Category Archives: Marinduque

Tagalog news: Boac Fire Station, kinilala bilang Best Municipal Fire Station of the Year

BOAC, Marinduque, Agosto 17 (PIA)– Ginawaran ng parangal ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Boac Fire Station bilang Best Municipal Fire Station of the Year sa katatapos lamang na ika-26 na Anibersaryo ng Bureau of Fire Protection (BFP) na ginanap sa AFP Theatre, Camp Aguinaldo, lungsod ng Quezon.

Ilan sa mga naging katuparan ng Boac BFP ay ang aktibong pakikibahagi sa mga aktibidad ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno, mahigpit na koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan, maayos na pamamahala sa mga panahon ng rescue operations tuwing may kalamidad, pagbibigay ng mga seminar at drills tungkol sa kahandaan at pag-iingat sa sunog.

Sa pakikipagpanayam ni SF04 Felix Echavaria, Jr. sa Marinduque News, nais nya na nawa ay maging ehemplo at inspirasyon ang kanilang natanggap na karangalan upang mas lalo pa silang ganahan sa pagbibigay ng serbisyo-publiko sa bayan.

Bukod pa sa plake ay tumanggap din ang BFP-Boac ng perang nagkakahala na P10,000.00 bilang insentibo. (PIA-MIMAROPA/Marinduque)

Tagalog news: Miss Tourism-Marinduque 2017, pasok sa top 16 finalists ng nat’l competition

BOAC, Marinduque, Agosto 2 (PIA)– Kabilang si Princess Anne Noche ng Butansapa, Mogpog sa top 16 finalist ng patimpalak na Miss Tourism Philippines 2017.

Ginanap ang kumpetisyon ng pagandahan sa Aliw Theatre, CCP Complex, Pasay City noong Hulyo 30.

Sa tanong sa kanya ng Marinduque News kung paano mapapalakas ng lalawigan ang sektor ng turismo, sinabi niya na mas mainam kung  maipagpapatuloy nila ang pagpapanatili ng ganda ng Poctoy White Beach, Maniwaya at Gaspar Islands, Bagumbungan Cave upang maipakilala ito sa iba pang turista na nagnanais na bumisita sa Marinduque.

Ayon sa dilag, naging kalamangan daw nya sa ibang kandidata ang kanyang karanasan sa pagsali sa ibang pagandahan na kumpetisyon, pagiging isang nursing student at tiwala sa sarili, pamilya at sa Panginoon.

Muli naming mapapanood ang delayed telecast ng beauty pageant sa TV5 Network sa ika-5 ng Agosto. (PIA-MIMAROPA/Marinduque)

Tagalog news: Ika-117 anibersaryo ng Labanan sa Paye ipinagdiwang sa Marinduque

BOAC, Marinduque, Agosto 2 (PIA)– Ipinagdiwang ng buong lalawigan ng Marinduque ang ika-117 anibersaryo ng Labanan sa Paye sa Balimbing, Boac.

Pinasimulan ang pagdiriwang na ito sa pamamagitan ng banal na misa kasama ang mga miyembro ng Boy Scout at Girl Scout of the Philippines.

Matapos nito ay binigyan naman ng pagpupugay sa pangunguna ni Boac Mayor Roberto M. Madla ang mga dakilang bayani na nagbuwis ng buhay noong panahon ng labanan sa Paye noong 1900. Binigyan sila ng 21 gun salute ng mga militar sa harapan ng bantayog.

Ilan sa mga dumalo sa pagdiriwang ay sina Cong. Lord Allan Q. Velasco, Vice-Governor Romulo Bacorro, BGen. Elias Scartcher, PCSupt. Froilan F. Quidilla, Vice Mayor Robert Opis at iba pa nilang kasamahan sa Sangguniang Bayan. Dumalo rin sa pagtitipon na ito ang mga opisyal ng nasyonal at lokal na pamahalaan.

Ang paggunita ng taunang pag-alaala na ito ay binigyan ng temang Labanan sa Paye: Kabayanihan, Gunitain at Ipagmalaki Natin. (PIA-MIMAROPA/Marinduque)

Tagalog news: Lungsod ng Quezon nagbigay ayuda sa pamilihang bayan ng Sta. Cruz, Marinduque

STA. CRUZ, Marinduque, Hulyo 20 (PIA)– Nagpadala ng P1.5 milyon bilang ayudang pangpinansyal ang lungsod ng Quezon sa bayan ng Sta. Cruz para sa pagpapasaayos ng nasirang pamilihang bayan dahil sa nagdaang bagyong Nina noong Disyembre 2016.

Ito ay matapos lumapit si Sta. Cruz Mayor Marissa Red sa lokal na pamahalaang lungsod ng Quezon upang tulungan sila sa pagkukumpini ng palengke. Hindi raw kasi kakayanin ng LGU Sta. Cruz na mapanatili ang muling pagsasagawa nito dahil sa malaking pinsalang iniwan ng bagyo.

