Category Archives: Award

Tagalog news: OrMin, nagkamit ng ilang parangal mula TESDA

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Okt 13 (PIA) – Iba’t ibang parangal ang natamo ng lalawigan ng Oriental Mindoro sa katatapos na 23rd Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) National Institutional Award na ginanap sa TESDA Auditorium, Taguig City.
Nakuha ng Oriental Mindoro ang National Kabalikat Award, Tagasanay Award, TESDA Idol Self-employed Category, TESDA Idol-waged Employed Category at Batang TESDA .

Sa mga pagpupunyaging pangkaunlaran, sa mga pag-alalay sa mga programang pang-edukasyon at pangkabataan, at pagsuporta sa galing ng mga Mindoreño ay ilan lamang sa mga dahilan ng pagkilala sa kakayahan ng mga mamamayan ng lalawigan.

Ipinagkaloob kay Gob. Alfonso V. Umali, Jr. ang National Kabalikat Award sa pagiging katuwang nito ng TESDA sa pamamagitan ng paglulunsad ng iba’t ibang programang sumusuporta sa technical vocational courses.

Ito ay sa pamamagitan ng mga inilunsad na Project Access to Countryside Courses for Employable/Entrepreneurial Skills (ACCESS); pag-upgrade ng mga pasilidad ng Language Skills Institute, Project Iskolar at iba pa. Kinilala rin ang natatanging pamamalakad sa lalawigan na nagdulot ng maraming pagbabago sa at mataas na antas ng serbisyo sa mamamayan.

Mula naman sa pagiging Top 8 Tagasanay Award Finalists sa buong bansa, nahirang bilang 2nd runner up sa naturang parangal si Ednalyn E. Salcedo ng Simeon Suan Vocational and Technical College ng bayan ng Bansud. Si Salcedo ay isang aktibong trainer, expert at assessor ng mga kwalipikasyon sa loob ng 20 taon hinggil sa upgrading at entrepreneurship.

Mula naman sa pitong finalists ng Self-Employed Category, nahirang bilang National Awardee si Hernan Erorita, isang aktibong propesor at pangulo ng Paradigm Colleges of Science and Technology mula sa bayan ng Roxas. Aktibo rin siya sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang kumpanya upang isigurong magkakaroon agad ng trabaho ang kanilang mga estudyante pagkatapos ng mga ito sap ag-aaral.

Mula pa rin sa Oriental Mindoro, nahirang naman si Max Closa mula sa mahigit 10 finalists sa TESDA IDOL bilang National Winner sa naturang kategorya. Si Closa rin na may maayos na kakayahan sa pagho-host at naging estudyante ng TESDA sa Events Management Services NC II ang nahirang bilang Batang TESDA.

Samantala, nilalayon ng gawaing ito ng TESDA ang pagkilala sa kakayahan ng mga awardee at ang maipadama ang kahalagahan ng technical at vocational courses na siyang higit na nakapagpapabago ng buhay ng mga pumapasok sa mga vocational school sa mas madali at praktikal na paraan at nakapagbibigay ng trabahong mas malaki ang kita.

Naging panauhin sa naturang okasyon sina TESDA Director General Sec. Guiling Mamondiong, TESDA Asst. Sec. Jonas Soriano, Dir. Elmer Talavera ng National Institute for TESDA at TESDA Cabinet Sec. Leoncio Evasco. (CPRSD/LTC/PIA-Mimaropa/Calapan)

Advertisements

Tagalog news: Mga himpilan ng pulisya sa Puerto Princesa, pinarangalan

LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA, Palawan, Oktubre 6 (PIA) — Tumanggap ng pagkilala kamakailan mula sa City Police Office (CPO) ang mga himpilan ng pulisya sa lungsod ng Puerto Princesa na may natatanging pagganap sa kanilang mga tungkulin.

Ang pag-gawad ng parangal ay kasabay ng selebrasyon ng ika-116 na anibersaryo ng serbisyo ng pulisya.

Ginawaran bilang best police unit sa larangan ng police operations ang Mendoza Police Station (MPS), habang ang Irawan Police Station (IPS) naman ang kinilala sa larangan ng police community relations.

Pagdating naman sa masigasig na pagpapatupad ng kampanya ng gobyerno kontra-ilegal na droga, kinilala ng City Police Office (CPO) ang Drug Enforcement Unit (DEU) nito.

