Category Archives: Safety

Tagalog news: Tablas fault maaaring makalikha ng magnitude 7 na lindol – Dir. Solidum

ODIONGAN, Romblon, Agosto 18 (PIA) — Sa press conference na ginanap sa bayan ng Odiongan, sinabi ni Director Renato Solidum Jr. ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na maaaring makalikha ng magnitude 6-7 na lindol ang Tablas fault.

“Yan ang pinakamalakas na lindol na maaring tumama sa Romblon kung sakaling gumalaw ang Tablas Fault na matatagpuan sa silangang bahagi ng Tablas Island”, paliwanag ni Dir. Solidum.

Ayon kay Dir. Solidum, batay sa mapping ng Philvolcs, dinadaanan ng fault line ang mga bayan ng Calatrava, San Agustin, Santa Maria, Alcantara, ilang bahagi ng Looc, Santa Fe, Carabao Island, at ilang lugar sa Panay Island.

Ang posibleng paggalaw ng Tablas fault ang isa aniya sa dapat na scenario ng mga earthquake drills sa lalawigan ng Romblon bilang paghahanda.

Sa pakikipagpulong ni Dir. Solidum sa mga Municipal Disaster and Risk Reduction and Management Officers (MDRRMOs) ng Romblon, sinabi nitong maliban sa Tablas fault ay mayroon ding fault line sa Sibuyan Sea at may isa pa silang tinitingnan na posibleng fault line sa Romblon.

Ayon kay PDRRM Officer Engr. Antonio P. Sarzona na handa naman ang iba’t ibang MDRRMOs sa buong lalawigan sa banta ng pagyanig.

Magugunita na si Solidum ay itinalaga ni Pangulong Rodrigo R. Duterte bilang DOST Undersecretary for Disaster Risk Reduction and Climate Change.(PJF/DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Tagalog news: Mga kawani ng Odiongan MPS, sumailalim sa sorpresang drug test

ODIONGAN, Romblon, Agosto 16 (PIA) — Pinangunahan ni PSInsp. Manuel F. Fernandez, Jr., hepe ng Odiongan Municipal Police Station (MPS) ang pagsagawa ng random drug test sa kanyang mga tauhan kung saan hindi niya ito inabisuhan ng maaga.

Inimbitahan ni PSIsnp. Fernandez ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) upang isagawa ang naturang eksamin sa mga nasorpresang kawani ng Odiongan MPS.

Sa ganitong paraan aniya ay malalaman kung may gumagamit ng iligal na droga sa kapulisan ng nasabing istasyon.

Ayon pa kay PSI Fernandez, bahagi ito ng internal cleansing na ginagawa ng Philippine National Police (PNP) para matanggal sa serbisyo ang mga pulis na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.

Ang Odiongan Municipal Police Station ay mayroong 43 tauhan ng kasama ang mga non-uniformed personnel (NUP).(PJF/DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Tagalog news: Romblon MPS, mas pinaigting ang panghuhuli sa mga motoristang pasaway

ROMBLON, Romblon, Agosto 11 (PIA) — Mas pinaigting ng mga tauhan ng Romblon Municipal Police Station (MPS) ang panghuhuli sa mga motoristang walang rehistro ang sasakyan, walang lisensiya sa pagmamaneho, walang suot na helmet, mga tricycle na hindi nakapagbayad ng municipal tricycle operators permit at pagsita sa mga menor de edad na nagmamaneho.

Layunin nito na masawata ang mga sumusuway sa batas trapiko, mabawasan ang dumaraming kaso ng mga aksidente sa kalsada at mahuli ang mga kolorum na sasakyan.

Hinihiling ni Police Senior Inspector Gemmie Mallen, chief of Police ng Romblon MPS, sa mga motorista na sundin ang ipinaiiral na batas trapiko ng Land Transportation Office (LTO) upang maiwasan ang pagbabayad ng multa at posibleng pagka-impound ng kanilang mga sasakyan dahil sa paglabag dito.

Umaapela rin ang nabanggit na hepe sa mga magulang na pagbawalang magmaneho ang anak na di lisensiyado o huwag payagang magmaneho ng sasakyan ang mga kabataang hindi dumaan sa pormal na  pagsasanay at wala pang driver’s  license.

Batay sa datos ng pulisya sa Romblon, kadalasang nasasangkot sa aksidente sa motorsiklo ay mga nakainom ng alak, mga kabataang wala pa sa hustong gulang para magmaneho at magkaminsan ay nagreresulta sa pagkamatay dahil sa hindi pagsusuot ng helmet.

