Tagalog news: Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic, nagsagawa ng kanyang “Ulat sa Bayan”

ODIONGAN, Romblon, Agosto 2 (PIA) — Isinagawa ni Odiongan Mayor Trina Alejandra Q. Firmalo-Fabic ang kanyang kauna-unahang “Ulat sa Bayan” o State of the Municipality Address (SOMA) sa harap ng Odiongan Municipal Hall pagkatapos ng flag raising ceremony kahapon.

Ito ay dinaluhan ng matataas na opisyal ng lalawigan, mga kinatawan ng National Government Agencies, Sangguniang Bayan Members ng Odiongan, mga empleyado ng munisipyo, barangay officials, head of schools, non-government organizations, religious groups at iba’t ibang sektor ng lipunan.

Sa SOMA ni Mayor Fabic, kanyang ipinahiwatig na inaambisyon ng kasalukuyang administrasyon na maging unang siyudad sa lalawigan ng Romblon ang bayan na kanyang pinamumunuan.

“Bayang mangunguna sa lalawigan na nagsusumikap maging isang lungsod; na nakaagapay sa mga kababayang mapagmamal at may takot sa Diyos, mapagkalinga, may paninidigan, masipag, matatag sa mga hamon ng buhay at malusog; na nagtatrabaho para sa progresibong ekonomiya at pinapahalagahan ang kalikasan tungo sa pangkahalatang kaunlaran na ginagabayan ng matatapat, may paninidigan at aktibong mga namumuno.” ayon sa Vision ng Odiongan na binasa ni Mayor Trina Firmalo-Fabic sa kanyang talumpati.

“Ang mga programa at proyekto ng inyong munisipyo ay naka-angkla sa vision o pangarap na ito at sa layunin nating makapag bigay ng Serbisyong May Puso,” dagdag ng alkalde.

Sinabi rin ng alkalde na ang Odiongan Municipal Police Station ay magpapatayo ng isang city-type police station sa Barangay Dapawan na maaring maitayo sa susunod na taon kung saan ang loteng pagtatayuan nito ay ipinagkaloob ng lokal na pamahalaan.

Nagbiro rin ang alkalde kaugnay sa kakulangan ng populasyon ng Odiongan para sa pagiging City Hood nito.

Ayon pa sa mayora, plano ng pamahalaang lokal na magtayo ng Birthing Center at magbibigay ng baby box sa mga manganganak rito kaya baka dumami na ang mga taga-Odiongan na gustong magkaanak dahilan para maabot na ang population requirement upang maging siyudad.

Alinsunod sa batas, para maging siyudad ang isang bayan kailangan nitong: una magkaroon ng atleast P100 Million average annual income sa loob ng dalawang taon; pangalawa, magkaroon ng at least 100 square kilometers land area o di kaya’y umabot ng 150,000 ang populasyon ng bayan.

Malaki at dumami na rin aniya ang dumagdag na negosyo sa bayan ng Odiongan magmula Hulyo 2016 hanggang Hunyo 2017.

“Ngayong taong 2017 mula Enero hanggang katapusan ng Hunyo, mayroong 1,545 na mga negosyo na kumuha ng business permits, 1,291 ang mga nag-renew at 254 ang mga bagong negosyo na nag-aplay ng permit. Average po yan ng 42 na negosyo na nagbubukas sa Odiongan kada-buwan,” paliwanag ng alkalde.

Ayon pa sa alkalde, nitong Hulyo 2017, may nadagdag pang 51 negosyong naparehistro kaya mayroon ng kabuuang 1,596 negosyo sa bayan ng Odiongan sa kasalukuyan.

Batay sa datus, aabot ng Php746,804,641 ang perang naka-invest sa Odiongan ng mga namumuhunan at dahil dito ay umangat rin ang ekonomiya ng Odiongan sa 16.7 porsiyento sa unang anim na buwan ng 2017 kumpara noong 2016.

“Napakabilis ng growth ng ating bayan. Maganda ang ekonomiya natin. Positibo ang tingin ng mga tao sa pagnenegoso at pag-iinvest dito sa bayan ng Odiongan,” pahayag ng alkalde.

Ipinagmalaki rin ni Mayor Fabic na updated na ang Comprehensive Land Use Plan (CLUP) ng bayan ng Odiongan para sa makabagong panahon kung saan nakatala ang mga zoning at long-term development plan ng naturang bayan.

Makikita sa Comprehensive Land Use Plan kung nasaan ang industrial area, residential area, business area, at agricultural area.

Taong 2002 pa aniya na-update ang CLUP ng Odiongan kung saan noon kakaunti pa lang ang tao at hindi pa gaanong masikip sa kabayanan.

Sa bagong Comprehensive Land Use Plan ng Odiongan kasama na ang mga Barangay ng Dapawan, Poctoy, Batiano at Tulay sa mga Urban Barangays, dagdag ito sa limang barangay na nasa sentro ng bayan.

Dumaan na aniya sa public hearings ang nasabing CLUP at naisumite na sa Provincial Land Use Committee at bukod pa sa CLUP ay naisumite na rin sa Sangguniang Bayan ng Odiongan at Department of Interior and Local Government (DILG) ang Comprehensive Development Plan at Municipal Water Supplies, Sewerage, and Sanitation Plan.

Hinihiling din ni Mayor Fabic sa Sangguniang Bayan ng Odiongan na tulungan siyang masolusyonan ang problema sa transportasyon.

“Inaasahan po natin na ang ating Sangguniang Bayan ay aksyunan po ang sitwasyon po sa ating mga tricycle at mga kolorum [na tricycle] para po sa taong bayan,” turan ng alkalde.

Nilalayon aniya ng LGU Odiongan sa ilalim ng kanyang pamamahala na magkaroon ng pangmatagalang solusyon sa sitwasyon ng transportasyon at daloy ng trapiko sa Odiongan.

Isa aniya sa isinusulong na panukala ng Sangguniang Bayan ng Odiongan ang magkaroon ng taripa para sa mga tricycle upang pantay pantay ang paniningil ng pamasahe at maiwasan ang pananamantala sa mga pasahero.

Maliban sa problema sa tricycle, inihayag rin ni Mayor Fabic na maglalagay sila ng South Terminal na itatayo sa Barangay Tulay kung saan dito lang maaaring pumarada ang mga jeep na galing o patungong mga bayan ng Looc, Ferrol, Alcantara, Sta Fe., at Sta. Maria o mga sasakyan na bumibiyahe sa Southern Part ng Tablas Island.

Ang terminal sa public market ay tatawagin aniyang North Terminal kung saan paparada naman ang mga sasakyan na bumibiyahe galing at papuntang Northern Tablas.

Ipinangako rin ng alkalde na kanyang ipagpapatuloy ang mga proyekto at programang nasimulan para mas maramdaman ng taga-Odiongan ang serbisyo ng pamahalaan hanggang sa malalayong barangay ng bayan na kanyang pinamumunuan.(PJF/DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s