Category Archives: Agriciulture

Tagalog news: Potensyal ng produktong agrikultura ng Palawan sa merkado ng ASEAN, tinalakay

PUERTO PRINCESA, Palawan, Hunyo 19 (PIA) — Inihayag ni Dr. Romeo C. Cabungcal, OIC-Provincial Agriculturist ng pamahalaang panlalawigan ng Palawan na may potensiyal sa merkado ng Association of South East Asian Nation (ASEAN) ang mga produktong pang-agrikultura ng lalawigan.

Ani Dr. Cabungcal, ilan sa mga produktong pang-agrikultura ang maipagmamalaki ng Palawan at nagunguna dito ang niyog kung saan nasa 107,852 ektarya ang nasasakupan nito, ikalawa ang palay na umaabot sa 72,313 ektaryang sakahan ang nasa lalawigan at mayroong 161 porsiyentong rice suffiency noong 2009-2013 at ikatlo ang kasoy na tinatayang 90 porsiyento ng produksiyon ng kasoy sa bansa ay mula sa Palawan.

Ilan aniya sa produkto ng niyog na inilalabas sa lalawigan ay ang kopra kung saan ay kinakatas ito upang maging langis, ginagamit din itong feed additives at iba pang gamit pang-industriyal.

Sa kasalukuyan ay pinagtutuunan ngayon ng sektor ng magniniyog ang produksiyon ng coco-sugar na naging mabenta na sa mga pamilihan sa lalawigan bilang alternatibo ng asukal na mula sa tubo.

Ang iba pa aniyang mga produktong pang-agrikultura na maipagmamalaki ng lalawigan ay ang saging, oil palm, mais, mangga, cacao, root crops at rubber.

Sa sektor naman ng pangisdaan, ani Cabungcal ay maipagmamalaki ng lalawigan ang pagiging isa sa mga pangunahing seaweeds producer ng bansa at number 1 seaweeds producer sa rehiyon ng Mimaropa.

Si Dr. Cabungcal ay isa sa mga naging resource speaker sa ginanap na Ugnayan ng Philippine Information Agency (PIA) na may temang “ASEAN: A Community of Opportunities” na isinagawa sa lungsod ng Puerto Princesa kamakailan na dinaluhan ng mga information officer ng iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan sa Palawan, gayundin ng mga information officer ng mga lokal na pamahalaan at mga media. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

Tagalog news: 14 fiberglass na bangka, ipagkakaloob ng BFAR sa fish sanctuaries sa Romblon

ROMBLON, Romblon, Hunyo 13 (PIA) — Nangako si BFAR Mimaropa Regional Director Elizer Salilig na magbibigay ang kanyang tanggapan ng 14 na fiberglass na bangkang de motor sa mga fish sanctuaries sa bayan ng Romblon.

Tiniyak naman ng BFAR Romblon Fishery Office na bago magtapos ang taong kasalukuyan ay kanilang maipadadala ang naturang mga bangka sa 14 na barangay sa Romblon na mayroong fish sanctuary.

Nilalayon ng proyektong ito na mabantayang maigi ang mga pangitlogan ng isda at ng iba pang uri ng lamang dagat upang makapagparami ang mga ito.

Ayon kay Edgardo M. Molina, fishery technician ng Office of the Municipal Agriculturist, ang mga fiberglass na bangka ay ipagkakaloob sa mga Bantay Dagat ng bawat barangay na siyang regular na magpapatrulya sa fish sanctuary upang bantayan ito laban sa mga iligal na pumapasok dito at gumagawa ng maling paraan ng pangingisda.

Dapat rin aniyang pangalagaan ng mga Bantay Dagat ang tulong na kanilang natanggap mula sa BFAR, huwag ipagbibili at gamitin ng tama upang magtagal ito.(DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Tagalog news: 150 magsasaka sa Romblon, tumanggap ng kagamitan sa pagsasaka at binhi

ROMBLON, Romblon, Hunyo 13 (PIA) — Bilang suporta ng pamahalaan sa 150 magsasaka ng bayan ng Romblon, namahagi ngayong araw ang Office of the Municipal Agriculturist ng mga kagamitan sa pagsasaka na nagkakahalaga ng kabuuang PhP1.132 milyon.

Layunin ng proyekto na matulungan ang mga mahihirap na magsasaka upang umangat ang kanilang buhay sa pamamagitan ng mga ayudang ipinagkakaloob sa kanila ng pamahalaan.

Ang mga magsasaka ay mula sa iba’t ibang barangay na natukoy ng Office of the Municipal Agriculturist -Romblon ay tumanggap ng mga kagamitang pansaka sa ilalim ng Integrated Community Food Production Program ng nasabing tanggapan sa pakikipatulungan ng Department of Interior and Local Government (DILG) at National Anti-Poverty Commission (NAPC).

