Tagalog news: Turismo sa Puerto Galera, higit pang pauunlarin, ayon kay Mayor Ilagan

PUERTO GALERA, Oriental Mindoro, Hunyo 13 (PIA) – Kilala na ang Puerto Galera sa larangan ng turismo ngunit marami pa rin ang kailangang ayusin upang lalo pa itong dayuhin ng mga turista.

Ito ang ipinahayag ni Puerto Galera Mayor Rockey D. Ilagan sa isang panayam ng lokal na mamamahayag kamakailan.

Ayon kay Mayor Ilagan, kailangan pang ayusin ang ilang basic services, kailangan ding magkaroon ng mas mahusay na tourism promotions at higit pang isaayos ang tourist destinations para sa kapakinabangan ng mga turistang pumupunta sa kanilang bayan.  Idinagdag din niya ang mga proyektong isasagawa ng kanyang pamunuan ngayong taon.

Ayon kay Ilagan, sa taong ito, bubuksan na ang 2.8 kilometrong zipline mula sa Tamaraw Falls hanggang sa dalampasigan ng Brgy. Villaflor sa Puerto Galera.  Maituturing na ito na ang pinakamahabang zipline sa buong Pilipinas.  Ito ay proyektong pinondohan ng Pamahalaang Bayan.

Itatayo rin, aniya, ang Cultural Heritage Park sa Muelle Port na may P60 milyon grant mula sa Tourism Infrastructue and Enterprise Zone Authority (TIEZA).  Bukod pa rito, P100 milyon naman ang kaloob ng Department of Tourism para sa pagsasaayos ng sewerage system at road network sa Brgy. Sabang.

Binanggit din ni Ilagan ang pagkakaroon ng higit na magagandang tourism activities sa White Beach.  Nilagyan na, aniya, ng designated swimming areas at pinagsama-sama na rito ang iba’t ibang water sports activities. Inilipat na rin sa Minolo Port ang maliliit na bangka na nakadaong sa dalampasigan ng White Beach na ginagamit para sa mga beach tours.

Marami na ring malalaking kumpanya ang naglunsad ng kani-kanilang promotional activities sa Puerto Galera, ani Mayor Ilagan.

Pagkatapos ng apat na taong pagkawala, bumalik na ulit ang San Miguel Brewery ngayong summer at naglunsad ng kanilang promo campaign tuwing Sabado ng gabi.  Iba’t ibang promo campaign din ang gingagawa ng Globe Telecom at ang kumpanya ng Head and Shoulders shampoo.

Sa simula ng termino ni Mayor Ilagan bilang punumbayan, isa sa kanyang binigyang-pansin ay ang pagsasaayos ng Municipal Disater Risk Reduction and Management Council upang magkaroon ng higit na kahandaan ang mga mamamayan sa panahon ng mga kalamidad at trahedya.

Pinag-uusapan din nila ng Philippine Ports Authority (PPA) ang mungkahi ng ahensya na magkaroon lamang ng one point of entry sa Puerto Galera. May ordinansa, aniya, ang Sangguniang Bayan na lima ang point of entries sa kanilang bayan: Sabang, Muelle, Balatero, San Isidro, at Talipanan.  Pinagtutuunan nila ng pansin ang pagsasaayos ng water transport system upang higit pang maging maalwan ang pagbibyahe sa lugar.

Samantala, sa darating na 2018, sisimulan na ang unti-unting pagphase-out ng wooden hull vessels. May investor na rin na maglalagay ng linya ng mga fastcraft para sa byaheng Puerto Galera.

Ayon pa kay Ilagan, patuloy ang pagtaas ng bilang ng tourist arrivals sa Puerto Galera. Base sa datos, aniya, mula sa mga hotel at resort at sa kinokolektang environmental user’s fee (EUF) mula sa mga bisitang dumarating sa kanilang bayan, mula Enero hanggang Marso ng taong kasalukuyan, tumaas ng 10-12 porsiyento ang kanilang tourist arrivals.  May naitala namang 15 porsiyento ang itinaas mula Agosto hanggang Disyembre ng nakaraang taon.  Umabot naman sa 15,000 ang bilang ng tourist arrivals noong nakaraang Holy Week.

Nanawagan din si Ilagan sa mga mamamayang Mindoreño na makiisa sa pagtataguyod ng kagalingan ng Puerto Galera, ang ipinagmamalaking tourism capital ng Oriental Mindoro. (CPRSD/LTC/PIA-Mimaropa/Calapan)

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s