Kaugnay nito, regular nang naglalatag ng police checkpoint ang mga tauhan ng Romblon MPS sa mga pangunahing kalsada na madalas daanan ng mga nagmamaneho ng motorsiklo at maging ng mga namamasadang tricycle.(DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Tagalog news: ‘Saknungan Ligtas Program’ inilunsad sa Abra de Ilog, OccMin

ABRA DE ILOG, Occidental Mindoro, Agosto 7 (PIA)—Inilunsad kamakailan ng pamahalaang bayan ng Abra de Ilog ang ‘Saknungan Ligtas Program’.

Hindi bababa sa 200 katao mula sa iba’t ibang barangay ang nagpatala bilang volunteers sa programang ito. Sumali ang mga grupo ng mga kababaihan, kabataan mga katutubo gayundin ang mga nasa sektor ng agrikultura.

Ayon kay Geoffrey Panganiban, Municipal Disaster Risk Reduction Management Officer (MDRRMO), layunin ng programa na palakasin ang kampanya para sa disaster volunteerism sa bawat barangay.

“Sasailalim ang mga volunteers sa mga pagsasanay”, saad pa ni Panganiban.

Ang mga pagsasanay na ito ang magbibigay ng sapat na kaalaman at kapasidad upang makatugon ang mga volunteers sa panahon ng kalamidad o sakuna sa kanikanilang barangay.

May anim na bahagi sa ilalim ng Saknungan Ligtas Program. Ang mga ito ay ang Ligtas Buhay, Ligtas Bahay, Ligtas Bukid, Ligtas Bata, Ligtas Barangay at Ligtas Bayan. Sa mga bahaging ito, itatatalaga ang mga volunteers at magsisilbing responders’ o tutugon, sakaling tumama ang isang kalamidad o sakuna.

Ibinigay na halimbawa ni Panganiban ang Ligtas Buhay at Bahay, kung saan ang mga volunteers na itatalaga sa Quick Reaction Team (QRT) ang tutugon dito.

“Sektor ng akademya ang mangunguna sa Ligtas Bata”, sabi pa ni Panganiban. Sasailalim naman sa pagsasanay hingil sa damage assessment ang mga nasa Ligtas Bukid. Ito ay upang mabilis na makapagpalabas ng tamang pagtaya sa isang lugar, matapos ang isang kalamidad, na siyang basehan ng pamahalaang lokal sa kanilang gagawing aksyon.

Positibo naman ang pananaw ng Sangguniang Bayan sa programang ito at ayon kay Vice Mayor Orlando Quito sisikapin nilang makapagpalabas ng ordinansa bilang pagpapatibay sa Saknungan Ligtas Program.

Ayon pa kay Panganiban, ang ‘Saknungan’ ay isang salitang katutubo na ang kahulugan ay pagtutulungan o bayanihan. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)

Mga local disaster risk reduction and management office, nagmamanman sa epekto ng habagat sa Mimaropa

LUNGSOD QUEZON, ika-4 ng Agosto (PIA) — Paalala ng Office of Civil Defense – Mimaropa (OCD-Mimaropa) sa mga local disaster risk and management councils (LDRRMCs) sa rehiyon, manmanan ang epekto ng habagat sa kanilang mga nasasakupan upang makaiwas sa pinsala.

Lalong-lalosa mga dalisdis o kaya sa mga mababang lugar kung saan may naninirahang mga kababayan.

Batay sa ipinalabas na General Flood Advisory (No. 3) kaninang ika-7 ng gabi, maaring makaranas nang mahina hanggang katamtamang pag-ulan at ng pagkulog-pagkidlat ang rehiyon.

Maaring maapektuhan ng mga pag-ulan dulot ng habagat ang mga ilog at ng mga sangay ng mga ito.

Una rito, nagbabala ang Pagasa-DOST hinggil sa madalas na pag-ulan na mararanas ng rehiyon dala na rin ng habagat.

Ngayong maghapon, nasuspinde ng klase ang ilang bayan sa Occidental Mindoro.

Sa Mamburao, suspindido ang lahat ng klase sa lahat ng antas.

Sinuspinde rin ang mga klase sa pre-school at elementarya sa bayan ng Sablayan at gayundin ang mga klase sa pre-school, elementarya at maging sa hayskul doon sa bayan ng Looc.

Tulad sa bayan ng Looc sa Occidental Mindoro, sinuspinde rin ang mga klase sa pre-school, elementarya at hayskul sa bayan ng Busuanga, Palawan.

Katulong ng OCD-Mimaropa ang Department of the Interior and Local Government sa mga pagpapakalat ng mga paalala sa mga lokal na pamahalaan.

