Sinisikap ng Phil Statistics Authority-OccMin na matapos ang isinasagawa nilang census hanggang unang Linggo ng Oktubre, ayon kay Donna Marie Mobe, tagapamahala ng nabanggit na tanggapan.

Aniya, ilan sa mga dahilan ng pagkabalam ay ang dumaang masamang panahon, mga pamayanang nasa kabundukan na kailangan pang akyatin ng mga enumerator at ang patuloy na pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases sa lalawigan.

Paliwanag ni Mobe, hindi na pinapapasok ang mga enumerator sa mga sityo na may positibong kaso. Nananawagan din ang opisyal sa mga tahanang hindi pa napupuntahan ng mga enumerator na tulungan ang mga ito at ibigay ang mga tamang impormasyon na aniya’y mananatiling confidential. (VND/PIA Occ. Mindoro)