superintendent (SDS), malaking ambag sa nasabing kahandaan ang tulong ng mga lokal na pamahalaan, iba’t ibang mga ahensya, at non-government organizations (NGO) .

Sa ulat ng DepEd Occ Min sa Handa na ang Mimaropa Virtual Presser ng DepEd Mimaropa kamakailan ay sinabi ni Capa na kabilang sa kanilang preparasyon ang mga pagsasanay ng mga guro, pagtatalaga ng partnership support sa pagitan ng DepEd OccMin, NGO at LGU at ang paglilimbag ng mga modules.

Dagdag pa ng opisyal, tutugunan din ng kanilang tanggapan ang pangangailangan sa mga teacher assistant na aniya’y kailangan sa mga katutubong pamayanan. Naniniwala si Capa na lahat ng hamon na kakaharapin sa pagbibigay-edukasyon sa mga mag-aaral sa probinsya ay kayang tugunan basta’t lahat ay magkakaisa. (VND)