Tagalog news: 2 sityo sa Barangay Pawican, San Jose, idedeklarang municipal cultural property

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Agosto 16 (PIA)—Nakatakdang ideklara bilang municipal cultural property at tourism site ang sityo Bubog 1 at Bubog 2 ng Barangay Pawican, bayan ng San Jose.

Ito ay matapos mahukay ng mga archeologists mula sa University of the Philippines (UP) ang mga shell tools na hinihinalang gamit ng mga hunter gatherers noong 10,000-12,000 BC.

“Ginamitan po ang mga nahukay (shell tools) ng carbon dating”, paliwanag ni Michelle Rivera, Municipal Tourism Officer ng bayan ng San Jose. Ang Carbon dating ay isang pamamaraan upang malaman ang edad ng isang organikong bagay gamit ang radiocarbon. Ang nasabing shell tools ay kahalintulad ng mga natagpuan sa lalawigan ng Palawan at ilang mga bansa sa South East Asia.

Nahukay din sa naturang lugar ang isang kalansay na may 5000 taon na ang edad at ngipin ng Tamaraw. Ang pagkaka diskubre sa kalansay at ngipin ng Tamaraw ay nagbigay ng ilang kuro-kuro sa mga opisyales at mananaliksik sa kasaysayayan ng San Jose.

Base sa paliwanag ng archeological team ng UP sa pangunguna ni Professor Alfred Pawlik, malaki ang posibilidad na ang unang tao sa San Jose ay mga hunter gatherers at hindi ang mga mangangalakal na Intsik. Posible rin umano na dating konektado  ang bayan ng Magsaysay at isla ng Ilin, kung saan matatagpuan ang barangay Pawican. Patunay sa konseptong ito ang natagpuang mga ngipin ng Tamaraw.

“Binubuo na lang ang technical details at ipapasa na natin ang ordinansa para dito”, saad naman ni Sanggunian Bayan Member Joel Aguilar. Ang nasabing ordinansa ay magdedeklara sa dalawang sityo ng nasabing barangay bilang municipal cultural property at tourism site. Kung maisasagawa ito, magkakaroon ng proteksyon ang nasabing lugar at mapapangalagaan. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)

Tagalog news: Batang Mindoreño, International Math Wizard Challenge awardee

NAUJAN, Oriental Mindoro, Agosto 16 (PIA) – Nakabilang ang isang walong taong gulang na Mindoreño sa 19 kataong delegado ng Pilipinas na nanalo ng ikalawang puwesto sa Xiamen, China na lumaban sa International Mathematics Wizard Challenge kamakailan lamang.

Si Vinz PJ Zara Rayos, anak ni Engr. Vedasto P. Rayos at Annie Zara Rayos, tubong Brgy. Tagumpay, Naujan ay silver medalist kung saan isa siya sa may 200 delegado na ipinadala ng bansang Pilipinas sa Xiamen, China.

Dagdag dito, silver awardee rin si Rayos sa nilahukan niyang Singapore and Asian Schools Math Olympiad at nakasama rin na lumahok sa “Singapore International Math Olympiad Challenge”.

Nagtamo rin si Rayos ng distinction at credit awards sa English, Math at Science, ayon sa pagkakasunud-sunod mula sa paglahok niya sa International Competitions and Assessments for Schools, isang pagsusulit mula sa University of South Wales Global Australia na ginanap sa mga piling Mathematic Trainer’s Guild Centers sa bansa.

Ayon kay Rayos,  bata pa lamang siya, hilig na talaga niya ang Math. Isang malaking oportunidad sa kanya ang mga nabanggit na pambansa at maging ang mga patimpalak sa labas ng bansa sa mga kabataan. (CPRSD/LTC/PIA-Mimaropa/Calapan)

Tagalog news: 10 katao sa bayan ng Cajidiocan, nahuli dahil sa paggamit ng compressor

CAJIDIOCAN, Romblon, Agosto 16 (PIA) — Naaresto kamakailan ng mga tauhan ng Cajidiocan Municipal Police Station (MPS), ang sampu kataong naaktuhan na gumagamit ng ipinagbabawal na air compressor sa kanilang pangingisda sa karagatang sakop ng bayan ng Cajidiocan.

