Tagalog news: Bagong ‘supplemental feeding program’ ng DSWD, ipatutupad sa Palawan

PUERTO PRINCESA, Palawan, Hulyo 12 (PIA) — Ipatutupad na sa lahat ng mga barangay sa buong lalawigan ang bagong ‘supplemental feeding program’ ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) simula Hulyo 2017 kasabay ng Nutrition Month.

Ayon kay Rachel T. Paladan, ang Provincial Nutrition Action Officer (PNAO) ng pamahalaang panlalawigan, ang bagong programang ito ng DSWD na malawakang ipinatutupad sa buong bansa ay ang ‘Twice a Day Supplemental Feeding Program’ kung saan dalawang beses pakakainin sa isang araw ang mga kulang sa timbang o malnourished na mga bata na may edad tatlo hanggang limang taong gulang na nag-aaral sa mga Day Care Center.

Ani Paladan, sa programang ito ang DSWD ay naglaan ng halagang mahigit sa P62 milyon para lamang sa Palawan na direktang isasalin sa mga lokal na pamahalaan ng mga munisipyo para sa implementasyon ng nasabing programa.

Dagdag pa ni Paladan na malaki ang maitutulong ng programang ito sa lalawigan upang mapababa ang Malnutrition Prevalence Rate (MPR) kung saan ang Palawan ang may pinakamataas na MPR sa buong Mimaropa.

Bago ang pagpapatupad nito ay sumailalim muna konsultasyon at oryentasyon ang mga tagapagpatupad ng programang pang-nutrisyon sa lalawigan ng Palawan na kinabibilangan ng Provincial at Municipal Nutrition Action Officers (MNAO), Municipal Social Welfare and Development Officers (MSWDO) at Child Development Coordinators (CDC) kamakailan.

Ang SFP ay ipinapatupad sa ilalim ng DSWD na ang pangunahing layunin ay maibaba ang Malnutrition Prevalence Rate (MPR) sa buong bansa. Ito ay alinsunod sa Local Government Code of the Philippines o ang R.A 7160.

Samantala, ang mga MNAO at MSWDO katuwang ang CDC ang naatasang magpatupad ng nasabing programa sa mga munisipyong kanilang nasasakupan alinsunod sa implementing procedures ng DSWD. Ang Provincial Nutrition Office (PNO) naman ang magsasagawa ng monitoring at evaluation ng naturang programa. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s