Ang bawat magsasaka ay tumanggap ng kagamitan sa pagsasaka na kinabibilangan ng kompletong set ng gardening tools, asarol, kalaykay, spring clear, banana seedlings at iba’t ibang uri ng binhi ng gulay.

Makatatanggap rin ang mga benepisyaryong magsasaka ng mga native chicken upang kanilang aalagaan at pararamihin bilang karagdagang pagkakakitaan sa araw-araw.

Sinabi ni Mayor Mariano M. Mateo na kailangan paunlarin ang produksiyon ng gulay upang maibenta sa palengke at dapat may sapat na supply sa merkado kung kaya patuloy aniyang sinusuportahan ng lokal na pamahalaan ang mga maliliit na magsasaka sa pagpaparami ng kanilang produkto.(DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Tagalog news: Cacao Farmers’ Training, isinasagawa sa San Agustin, Romblon ng DTI Romblon

SAN AGUSTIN, Romblon, Hunyo 7 (PIA) — Pinangunahan ng Department of Trade and Industry (DTI) – Romblon sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng San Agustin ang pagsasagawa ng Cacao Farmers’ Training na gaganapin sa Hunyo 5-7.

Layunin ng pagsasanay na makahikayat ng mga magsasaka sa bayan ng San Agustin na magtanim ng cacao dahil may magandang kita sa pagtatanim nito.

Ayon kay DTI Provincial Caretaker Orville F. Mallorca, ito ang tamang panahon na subukan ng mga taga-San Agustin na magtanim ng cacao dahil may malaking pangangailangan sa produktong ito sa ating bansa at maging ibang bansa partikular sa Europa.

Si Ginoong Nick Madrilejos, isang graduate sa Cacao Doctors’ Training sa Davao, ang nagsilbing lecturer ng pagsasanay kung saan kanyang ipinaliwanag sa mga magsasaka ang wastong pagtatanim at pangangalaga ng cacao.

Sa pamamagitan ng power point presentation, ipinakita ng DTI Romblon ang bentahan ng mga produktong cacao mula sa nagtatanim nito hanggang sa mga malalaking kumpanyang nagpoproseso ng cacao.

Ipinaliwanag din ng mga kawani ng DTI ang malaking pakinabang ng industriya ng cacao at ang kakayahan nitong makapagbigay ng trabaho lalo na sa mga nasa kanayunan na tumutugma sa programang pangkaunlaran ng pamahalaan.

Inaasahan naman ni Mayor Esteban Santiago F. Madrona na sa pagtatapos ng tatlong araw na Farmers’ Training ay ganap na nilang mahikayat ang mga partisepante na magtanim ng cacao sa kanilang mga bukirin dahil nakahanda aniyang maglaan ng pondo ang LGU San Agustin sa programang ito.(DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Tagalog news: Organikong paraan ng pag-aalaga ng baboy, isinagawa sa Odiongan

ODIONGAN, Romblon, Hunyo 5 (PIA) — Ang Agricultural Training institute (ATI) – Mimaropa, sa pakikipagtulungan ng Office of the Provincial Agriculturist ay nagsagawa ng libreng pagsasanay sa pag-aalaga ng baboy sa organikong paraan para sa mga agricultural extension workers (AEWs).

Ang tatlong-araw na ‘Training on Livestock Production: The Organic Way’ ay ginanap sa Haliwood Inn sa bayan ng Odiongan noong isang linggo na dinaluhan ng mahigit 40 nagaalaga ng baboy mula sa bayan ng Romblon, Looc, San Agustin, Odiongan at Calatrava.

Ang pagsasanay ay pinangunahan nina Project Manager Manilyn M. Tejada at Assistant Project Manager Angelica P. Pelaez ng ATI Mimaropa sa tulong ng kanilang resource person na si Romulo Lorenzo Ostil kung saan pinaliwanag nito kung anu-anong uri ng pananim ang pwedeng gamitin sa paggawa ng organikong pagkain ng baboy.

Kanya rin pinangalanan ang iba’t ibang lahi at katangian ng baboy tulad ng land race, large white, durok boar, berkshire boar, hamshire boar, pietrain poar at meishan sow.

Ayon pa sa kanya, ang pagpili ng bulugang baboy ay isinasagawa kapag ang mga ito ay nasa edad apat hanggang anim na buwan. At sa pagpili ng gagawing barako o inahin, mabuting pamantayan ang pagiging hindi piki o sakang ang baboy. Hindi rin umano dapat lupaypay ang ulo ng baboy kapag naglalakad at nasa tama ang taas ng mga paa.

Dinagdag pa kay Ostil na ang isang bulugang baboy ay pwede nang gamitin kung ito ay may edad na pito’t kalahating buwan. Ang nasabing bulugan ay dapat may kakayahan ng sumampa sa inahing baboy, maganda ang kalidad at bilang ng semilya, at may tamang libido.