Ayon kay Police Senior Inspector Edwin Bautista, chief of police ng Cajidiocan MPS, ang mga naarestong mangingisda ay nahuli sa akto ng kanyang mga tauhan habang nagsagawa ang mga ito ng seaborne patrol sa municipal water ng Cajidiocan, Romblon.

Ang sampung nahuli ay pawang mga residente ng Cajidiocan. Nilabag ng mga ito ang Section 67 ng Municipal Ordinance No. 07-03 (Prohibiting the use of air compressor as breathing apparatus).

Kinumpiska ng pulisya ang mga kagamitan sa iligal na pangingisda, bangkang ginamit ng mga ito pati na rin ang mga nahuling isda upang magamit na ebidensiya ng awtoridad sa pagsampa ng kaso sa korte at kasalukuyang nasa kostudiya ng Cajidiocan MPS ang sampung naaresto habang inihahanda ang kasong isasampa sa kanila.(DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Tagalog news: Mga kawani ng Odiongan MPS, sumailalim sa sorpresang drug test

ODIONGAN, Romblon, Agosto 16 (PIA) — Pinangunahan ni PSInsp. Manuel F. Fernandez, Jr., hepe ng Odiongan Municipal Police Station (MPS) ang pagsagawa ng random drug test sa kanyang mga tauhan kung saan hindi niya ito inabisuhan ng maaga.

Inimbitahan ni PSIsnp. Fernandez ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) upang isagawa ang naturang eksamin sa mga nasorpresang kawani ng Odiongan MPS.

Sa ganitong paraan aniya ay malalaman kung may gumagamit ng iligal na droga sa kapulisan ng nasabing istasyon.

Ayon pa kay PSI Fernandez, bahagi ito ng internal cleansing na ginagawa ng Philippine National Police (PNP) para matanggal sa serbisyo ang mga pulis na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.

Ang Odiongan Municipal Police Station ay mayroong 43 tauhan ng kasama ang mga non-uniformed personnel (NUP).(PJF/DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Tagalog news: 3 resolusyon pasado sa pulong ng Occ Min Prov’l Advisory Council

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Agosto 11 (PIA)—Tatlong resolusyon ang naipasa ng Provincial Advisory Council (PAC) sa kanilang isinagawang pulong sa Camp Winston Sibley Ebersole kahapon.

Ang Resolution NR 2017-4 at 2017-5 ay humihiling kay Congresswoman Josephine Sato at Governor Mario Gene Mendiola, na mapabilang ang Occidental Mindoro Philipine National Police (PNP) Learning Center sa mga priority programs ng dalawang pinuno at mabigyan ng financial assistance.

Ang Resolution Nr 2017-6 naman ay naglalayong mai-endorso na gamitin sa buong lalawigan ang Electronic and Computerized Alarm System (ECAS).

Batay sa ulat ni PSupt Emerson Mañibo, tagapamuno ng Provincial Police Strategy Management Unit, ang PNP Learning Center ay kinilala na kabilang sa mga Best Practices ng Police Provincial Office (PPO). Itinayo ito noong June 22, 2006 at nakapagpatapos na ng may 449 na mga magaaral sa nursery at kindergarten mula 2006-2016. Ayon pa kay Mañibo, sa naturang learning center naka- enroll ang mga anak ng mga pulis na nakadestino sa San Jose.

Ang ECAS naman ay nilikha ng PPO upang higit na mapabilis ang kanilang pagresponde sakaling magkaroon ng krimen sa isang lugar. Base sa paliwanag ni Mañibo, inumpisahan nila ang programa katuwang ang ilang negosyante ng San Jose noong 2015. Ang mga negosyanteng kabilang sa ECAS ay may nakatalagang mobile phone na naka-enroll sa computer ng PPO. Dapat lang itong gamitin sakaling may krimen sa kanilang lugar. Sa sandaling i-dial ang mobile phone, kagyat na magpapadala ang PPO ng kanilang Quick Reaction Team (QRT) upang i-verify ang sitwasyon.

Samantala, iprinisenta rin ng PPO ang ilang mga pagsasanay na kailangan ng mga kapulisan. Ang mga ito ay ang pagsasanay sa Information and Communication Technology (ICT), Standard First Aid and Basic Life Support Training at Water Search and Rescue (WaSAR) Operation.

