Category Archives: Romblon

Tagalog news: PDRRMO Romblon, bumili ng speed boat bilang paghahanda sa kalamidad

ROMBLON, Romblon, Enero 23 (PIA) — Ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) – Romblon ay bumili ng speed boat upang magamit sa pag-rescue sa panahon ng kalamidad o anumang sakuna sa dagat.

Sinabi ni Engr. Antonio Sarzona, PDRRM Officer, ang rescue boat na kanilang binili ay nagkakahalaga ng P3.5 milyon na may sukat na walong talampakan ang haba, 7 ft. 06 inches ang lapad, mayroong 150 horse power na Yamaha engine, may bilis na hanggang 32 knots at kayang maglulan ng sampu katao.

Ani Sarzona, ang pagbili sa naturang gamit ay bilang kahandaan ng PDRRMO sa kalamidad at malaki aniya ang maitutulong nito sa panahon ng emerhensya, partikular sa pagsagip ng buhay lalo pa’t napapalibutan ng dagat ang buong lalawigan.

Halos kada taon aniya ay may naitatalang paglubog ng bangka o iba pang sakuna sa karagatang sakop ng Romblon kung kaya kanilang sinikap na maglaan ng pondo para sa pagbili ng naturang speed boat.

Nitong mga nagdaang taon aniya ay hirap ang mga awtoridad sa pagresponde dahil sa walang mabilis na sasakyang pandagat na maaaring magamit kaya asahan na aniya na kung sakaling magkaroon ulit ng sakuna sa dagat ay makakapag-rescue na agad ang mga tauhan ng PDRRMO.(DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Advertisements

Tagalog news: Marble Festival muling ginanap sa bayan ng Romblon

ROMBLON, Romblon, Enero 22 (PIA) — Muling binuksan noong ikalawang linggo ng Enero ang taunang kompetisyon sa paggawa at paglilok ng iba’t ibang obra-maestra mula sa marmol sa bayan ng Romblon.

Ang Marble Festival ay bahagi ng taunang pagdiriwang ng Biniray Festival sa kabisera ng Romblon na ginaganap sa Romblon Shopping Center kung saan pinangunahan nina Governor Eduardo Firmalo at Romblon Mayor Mariano Mateo ang pagbubukas ng nasabing kompetisyon.

Sinabi ni Myrna B. Silverio, Provincial Tourism Officer na umabot sa 56 katao ang lumahok sa kompetisyon ngayong taon sa paglilok o pagdisenyo ng mga novelty items at artworks na yari sa batong marmol.

Sa maikling programa na ginanap kamakailan ay opisyal na ring inanunsiyo ni DTI Acting Provincial Officer Orville Mallorca (na tumayong hepe ng mga hurado), ang mga nananalo sa isinagawang kompetisyon na may apat na kategorya.

Sa Sculpture category, ang unang gantimpala ay napanalunan ni Ferdinand Madeja, pumangalawa si Wilky Galasao at pumangatlo si Cristina Salvador.

Sa kategoryang Creative Design, nanguna si Jasmine Jalos, pumangalawa si Judith Cabalag at pumangatlo si Joel Marzonia.

Sa Jewelries and Accessories naman ay nakamit ang unang pwesto ni Roberto Mellendrez, pumangalawa si Edita Santiago at pumangatlo si Orlyn Menciano.

Sa kategoryang Marble with other medium ay nanalo sa unang pwesto si Veronica Moral, pumangalawa si Arnold Madeja at pumangatlo si Alfredo Menciano.

Tumanggap din ng consolation prize na nagkakahalaga ng tig-P1,000 ang 47 sumali na di pinalad na manalo. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Tagalog news: BFAR Fisheries Scholarship Program bukas pa rin sa mga aplikante

ODIONGAN, Romblon, Enero 19 (PIA) — Nananawagan ang tanggapan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) – Romblon sa mga magtatapos o nagtapos na sa high school, partikular na sa mga nagnanais na kumuha ng kursong BS Fisheries, na bukas na ang kanilang tanggapan sa pagtanggap ng mga aplikante para sa BFAR Fisheries Scholarship Program.

