BANSUD, Oriental Mindoro, Hulyo 5 (PIA) – Pinasinayaan kamakailan ni Gob. Alfonso V. Umali, Jr. ang isang gusaling pampaaralan na may tatlong gender sensitive designed classrooms sa Proper Bansud Elementary School sa bayan ng Bansud.
Ito ang naging bunga ng patuloy na pakikipagtuwang ng pamahalaang lokal sa mga ahensyang nasyunal tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang patuloy na maitaguyod ang anti-poverty alleviation program ng pamahalaan.
Ang naturang gusali na nagkakalahaga ng P1.75 milyon ay proyekto sa ilalim ng Kapit-bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS) ng DSWD sa pamamagitan ng Asian Development Bank (ADB) at ng Pamahalaang Bayan ng Bansud.
Ang mga proyekto ng DSWD sa ilalim ng KALAHI-CIDSS ay binabalangkas sa antas ng komunidad kung saan ang target beneficiaries ang nagpaplano at tutukoy sa proyektong nais nilang maipagkaloob sa kanila ng DSWD.
Bahagi ng proseso ng naturang ahensya sa pagtukoy ng mga nagiging recipient ng proyekto ang serye ng barangay assembly, municipal inter-barangay assembly, at pakikipag-ugnayan sa pamahalaang bayan na pangunahing katuwang ng DSWD sa paglalaan ng pondo para sa itatayong proyekto. Nakaalalay naman sa aspektong ito ang pamahalaang panlalawigan.
Samantala, nagpasalamat ang pamunuan ng nabanggit na paaralan sa mga nagtulung-tulong upang maipagkaloob sa kanila ang bagong gusali na may may hiwalay na comfort rooms para sa mga babae at lalaking mag-aaral. (CPRSD/LTC/PIA-Mimaropa/Calapan)