Nagbigay naman ng suhestyon si PAC Chairman at Vice Governor Peter Alfaro, na maaring makatulong sa mga pagsasanay na ito ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa ICT, Phillipine Red Cross sa First Aid and Life Support at ang Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMO) para sa WaSAR. Iminungkahi rin ni Alfaro ang pagpasa ng resulosyon hinggil sa naturang mga pagsasanay upang pormal na magawan ng karampatang aksyon ng PAC. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)

 

Tagalog news: Bright Leaf Agriculture Journalism Awards, binuksan sa Puerto Princesa

PUERTO PRINCESA, Palawan, Agosto 11 (PIA) — Binuksan para sa mga lokal na mamamahayag, manunulat at litratista sa lungsod ng Puerto Princesa, Palawan ang isa nanamang patimpalak sa paggawa o pagbuo ng kuwento na tampok ang usaping pang agrikultura.

Ito ay sa pamamagitan ng ika-labing-isang Bright Leaf Journalism Awards ngayong taon ay may temang, “a Tribute”.  Kinikilala ng Bright Leaf ang sektor pang agrikultura sa pamamagitan ng ilalabas na kuwento ng mga mamamahayag, dahil sa napakahalagang papel nito sa pagtataguyod ng bansa.

Dito, hinihikayat ang mga mamamahayag, manunulat o litratista na sumali at magsumite ng kanilang entry sa nasabing kompetisyon.

Ang mga kategorya ay binubuo ng: Agriculture Story of the Year; Agriculture Photo of the Year; Tobacco Story of the Year; Tobacco Photo of the Year; Best Television Program or Segment; Best Agriculture News Story Regional; at Best Agriculture Feature Story Regional.

Maaaring sumali sa kahit ilang kategorya, subalit iisang entry lamang sa bawat kategorya ang maaaring isumite.

Magtatapos ang pagtanggap ng entry sa Setyembre 1, habang ang seremonya ng paggawad sa mapipiling istorya gagawin sa darating na Nobyembre.

Lahat ng entry ay kinakailangang nai-lathala, naisa-himpapawid sa pagitan ng Setyembre 1, 2016 at Agosto 31, 2017.

Ang entry ay maaaring nasusulat sa salitang Ingles o wikang Filipino (kailangan lamang ng kaakibat na pagsasaling-wika sa Ingles).

Samantala, igagawad din ngayong taon ang Oriental Leaf Award, isang natatanging pagkilala sa manunulat na nagkamit na ng limang magkakasunod na panalo ng bright leaf awards sa alin mang kategorya. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

Tagalog news: Romblon MPS, mas pinaigting ang panghuhuli sa mga motoristang pasaway

ROMBLON, Romblon, Agosto 11 (PIA) — Mas pinaigting ng mga tauhan ng Romblon Municipal Police Station (MPS) ang panghuhuli sa mga motoristang walang rehistro ang sasakyan, walang lisensiya sa pagmamaneho, walang suot na helmet, mga tricycle na hindi nakapagbayad ng municipal tricycle operators permit at pagsita sa mga menor de edad na nagmamaneho.

Layunin nito na masawata ang mga sumusuway sa batas trapiko, mabawasan ang dumaraming kaso ng mga aksidente sa kalsada at mahuli ang mga kolorum na sasakyan.

Hinihiling ni Police Senior Inspector Gemmie Mallen, chief of Police ng Romblon MPS, sa mga motorista na sundin ang ipinaiiral na batas trapiko ng Land Transportation Office (LTO) upang maiwasan ang pagbabayad ng multa at posibleng pagka-impound ng kanilang mga sasakyan dahil sa paglabag dito.

Umaapela rin ang nabanggit na hepe sa mga magulang na pagbawalang magmaneho ang anak na di lisensiyado o huwag payagang magmaneho ng sasakyan ang mga kabataang hindi dumaan sa pormal na  pagsasanay at wala pang driver’s  license.

Batay sa datos ng pulisya sa Romblon, kadalasang nasasangkot sa aksidente sa motorsiklo ay mga nakainom ng alak, mga kabataang wala pa sa hustong gulang para magmaneho at magkaminsan ay nagreresulta sa pagkamatay dahil sa hindi pagsusuot ng helmet.

Kaugnay nito, regular nang naglalatag ng police checkpoint ang mga tauhan ng Romblon MPS sa mga pangunahing kalsada na madalas daanan ng mga nagmamaneho ng motorsiklo at maging ng mga namamasadang tricycle.(DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)