Ang Fisheries Scholarship Program o FSP ay bukas sa mga kabataan 20 taong gulang pababa, nakapagtapos o magtatapos ng high school ngayong taon, kasama sa top 10 ng graduating class at interesadong kumuha ng kursong Bachelor of Science in Fisheries o Marine Biology simula sa school year 2018-2019.

Ayon kay Luisito Manes, Acting Provincial Fishery Officer ng BFAR Romblon, ang naturang scholarship program ay naglalayong makapaghanap ng ahensiya ng mga kabataang may potensyal na mamumuno sa pagpapalago ng fisheries and aquatic resources ng bansa.

Nilinaw din nito na dapat anak sila ng mga small-scale o small-time na mangingisda o yaong kumikita ng hindi lalampas ng P25,000 bawat taon. Kailangan ding miyembro ng asosasyon ng mga mangingisda ang kanilang mga magulang ng hindi bababa ng apat na taon. Patutunayan ito sa pamamagitan ng sertipikasyon mula sa pinuno ng organisasyon.

Kabilang sa mga matatanggap ng bawat scholar ng BFAR ang libreng matrikula at iba pang bayarin sa paaralan, buwanang allowance at iba pang suporta.

Ang mga interesado ay maaring magsumite ng filled-out FSP scholarship form sa BFAR Romblon Provincial Office na matatagpuan sa Bgy. Tabing Dagat, Odiongan, Romblon o maaaring magtungo sa mga Office of the Municipal Agriculturist sa kanilang bayan.

Balak ng BFAR na bigyan ng trabaho sa kanilang tanggapan ang mga scholar kapag natapos na nila ang pag-aaral.(DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Tagalog news: LGU Odiongan, tumanggap ng meat processing equipment mula sa DOST

ODIONGAN, Romblon, Enero 17 (PIA) — Ang pamahalaang bayan ng Odiongan ay tumanggap ng meat processing equipment mula sa Department of Science and Technology (DOST) na nagkakahalaga ng P637,680 upang magamit sa pamilihang bayan nito.

Ang pagkakaloob ng nasabing kagamitan ay ay ginanap sa DOST Romblon Provincial Office, sa pangunguna ni DOST Provincial Director Marcelina Servañez, kung saan masaya itong tinanggap ni Mayor Trina Firmalo-Fabic.

Ang meat processing equipment na ibinigay ng DOST ay kinabibilangan ng silent cutter, meat grinder, meat slicer, smoke house, digital weighing scale, SS brine injector, stainless table, sticker label para sa tocino at longganisa.

Ayon sa alkalde, balak nilang ilagay ang mga kagamitang natanggap sa kasalukuyang tinatayong QMS-Conforming Factory sa Odiongan Public Market para sa mga red meat products. Maaari aniyang rentahan ito at magagamit ng mga mamimili upang makagawa o makabuo ng nais nilang produkto mula sa karne.

Nagpapasalamat ng marami si Mayor Fabic sa DOST-Romblon sa patuloy nitong pagkakaloob ng tulong sa kaniyang bayang nasasakupan at maging sa ilan pang napagkalooban ng Grants-In-Aid Program ng naturang ahensiya ng pamahalaan.(PJF/DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Tagalog news: Kaong, ipinakilala ng DOST sa mga taga-Odiongan

ODIONGAN, Romblon, Enero 15 (PIA) — Isang pagsasanay ukol sa pagkilala, pag-aani at pagpo-proseso ng kaong o sugar palm, isang prutas na bunga ng sugar palm tree, ang isinagawa ng Department of Science and Technology Mimaropa (DOST-Mimaropa) Provincial Science and Technology Center-Romblon (PSTC-Romblon) sa bayan ng Odiongan kamakailan.