Kinilala rin ang City Public Safety Company (CPSC) sa suporta nito sa iba’t ibang police operations at programa para sa community relations ng CPO.
“Kahit ano ang pagpupunyagi ng PNP para sa pagpapanatili ng katahimikan at kaayusan ng isang lugar, wala itong saysay kung walang kooperasyon ng komunidad”, bahagi ng pananalita ni Police Senior Superintendent Ronnie Francis Cariaga, direktor ng PPCPO sa seremonya.

Samantala, ang nabanggit na pagdiriwang ay may temang: “Buhay ng Pulis, Handang Ibuwis para sa Katahimikan at Kaayusan ng Bayan”.

Naging panauhing pandangal sa nasabing aktibidad si Direktor Rey Maranan ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa lungsod. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

Tagalog news: Odiongan District Jail, kinilala bilang Mimaropa’s District Jail of the year

ODIONGAN, Romblon, Agosto 29 (PIA) — Kinilala bilang Mimaropa’s District Jail of the Year ang Odiongan District Jail na nakabase sa Bgy. Rizal, Odiongan, Romblon sa selebrasyon ng ika- 26 na taong pagkakatatag ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Mimaropa na ginanap kamakailan sa Lungsod ng Batangas.

Pinarangalan din bilang District Warden of the Year for Mimaropa si Jail Senior Inspector Jam Soriano na warden ng Odiongan District Jail.

Kinilala rin bilang Best Mess Officer naman si Jail Officer 2 Christopher Miroy ng Odiongan District Jail habang ang JPA Office of the Year naman ay pinagkaloob sa Romblon JPA Office.

Kaugnay nito, ilang personalidad din sa bayan ng Odiongan ang binigyan ng plake ng pagkilala ng Bureau of Jail Management and Penology dahil sa pakikipagtulungan ng mga ito sa lahat ng programa nito.

Ang mga nakatanggap ng plaque of recognition mula sa BJMP Mimaropa ay sina Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic, Jimboy Tan ng Smart Communications at provincial office ng Department of Health sa pamumuno ni Dr. Ruth Cervo.(PJF/DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Tagalog news: Boac Fire Station, kinilala bilang Best Municipal Fire Station of the Year

BOAC, Marinduque, Agosto 17 (PIA)– Ginawaran ng parangal ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Boac Fire Station bilang Best Municipal Fire Station of the Year sa katatapos lamang na ika-26 na Anibersaryo ng Bureau of Fire Protection (BFP) na ginanap sa AFP Theatre, Camp Aguinaldo, lungsod ng Quezon.

Ilan sa mga naging katuparan ng Boac BFP ay ang aktibong pakikibahagi sa mga aktibidad ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno, mahigpit na koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan, maayos na pamamahala sa mga panahon ng rescue operations tuwing may kalamidad, pagbibigay ng mga seminar at drills tungkol sa kahandaan at pag-iingat sa sunog.

Sa pakikipagpanayam ni SF04 Felix Echavaria, Jr. sa Marinduque News, nais nya na nawa ay maging ehemplo at inspirasyon ang kanilang natanggap na karangalan upang mas lalo pa silang ganahan sa pagbibigay ng serbisyo-publiko sa bayan.

Bukod pa sa plake ay tumanggap din ang BFP-Boac ng perang nagkakahala na P10,000.00 bilang insentibo. (PIA-MIMAROPA/Marinduque)

Tagalog news: Narra, Palawan, wagi sa may ‘Malinis at Masaganang Karagatan’ sa Mimaropa

PUERTO PRINCESA, Palawan, Agosto 17 (PIA) — Pinatuyanayan ng bayan ng Narra, Palawan ang pagkakaroon ng pagkilala sa Malinis at Masaganang Karagatan (MMK) sa buong rehiyong Mimaropa.

Ito ay matapos na magwagi sa unang puwesto sa patimpalak sa may pinakamalinis na baybayin na isinagawa ng Department of Agriculture (DA)-Mimaropa sa pamamagitan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

“Dahil sa inisyatibong ito ng ating gobyerno, mas lalo tayong nai-inspire na pagyamanin ang ating karagatan, tuloy-tuloy ang ating pagpapayabong ng mga bakawan kasama ang DA, fisherfolks, Narra Farmer’s Multipurpose Cooperative (NFARMC), pinananatili din natin ang kalinisan sa ating karagatan”, ani Mayor Lucena Demaala sa pakikipag-unayan ng Philippine Information Agency (PIA).

Ang pang rehiyong patimpalak ay inilunsad ng BFAR noong Nobyembre 17 ng nakalipaa na taon na naglalayong kilalanin ang di matatawarang insiyatibo ng lokal na pamahalaan sa pagpapanatili at pagpapalawak ng maunlad na pangisda.

