Tagalog news: Pagsasaayos ng pinsala sa Windmill Power Project sa Galera, iniutos ni Gob. Umali

PUERTO GALERA, Oriental Mindoro, Hulyo 4 (PIA) – Agarang ipinag-utos ni Gob. Alfonso V. Umali, Jr. sa mga kinauukulan ang pagsasaayos ng naiulat na pinsala sa Windmill Power Project ng bayang ito.

Matatandaan na kamakailan lamang ay dumulog sa tanggapan ng gobernador ang pamahalaang Bayan ng Puerto Galera sa pangunguna ni Mayor Rockey D. Ilagan at Vice-Mayor Marlon Lopez upang iparating ang mga reklamo laban sa Philippine Hybrid Energy Systems, Inc. (PHESI), ang kontraktor ng Windmill Power Project.

Mula sa palitan ng mga paliwanag ng magkabilang panig, pinangangambahang mapatigil ang konstruksyon ng 16 megawatt Wind Power Project kapag hindi nakasunod ang kontraktor nito sa mga kondisyong inihain ng Pamahalaang Bayan ng Puerto Galera at Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) monitoring team nang magharap ang mga ito sa tanggapan ni Gob. Umali.

Iniutos ng Punong Lalawigan sa kontraktor ng proyekto na aksyunan at resolbahin agad ang problemang kinakaharap ng mga nagreklamong residente na naapektuhan ng konstruksyon.

Nauna rito, marami ang nagreklamo sa tanggapan ni Mayor Ilagan hinggil sa umanoy paglabo ng tubig at pagkulay putik nito sa Baclayan River dahil sa gumuguhong lupa mula sa itaas ng bundok kung saan isinasagawa ang paghuhukay para sa konstruksyon ng walong wind tower.

Inirereklamo rin ng mga mamamayan sa Puerto Galera ang PHESI dahil pati ang pinagkukunan ng kanilang tubig inumin diumano ay naaapektuhan na rin. Ito ay ang Mt. Baclayan watershed. Kasama sa reklamo ang gumuguhong lupa rito at bumababaw namang Baclayan River kung kaya nagkukulay putik ito.

Sa report ni Puerto Galera Environment and Natural Resources Officer Joan A. Yap, nakokontamina na aniya ang suplay ng tubig sa mga lugar ng Navinasan, Baclayan, Hondura gayundin ang Tabinay River at Balatero River kapag malakas ang ulan.

Ayon pa sa report, ang pagbabaw rin ng Balatero River dahil sa gumuguhong lupa ay nakaaapekto sa Ponderosa River sa Barangay San Isidro. May mga reklamo ring may dumadaloy na putik sa may Hondura Bay, isang fishing ground sa Brgy. Poblacion.  Apektado rin ng konstruksyon ang paglabo ng tubig sa Tamaraw Falls.  Naiulat din na hindi nakapagsumite ang PHESI ng action plan para sa environmental restoration na hinihingi ng lokal na pamahalaan.

Upang ayusin ang dalawang panig, binigyan ni Gob. Umali ng deadline ang PHESI para aksyunan ang mga naturang reklamo sa loob ng isang linggo at nagpirmahan ang mga ito sa mga sumusunod na kondisyon: pag-iinstala ng water filtration system bago at pagkatapos ng water reservoir na nasa Baclayan watershed upang maibalik ang dating linis ng tubig na nanggagaling nito; pagkakaroon ng representasyon sa mga dapat gawin at pagpupulong ng monitoring team ng CENRO gayundin ang Sangguniang Bayan ng Puerto Galera; agarang pagpapaluwal ng pondo, ang environmental guaranty fund,  para sa social responsibility nito sa mga naapektuhang residente malapit sa proyekto dahil sa pagdumi ng tubig dulot ng hinuhukay na pagtatayuan ng tower; paggawa ng silt mitigation plan at inaasahang sisimulan ang pag-aksyon dito  sa madaling panahon; at pagtukoy sa tamang tambakan ng mga hinukay na lupa malayo sa lugar ng proyekto na hindi tatabag sa ibaba ng bundok kapag umuulan.

Sa mga naturang kondisyon, lumagda sa pledge of commitment ang PHESI na kinakatawan ni Project Site Manager Engr. Roderick Epa at ng lalawigan sa pamumuno ni Gob. Umali, kasama si Mayor Ilagan at ang Sangguniang Bayan ng Puerto Galera sa pangunguna ni Vice Mayor Lopez.

Hinamon din ni Mayor Ilagan na kung hindi maipatutupad at magagawa ang mga naturang kondisyon, mapipilitan silang ipasara at ipatigil na ang naturang proyekto.

Ang P6 bilyong halaga ng Windmill Power Project ay isang renewable power energy na sinimulan noon pang 2007. Nakatakdang magtayo rito ng walong 230-feet tall wind tower na makalilikha ng hanggang 6 megawatts bawat tower o 48 megawatts na kabuuang maisu-supply na kuryente kapag ito ay natapos na.  Inaasahan itong makadaragdag sa suplay ng kuryente sa isla ng Mindoro at makatutulong sa higit pang pag-unlad ng Oriental Mindoro. (CPRSD/LTC/PIA-Mimaropa/Calapan)

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s