Kilala bilang “Hidiok” o “Kabo-Negro” ang kaong sa Romblon. Ito ay isang prutas na madalas sangkap sa paggawa ng “fruit salad” at halo-halo at maihahalintulad sa nata de coco maliban sa hugis nitong bilohaba at kulay na pula o berde.

Tatlong dalubhasang magsasaka sa pagpo-proseso ng kaong mula sa Lucban, Quezon ang inimbitahan ng DOST para magbahagi ng kaalaman sa ilang magsasaka sa bayan ng Odiongan, opisyal ng barangay, kawani ng Office of the Provincial Agriculturist at ilang estudyante mula sa Romblon State University.

Sa unang araw ng pagsasanay ay ginugol ng mga kalahok ang pagkilala ng bunga na puwede nang anihin.

Kasunod nito ay ang paghahanap naman ng mga kaong sa isla ng Tablas, pagluluto, pagpo-proseso at pag-iimbak ng mga ito.

Tinuruan rin ang mga partisepante kung paano gumawa ng “sweetened kaong” upang sa bandang huli o susunod na mga taon ay mapakinabangan nila ang mga puno ng kaong na hitik sa bunga sa kanilang lugar.

Sa pamamagitan ng pagsasanay, napag-alaman na bagamat mabilis mamunga at mamulaklak ang puno ng kaong ay agaran din naman itong namamatay. Ngunit hindi gaya sa ibang puno, ang kaong ay madaling patubuin sapagkat ito ay ligaw at hindi kailangan ng mga pataba o masinsinang pangangalaga.

Ayon din sa mga ekspertong magsasaka, ang isang puno ay maaring umani ng mahigit kumulang 50 kilo ng kaong na nagkakahalaga ng Php 350 bawat kilo kung kaya tinatayang aabot sa Php 15,000 ang kikitain sa kada puno.

Maliban sa pagbebenta ng bunga nito, ang mga magsasaka ay maaaring kumita sa pamamagitan ng paggawa ng walis tingting mula sa dahon nito, makagawa ng suka at pulot gamit ang bulaklak.

Pinagkukunan din ng masarap na ubod ang mga bata na puno samantalang ang matatandang puno naman ay sinasabing magandang patubuan ng mga orkidyas na halaman.(DOST-PSTC/DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Tagalog news: Mahigit 270 bagong guro sa lalawigan ng Romblon, pormal nang nanumpa

ODIONGAN, Romblon, Enero 15 (PIA) — Matagumpay na idinaos ang 30th Oath Taking Ceremonies for Professional Teachers ng mga pumasa sa nakaraang September 2017 Board Licensure Examination for Professional Teachers (BLEPT) na ginanap kamakailan sa covered court ng bayan ng Odiongan.

Pinangunahan ni G. Sharo B. Lo, hepe ng delegasyon ng Professional Regulation Commission (PRC) ang panunumpa ng 279 na mga bagong guro.

Sinabi ni Lo na ang pagkakapasa sa board exam ng isang guro ay hudyat pa lamang ng panibagong hamon na kinakailangang harapin ng mga ito at hinimok nito ang mga bagong pasa na gampanan ang kanilang bagong tungkulin, ang pagiging guro para sa bansang Pilipinas.

Ang lalawigan ng Romblon ay karaniwang kasama sa listahan ng mga Testing Center para sa second phase ng LET na ginaganap tuwing buwan ng Setyembre kada taon kung saan noong 2017, mahigit 300 na graduate ng Romblon State University (RSU) ang pumasa sa nasabing pagsusulit.

Ayon kay Governor Eduardo C. Firmalo, batay sa tala ng RSU, taun-taon ay dumarami o mas nadadagdagan ang bilang ng pumapasa sa licensure examination na ibinibigay ng gobyerno at ang ilan pa sa mga ito ay iskolar ng pamahalaang panlalawigan.

Ang passing rate aniya ng RSU noong September 2017 BLEPT ay doble kumpara sa national passing rate at matatandaan na ang Top 2 dito ay si Dana Kaye Fabiala na tubong Corcuera, Romblon.