Itinuro rin nito ang pagkuha ng semilya sa bulugang baboy at kung paano isagawa ang artificial insemination sa mga inahing baboy.

Ipinaliwanag pa ng training specialist, na ang mga kadalasang nagiging sakit ng baboy ay ang pagtatae, sipon, at lagnat.

Dinagdag pa niya na upang  maiwasan ang ganitong sakit, dapat ay may tamang pagpapaligo, panatilihing malinis ang kulungan at regular na pagpupurga.

Sa pagtatapos ng seminar, nagpasalamat ang mga partisepante sa ATI Mimaropa sa pagbibigay nito ng pagsasanay sa kanila dahil dagdag kaalaman ito sa wastong pag-aalaga ng baboy na hanap-buhay ng maraming taga-Romblon.(DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Katimugang bahagi ng Sablayan, tumanggap ng ayuda mula DA Mimaropa

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Hulyo 6 (PIA) – Tumanggap kamakailan lamang ang Katimugang bahagi ng Sablayan ng tulong mula sa Department of Agriculture (DA) Mimaropa.

Unang nabigyan ng ayuda ay ang Ligaya Farmers Association (FA) kung saan tumanggap ito ng mini tractor. Ayon kay Elvie Cabalbag, Sablayan OIC Municipal Agriculturist Office ng South Extension Office, ang mini-tractor ay malaking tulong sa mga gawaing pansakahan tulad ng pagbubungkal ng lupa ng mga magsasaka. “Ang Ligaya FA ay may 25 kasapi subalit maaring gumamit din ng naturang mini tractor ang iba pang magsasaka ng barangay Ligaya”, dagdag pa ni Cabalbag.

Binigyan din ng DA Mimaropa ang mga katutubo na kabilang sa naturang lugar ng 115 bags ng upland seeds o mga butil ng palay na magandang itanim sa matatas na lugar o kabundukan at 40 bags ng NSIC (National Seed Inspection Committee) 300, na itinatanim ng mga katutubo sa kapatagan. Ang mga variety ng upland seeds ay ang Buladlad, Frisco at Tinongo.

Samantala may nakahanda namang 8,000 kilo ng mongo seeds para sa lahat ng mga magsasaka ng Katimugang bahagi ng Sablayan na maari nilang itanim pagkatapos ng anihan. Ang mongo ay magandang pamalit sa palay (crop rotation) dahil bukod sa hindi nito kailangan ng maraming tubig ay nakatutulong ito upang manatiling mayaman ang lupa.

Ang mga butil ng palay at mongo ay sasailalim sa Balik-Binhi Program, kung saan ibabalik ng mga magsasaka ang mga binhing tinanggap nila pagdating ng anihan. Ito ay muling ipapamahagi sa iba pang mga magsasaka ng naturang lugar.

Ang mga barangay na kabilang sa Katimugang bahagi ng Sablayan ay ang Burgos, Ligaya, Nicolas, General Emilio Aguinaldo, Malisbong at ang Penal Colony. (VND/LBR/PIA 4B/Occ Min)

Binhi ng palay sa OccMin, inangkat sa kalahating presyo

BY: VOLTAIRE N. DEQUINA

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Hun 5 (PIA) – Nagkaroon ng pagkakataon ang mga magsasaka ng San Jose na makabili ng mga binhi ng palay sa kalahating presyo kada sako.

Ito ay dahil namahagi ang Municipal Agriculture Office (MAO) ng certified seeds na may 50/50 scheme kamakailan sa ilalim ng programang Subsidized Certified Seeds Distribution (SCSD).

Sa kasalukuyan ang bawat isang sako ng certified seeds ay nagkakahalaga ng P1,200 kung kaya’t mabibili na lamang ito ng mga benepisyaryo (magsasaka) sa halagang P600.

Ang mga certified seeds na maaring mabili ay ang International (IR) Rice (RC) 42, Philippine Seed Board (PSB) RC 18, PSB RC 82, PSB RC 10, National Seed Industry Council (NSIC) RC 240, NSIC RC 298, NSIC RC 224.

Kabilang ang Mina de Oro Seed Growers Cooperative at Seed Producers Cooperative of Occidental Mindoro (SEPCOM), mga kooperatiba sa San Jose, sa pinagkunan ng mga nabangit na certified seeds variety.

Naglaan si Mayor Romulo Festin ng P 12, 000,000 mula sa pondo ng pamahalaang lokal para sa programang ito” ayon kay Officer-In-Charge Municipal Agriculturist Iny Lourdes Peroy.

Idinagdag pa ni Peroy na naniniwala si Festin na ang agrikultura ay isa sa magiging susi ng pagunlad ng San Jose. (VND/LBR/PIA 4B/Occ Min)