Tagalog news: Mga minero ng Puerto Galera, bingyan ng alternatibong kabuhayan

PUERTO GALERA, Oriental Mindoro, Agosto 8 (PIA) – Pinagkalooban ng pamahalaang panlalawigan ng alternatibong kabuhayan ang mga minero sa halip na ipagpatuloy ang pagmimina sa kanilang lugar na lubhang mapanganib para sa kalikasan.

Ang programang Strategic Intervention Community-focused Action Towards Development (SICAD) ay nagkaloob ng sustainable livelihood projects para sa mga minero ng Puerto Galera.

Matatandaan na kamakailan lamang ay magkakatuwang na pinasimulan ng SICAD, Canada Fund for Local Inititives at pamahalaang lokal ng Puerto Galera ang 371 meters Mangrove Walkways na ngayo’y nagsisilbing atraksyon sa mga  turistang  dumarayo sa nasabing bayan.  Ang  mga  kasapi ng Samahang Pangkabuhayan ng Taga-Dulangan (SPTD) at Tabinay Puerto Galera Sagip Kalikasan at Kabuhayan (TPGSKK) ay  kumikita na ngayon  sa pagbabantay sa naturang walkway sa halip na mag-mina.

Nagbigay rin dito ng malaking tulong ang Malampaya Foundation Inc.(MFI) at Conservation International (CI) para sa katuparan ng proyekto.

Dahil sa hirap ng buhay ng mga minero at anila’y walang basta mapagkakitaan, pagmimina ang halos kinagisnan ng ikinabubuhay ng mga tao partikular ang mga taga-Brgy. Tabinay at Brgy. Dulangan, dalawa  sa 13 barangay na sakop ng bayan ng Puerto Galera.

Hindi nila alintana ang masamang dulot sa kalikasan ng small-scale mining basta kumita lamang at maitawid  ang pang-araw  araw  na pamumuhay. Ngunit kaaakibat nito ay ang pinangangambahang masakripisyo ang magandang kalikasan ng kanilang bayan at posibilidad ng panganib sa kanilang buhay.

Upang kagyat na masolusyunan ang suliranin hinggil sa pagmimina, pinangunahan ni Gob. Alfonso V. Umali Jr., sa pamamagitan ng SICAD ang mga istratehiyang aalalay sa small-scale miners.  Kaagad na nakipag-ugnayan ang  pamahalaang panlalawigan sa international agencies at non-government organizations (NGOs) upang tumulong sa pagkakaloob ng iba pang mga alternatibong pangkabuhayan para sa mga minero.

Pangunahing naging inisyatiba ng SICAD ang maipaunawa sa mga minero ang masamang epekto sa kalikasan ng kanilang itinuturing na magandang hanapbuhay. Nagsagawa ang SICAD ng information and education campaign (IEC), seminars at livelihood trainings para sa kapakinabangan ng maraming mamamayan.  (CPRSD/LTC/PIA-Mimaropa/Calapan)

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s