Tagalog news: Pagkain at pagbenta ng shellfish mula Taytay, Palawan ipinagbawal ng LGU

PUERTO PRINCESA, Palawan, Hulyo 31 (PIA) — Pinagbabawalan ngayon ng lokal na pamahalaan ng Taytay ang mga residente na mangolekta, magbenta at kumain ng kahit anong uri ng shellfish mula sa Malampaya Sound.

Ito ay matapos na paabisuhan kahapon ng opisina ng Provincial Agriculturist (OPA) ang munisipyo sa pagtaas ng red tide toxin sa nasasakupan ng baybayin.

Sa panayam ng Philippine Information Agency (PIA) kay Mayor Romy Salvame ng bayan ng Taytay , tinuran nitong nagpababa na siya ng kautusan ngayong araw na harangin ang mga ibinibentang shellfish maging alamang sa pamilihang bayan at paabisuhan ang mga barangay na bantayan at paalalahanan ang mga mamamayan na huwag munang kakain at magbebenta ng shellfish na nakukuha sa Malampaya Sound.

Kaugnay nito, umabot sa 18 indibiduwal mula sa Barangay Alacalian sa nasabing bayan ang nakaranas ng sintomas ng pagkalason ng red tide mula sa kinaing tahong.

Sa nasabing bilang, 16 ang naisugod sa pagamutan, pero isa ang agad na nakalabas ng ospital, habang ang isa pang biktima ay namatay.

Ayon kay Dr. Peter Curameng, provincial officer ng Department of Health (DOH), ituring na red tide ang sanhi ng pagkalason ng mga biktima base sa sintomas na naranasan ng mga ito.

“Nakaranas kasi ng pagsusuka at pamamanhid ng bibig at buong katawan ang mga biktima, tapos iyong namatay, nangingitim.  Ang mga iyon ay sintomas ng red tide poisoning”, ani Dr. Curameng.

Samantala, sa lungsod ng Puerto Princesa, binabantayan na rin ang lokal na pamahalaan ang mga pamilihan na nagtitinda ng tahong o ano mang uri ng shellfish na manggagaling sa Malampaya Sound matapos na paabisuhan ng OPA ang City Agriculturist kaugnay sa pagtaas ng kontaminasyon ng red tide toxin sa nabanggit na lugar.

“Sapat na ang natanggap nating advise mula kay Dr. Romeo Cabungcal ng OPA para paalalahanan ang mga kababayan natin sa Puerto Princesa na huwag na munang bibili ng o kakain ng tahong mula sa Malampaya Sound”, ani City Agriculturist Melissa Macasaet sa PIA.

Sa ngayon, mahigpit ang pagbabantay ng mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan sa posibleng panganib sa pagkain ng shellfish na kontaminado ng red tide.

Hindi pa rin inaalis ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang nakataas na shellfish ban sa lungsod dahil sa kontaminasyon ng red tide sa Puerto Princesa City Bay. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s