Pinangunahan ng Office of the Prov. Agriculturist ang pamamahagi ng tilapia fingerlings at pakain sa mga benepisyaryo sa bayan ng Sablayan. (Photo: PGO Occ Mindoro)

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Setyembre 29 (PIA) — Kasalukuyang nakasentro sa dagdag-kita mula sa pagpaparami ng tilapia at pagtatanim ng gulay ang programang Balik-Sigla sa Pagsasaka at Pangisdaan ng Pamahalaang Panlalawigan (LGU), ayon sa Office of the Provincial Agriculturist (OPA).

Paliwanag ni Sofronio Baranda, opisyal ng OPA, sa unang yugto ng Balik-Sigla, 1,000 benepisyaryo mula sa iba’t ibang munisipalidad ng lalawigan ang kamakailan ay nabiyayaan bawat isa ng 1,100 fingerlings na may kasamang pakain (feeds) para sa apat na buwan. “Ngayon namang huling linggo ng Setyembre ay mamamahagi kami ng pitong iba’t ibang uri ng butong gulay, garden tools, fertilizers at iba pang magagamit sa pagtatanim ng mga gulay, sa may 1,000 ding benepisyaryo sa ating probinsya,” ani Baranda. Layon aniya ng programa na mabigyan ng karagdagang pagkakakitaan ang mga piling magsasaka at mangingisda na lubhang naapektuhan ng pandemya.

Sinabi pa ng opisyal na masusing pinag-aralan ng LGU ang programa. “Halimbawa ay sa pagpili ng mga benepisyaryo,” ani Baranda, nakipag-ugnayan ang LGU sa mga ahensya at tanggapan tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Municipal Agriculture Office (MAO) at Provincial Nutrition Council (PNC), upang matiyak na kabilang sa mga higit na nangangailangan ang mabibiyayaan ng programa. Ang mga piniling livelihood assistance package din aniya ay tugon sa nais ng LGU na agad mapakinabangan ng mga benepisyaryo ang programa.

”Tulad ng ipinamahaging tilapia fingerlings, nakasaad sa plano na sa loob lang ng apat na buwan, maari nang kumita ng P22,000 bawat benepisyaryo,” dagdag ni Baranda. 

Mas malaki pa ang maaring kitain ng mga magtatanim ng gulay, ayon pa rin sa pinuno ng OPA.  “Sa pag-aaral ng pamahalaang panlalawigan, posibleng kumita ang vegetable growers ng P74,000 bawat isa sakaling makakapagtanim sila sa lupang may sukat na 200 square meters,” saad ni Baranda. Paalala naman ng opisyal sa mga kabilang sa ikalawang yugto ng programa, na sa kabila ng magandang plano, kung minsan ay maari silang humarap sa ilang problema gaya ng posibleng pagkakasakit ng mga tanim o pagkapeste ng mga ito.    

Samantala, nilinaw ni Baranda na bagama’t may mga nakalinya nang benepisyaryo ang programa, may mga susunod pang mabibiyaan ng tulong-pangkabuhayan sa ilalim ng Balik-Sigla dahil magtutuloy-tuloy ito hanggang sa susunod na taon  “Magpalista lang sila sa kanilang MAO at sila naman ay ibeberepika ng OPA upang matiyak natin na pasok sila sa kwalipikasyon ng hinahanap nating benepisyaryo,” ayon pa kay Baranda. 

Bukod sa programa sa pag-aalaga ng tilapia at pagtatanim ng gulay sa bakuran, plano rin ng Balik-Sigla sa Pagsasaka at Pangisdaan na ipatupad ang multiple cropping model farm, sea weeds culture, fish capture at pagbili sa mga sobrang ani ng mga magsasaka at mangingisda na hindi maibenta dahil sa pandemya. (VND/PIA MIMAROPA)