Sa ipinarating na abiso ng DA sa LGU-Narra, sinasabing sa mga bayan sa rehiyon, ang Narra ang pinakamahusay pagdating sa pagbuo ng mga panuntunan kabilang na ang maayos na pagtugon sa mga mapanirang gawain tulad ng iligal na pangingisda.

Kinikilala rin dito ang suporta ng lokal na pamahalaan at pakikilahok ng mga mamamayan, pagpapa-angat ng kabuhayan para sa mga residente at mahigpit na pagpapatupad ng batas.

“Pagbubutihin pa namin ang pangangalaga sa aming marine protected areas lalo na’t ang Narra ang magre-represent sa Mimaropa sa gagawin namang national search ng MMK”, dagdag pa ni Demaala. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

Tagalog news: Batang Mindoreño, International Math Wizard Challenge awardee

NAUJAN, Oriental Mindoro, Agosto 16 (PIA) – Nakabilang ang isang walong taong gulang na Mindoreño sa 19 kataong delegado ng Pilipinas na nanalo ng ikalawang puwesto sa Xiamen, China na lumaban sa International Mathematics Wizard Challenge kamakailan lamang.

Si Vinz PJ Zara Rayos, anak ni Engr. Vedasto P. Rayos at Annie Zara Rayos, tubong Brgy. Tagumpay, Naujan ay silver medalist kung saan isa siya sa may 200 delegado na ipinadala ng bansang Pilipinas sa Xiamen, China.

Dagdag dito, silver awardee rin si Rayos sa nilahukan niyang Singapore and Asian Schools Math Olympiad at nakasama rin na lumahok sa “Singapore International Math Olympiad Challenge”.

Nagtamo rin si Rayos ng distinction at credit awards sa English, Math at Science, ayon sa pagkakasunud-sunod mula sa paglahok niya sa International Competitions and Assessments for Schools, isang pagsusulit mula sa University of South Wales Global Australia na ginanap sa mga piling Mathematic Trainer’s Guild Centers sa bansa.

Ayon kay Rayos,  bata pa lamang siya, hilig na talaga niya ang Math. Isang malaking oportunidad sa kanya ang mga nabanggit na pambansa at maging ang mga patimpalak sa labas ng bansa sa mga kabataan. (CPRSD/LTC/PIA-Mimaropa/Calapan)

Tagalog news: Bright Leaf Agriculture Journalism Awards, binuksan sa Puerto Princesa

PUERTO PRINCESA, Palawan, Agosto 11 (PIA) — Binuksan para sa mga lokal na mamamahayag, manunulat at litratista sa lungsod ng Puerto Princesa, Palawan ang isa nanamang patimpalak sa paggawa o pagbuo ng kuwento na tampok ang usaping pang agrikultura.

Ito ay sa pamamagitan ng ika-labing-isang Bright Leaf Journalism Awards ngayong taon ay may temang, “a Tribute”.  Kinikilala ng Bright Leaf ang sektor pang agrikultura sa pamamagitan ng ilalabas na kuwento ng mga mamamahayag, dahil sa napakahalagang papel nito sa pagtataguyod ng bansa.

Dito, hinihikayat ang mga mamamahayag, manunulat o litratista na sumali at magsumite ng kanilang entry sa nasabing kompetisyon.

Ang mga kategorya ay binubuo ng: Agriculture Story of the Year; Agriculture Photo of the Year; Tobacco Story of the Year; Tobacco Photo of the Year; Best Television Program or Segment; Best Agriculture News Story Regional; at Best Agriculture Feature Story Regional.

Maaaring sumali sa kahit ilang kategorya, subalit iisang entry lamang sa bawat kategorya ang maaaring isumite.

Magtatapos ang pagtanggap ng entry sa Setyembre 1, habang ang seremonya ng paggawad sa mapipiling istorya gagawin sa darating na Nobyembre.

Lahat ng entry ay kinakailangang nai-lathala, naisa-himpapawid sa pagitan ng Setyembre 1, 2016 at Agosto 31, 2017.

Ang entry ay maaaring nasusulat sa salitang Ingles o wikang Filipino (kailangan lamang ng kaakibat na pagsasaling-wika sa Ingles).

Samantala, igagawad din ngayong taon ang Oriental Leaf Award, isang natatanging pagkilala sa manunulat na nagkamit na ng limang magkakasunod na panalo ng bright leaf awards sa alin mang kategorya. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)