Ayon kay Mayor Herbert Bautista ng lungsod ng Quezon, ang pagtulong nila sa mga lugar na nasalanta ng anumang sakuna o trahedya ay kanilang pamamaraan ng pasasalamat sa patuloy na paglago ng kanilang ekonomiya sa nagdaang taon.

Pinasalamatan din naman ni Bautista ang kaniyang mga kasamahan na nasa city council para sa pagsulong ng kanilang panukala na tumulong sa bayan ng Sta. Cruz na unang tinamaang bayan sa Marinduque ni Nina. (PIA-MIMAROPA/Marinduque)

Tagalog news: Club Marinduque, Inc., nagsagawa ng medical mission sa Torrijos at Mogpog

TORRIJOS, Marinduque, Hulyo 19 (PIA)– Nagsagawa ng medical and dental missions sa Marinduque ang Club Marinduque, Inc. (CMI) kamakailan sa bayan ng Mogpog at Torrijos.

Ayon sa kanilang Corporate Secretary na si Romeo Matayac, pinangunahan ni Enrico Sevilla, acting president at chairman ng CMI, ang Medical and Dental Missions 2017. Nakasama rin ng CMI ang sina Dr. Allan Bontuyan, Dr. Melito Villar, Jr., Dr. Nova Comia Talagtag, Manolo Cenido, Kathleen Magno at Grace Bernadette Tee na nagmula naman sa Free and Accepted Masons of the Philippines.

Libreng gamot at eye glasses naman natanggap ng mga mamamayan ng Argao, Mogpog at Matuyatuya, Torrijos.

“Lubos ang aking pasasalamat sa bumubuo ng Club Marinduqueno, Inc. sapagkat ang Barangay Argao ang mapalad na napili ng CMI upang dito ganapin ang kanilang medical and Ddntal missions na sa aking tanda ay limang taon na ang nakalilipas nang may magsagawa ng kahalintulad na gawain dito sa aming lugar”, ayon kay Barangay Captain Bonifacio Subil, Sr. (PIA-MIMAROPA/Marinduque)

Tagalog news: Strategic plan ng Bayan ng Boac para sa 2020 inilatag na

BOAC, Marinduque, Hulyo 18 (PIA)– Inilatag ng local na pamahalaan ng bayan ng Boac ang kanilang mga proyekto na napapaloob sa kanilang strategic plan para sa taong 2020.

Ayon sa kanilang local government planner na si Luna Manrique, nakatuon ang pamahalaan ng Boac sa pagpapasigla ng negosyo sa poblacion at mga destinasyon na nais pang pagandahin bilang pampublikong lugar.

Ang Municipal Technical Team ay nakatuon din sa paghahatid ng mga proyekto para sa mga tao at negosyo sa pamamagitan ng karagdagang pag-unlad ng pampublikong pamilihan, konstruksiyon ng multi-level parking area, pagpapabuti ng paghahatid ng mga basic at social services tulad ng pagpapasaayos ng Municipal Health Diagnostic at Laboratory Center, pagpapaganda ng sistema ng patubig, mahigpit na pagpapatupad ng tamang pagtapon ng basura, pagpreserba ng cultural heritages, pagpapatayo ng Negosyo Center para itaguyod ang micro-, small-, medium- enterprises (MSMEs), at mapanatili ang peace and order sa buong bayan ng Boac. (PIA-MIMAROPA/Marinduque)

Tagalog news: Paigtingin ang turismo ng Marinduque sa tulong ng media, payo ng DOT

BOAC, Marinduque, Hulyo 10 (PIA)– Iminungkahi ni Department of Tourism-Mimaropa Regional Director Danilo B. Intong sa Provinicial Tourism Office (PTO) ng Marinduque na kailangan nilang magtuon sa pagpapalabas ng kagandahan ng lalawigan sa tulong ng social media.

Ito ay matapos sumangguni ang Pamahalaang Panlalawigan at PTO kay Intong at sa mga kasapi ng Tourism Development Council  (TDC) ng rehiyon upang mabuo ang tourism development master plan na layuning mas maipakilala pa ang natatanging ganda ng probinsya sa mga turista.

Sa tingin ng TDC, malaki ang maitutulong kung mas maipapakilala nila ang mga atraksyon sa lalawigan sa pamamagitan ng pag-a-upload ng mga larawan at video gaya ng moriones, putong at kalutang festival na maaaring maipagmalaki hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa.

Pakiusap din ni Intong sa pamahalaan na huwag ipagpalit ang kagandahan ng kalikasan kapalit ng pagpapatayo ng mga establisymento sa mga lugar. Dito raw kasi mas nakikilala ang Marinduque dahil sa luntiang kapaligaran at magagandang likas na tanawin. (PIA-MIMAROPA/Marinduque)