LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Setyembre 29 (PIA) — Hinihikayat ng Department of Labor and Employment (DOLE)-Mimaropa ang pagpaparehistro ng mga domestic worker sa kasambahay desk ng bawat barangay, upang mabigyan ng pagkakataon ang mga ito na ma-access ang mga programa at serbisyo ng pamahalaan.

Bilang isa sa mga pangunahing prayoridad ng ahensya, sinisikap ng DOLE Mimaropa na i-organisa ang mga manggagawang kasambahay sa isang asosasyon sa buong rehiyon. Naglalayon itong subaybayan ang kondisyon sa pagtatrabaho ng mga kasambahay at itaas ang kanilang kamalayan sa kanilang mga karapatan, pribilehiyo at benepisyo ayon sa idinidikta ng batas, RA 10361 o kilala bilang Domestic Workers Act o Batas Kasambahay. Sa ilalim ng Batas Kasambahay ipinagkaloob din ang karapatan ng mga kasambahay na kumatawan at makilahok sa paggawa ng patakaran ng gobyerno.

Upang talakayin at bigyang-diin ang mga probisyon ng Batas Kasambahay, dumalo ang DOLE Mimaropa, sa pamamagitan ng Oriental Mindoro Field Office, sa sesyon ng Association of Barangay (ABC) ng Lungsod ng Calapan na ginanap kamakailan.

Sa nasabing sesyon, binigyan-diin ni Provincial Director Tamacay na katuwang ng mga domestic workers ang DOLE sa ilalim ng mga programang tulong pangkabuhayan nito gaya ng DOLE Integrated Livelihood Project (DILP). Nagpahayag rin ng pasasalamat sa mga kapitan ng barangay si PD Tumacay sa kanilang suporta sa mga programa at aktibidad ng ahensya  lalong higit sa pagpapatupad ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) at DILP. (LC/PIAMimaropa/Calapan)