Indikasyon aniya ito na mataas ang kalidad ng pagtuturo sa unibersidad na kanyang pinamumunan at ito’y malaking karangalan para sa RSU campuses sa buong lalawigan.

Sa maikling mensahe ni Mayor Trina Firmalo-Fabic, kanyang pinasasalamat ang Romblon provincial government sa pakikipagtulungan ni PESO Provincial Manager Alice Fetalvero, maging sa pamunuan ng RSU at PRC sa pag-arrange ng oath taking ng mga BLEPT passers sapagkat mas nakatipid ang mga ito sa gastusin. Mas mahirap aniya kapag sa Maynila pa manunumpa ang mga bagong guro sapagkat kanila pang papasanin ang gastusin sa pamasahe at pagkain.(DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Tagalog News: LGU Romblon, naglatag ng ‘Business One-Stop-Shop’ processing lane

ROMBLON, Romblon, Enero 11 (PIA) — Ang lokal na pamahalaan ng Romblon, sa pangunguna ng Municipal Treasurer, ay naglatag na ng “Business One-Stop Shop (BOSS) Processing Lane” sa ground floor lobby ng munisipyo simula noong unang linggo ng Enero.

Inilatag ng treasurer’s office ang BOSS Lane para mas mapabilis ang transaksiyon ng sinumang kumukuha ng business permit at nagbabayad ng buwis.

Taunang ginagawa ito ng pamahalaang bayan ng Romblon upang kagyat na malaman at mas madaling makita ng mga mag-aayos ng kanilang papeles o magbabayad ng buwis ang tanggapan ng mga opisina na may kaugnayan sa kanilang gagawing transaksiyon sa munisipyo.

Kabilang sa mga ahensiyang nagtalaga ng processing lanes ay ang Department of Trade and Industry (DTI) para sa business name ng mga bagong itatayong negosyo, Municipal Planning and Development Coordinator para sa zoning and land use clearance, Municipal Engineering Office para sa building inspection clearance, Rural Health Unit (RHU) para sa sanitary inspection clearance at medical clearance, Bureau of Fire Protection para sa fire safety inspection clearance, Bureau of Internal Revenue (BIR) para sa Tax Identification Number (EO 98) at BIR Registration.

Kabilang din dito ang Social Security System (SSS) na nagbibigay rin ng clearance alinsunod sa R.A. 8282, PhilHealth na nagkakaloob na rin ng clearance bilang pagsunod sa R.A. 7875 & Municipal Ordinance No. 37-2012 at kinakailangan ding kumuha ang isang aplikante ng ng Community Tax Certificate o cedula (R.A. 7160).

Namamahagi rin ng polyeto ang mga tauhan ng treasurer’s office ukol sa paraan sa pagkuha ng business permit upang maging guide (basehan) ng mga kliyente kung anu-anong rekisitos ang kailangan nilang kompletohin at may ipinamimigay na libreng meryenda para sa mga nakapila o naghihintay na maiproseso ang kanilang mga papel.

Ayon kay Monica M. Malay, municipal treasurer, ang isang aplikante ay kinakailangang humingi ng application form sa tanggapan ng alkalde, magsumite ng Barangay clearance kung saan naka-address ang establisyemento, paabrubahan at magbayad ng kaukulang bayarin sa Treasurer’s Office at i-submit sa Mayor’s Office kapag kompleto na ang mga requirements para magawan ng permit ang establisyementong pagmamay-ari.

Dahil sa BOSS ay napaiksi na ang oras sa pagpo-proseso ng mga dokumento at agarang natatapos ang lahat ng transaksiyon.

Hindi na rin nahihirapan ang lokal na pamahalaan sa pangongolekta ng buwis at iba pang bayarin sa mga lupain at ari-arian ng mga mamamayang nasasakupan nito.

Ang processing lane ay mananatili sa lobby ng Romblon Municipal Building hanggang sa Enero 31. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)