Nakaantabay rin ang iba pang mga ahensiya gaya ng Department of Social Welfare and Development – Mimaropa na mayroong mahigit sa 34,000 family food na nakaposisyon na mga lalawigan at sa mga liblib na lugar.

Pinaghanda naman ng Department of Health-Mimaropa ang mga ospital at iba pang mga pasilidad para magserbisyo ng mga pasyente kung sakaling kakailanganin.

Antabayan ang mga anunsyo ng OCD-Mimaropa hinggil sa mga paghahanda ng mga ahensiya sa Facebook, Twitter at maging sa PIA-Mimaropa. (LP)

Tagalog news: 8 mag-aaral na-stranded sa gitna ng ilog, sinagip ng mga awtoridad

ODIONGAN, Romblon, Hulyo 21 (PIA) — Sinagip ng mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, Bureau of Fire Protection, Philippine Coastguard at Philippine National Police ang walong bata sa gitna ng ilog matapos silang maistranded dahil sa rumaragasang baha.

Basang-basa na at nanginginig sa ginaw ang pitong mag-aaral ng Gabawan Elementary School ng datnan ng rescue team ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council ng Odiongan, Romblon.

Batay sa kwento ng mga bata, na-trap sila sa gitna ng Bulwang River kahapon ng hapon dahil sa biglang tumaas ang tubig habang binabaybay nila ito patungo sa kanilang pinapasukang paaralan.

Habang sumisilong sila sa isang puno ay may napadaan ang isang guro sa kanilang paaralan kung kaya sila ay humingi ng saklolo dito.

Agad namang nagtungo sa barangay hall ang naturang guro para humingi ng tulong na masagip ang mga batang nasa gitna ng ilog at kagyat na tumawag sa MDRRMO kung kaya’t mabilis na ikinasa ang rescue operation.

Bagamat mahirap ang pag-rescue sa mga bata dahil madulas at malakas ang agos ng ilog, isa-isang nailigtas ang mga ito ng mga tauhan ng Odiongan MPS, BFP at Coast Guard` sa pamamagitan ng itinaling lubid sa puno.

Sumilong umano muna sila sa puno at aantayin sanang palipasin ang ulan ngunit patuloy ang pagbuhos ng ulan kaya minarapat nilang humingi ng tulong. Nakita sila ng ilang guro ng paaralan kaya nakahingi ng tulong agad sa barangay.

Ang mga mag-aaral na nasagip ng mga awtoridad ay kinilalang sina Ronald Urbano, 10 taong gulang; John Michael Urbano, 6 na taong gulang; Antonette Victoriano 6 na taong gulang; Rhea Nera Fetalvero,  9 na taong gulang; Rosamia Fetalvero, 8 taong gulang; Kim Shane Fetalvero, 7 taong gulang; Kristela Urbano, 8 taong gulang at Francine Fetalvero, 11 taong gulang.

Matapos sumailalim sa pagsusuri ng manggagamot ay agad ding pinayagan na makauwi ito sa kanilang tahanan na kasama ang kani-kanilang mga magulang.(PJF/DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

DSWD-Mimaropa: Nat’l Disaster Resilience Month promotes preparedness, resilience

QUEZON CITY, July 21 (PIA) — Rank and file employees of the Department of Social Welfare and Development – Mimaropa recently received first aid kits, whistles and flashlights during the kick off ceremony for National Disaster Resilience Month (NDRM) at the regional field office in Manila.

The whistles are effective tools to call attention for people trapped in collapsed structures.

Whistles can also draw attention for people under a heart attack or having a stroke.

Flashlights, on the other hand, are indispensable companion during power outages while first-aid kits are sources of instant relief to the injured and wounded while waiting for professional medical assistance.

The kick-off ceremony was a demonstration of the regional office to “quickly and compassionately serve the public before, during and after disasters.”

The occasion likewise supported the awareness campaign on disaster risk reduction and resiliency within the regional office.

Sheila S. Tapia, head of the DSWD-Mimaropa Assistance and Management Unit (DREAM U), said it is important for everybody to learn how to survive calamities especially during the wet season, a time when typhoons frequent the country.

Apart from the distribution of kits, there were orientation on disaster risk reduction and management, blood-letting activity and the Holy Mass celebration.

President Rodrigo Roa Duterte issued Executive Order No. 29, S. 2017 renaming the month of July from National Disaster Consciousness Month (NDCM) to National Disaster Resilience Month.

The change in name stressed the shift from disaster awareness to disaster resiliency through the conduct of activities on disaster prevention and mitigation, disaster preparedness, disaster rehabilitation and recovery. (LP/DSWD-Mimaropa)