Tagalog news: Natural closed season sa ‘Reef-Fish-For-Food’, ipatutupad sa Taytay, Palawan

PUERTO PRINCESA, Palawan, Abril 19 (PIA) — Magkakaroon na ng natural closed season sa ipinatutupad na Administrative Order No. 5 series of 2014 ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) o ang open and closed season ng Reef Fish-for-Food (RFF).

Ito ang isa sa mga usaping napagkasunduan sa isinagawang diyalogo kamakailan sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa pangunguna ni Gob. Jose Chavez Alvarez, pamunuan ng PCSD, Lokal na Pamahalaan ng Taytay, Palawan sa pamumuno ni Mayor romy Salvame at ng mga miyembro ng Pinag-isang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas o Pamalakaya-Palawan Chapter sa pangunguna ni Fernando Buante.

Ang nasabing natural closed season ay ipatutupad lamang sa bayan ng Taytay, Palawan mula buwan ng Nobyembre hanggang Marso kada taon kung saan ito ang panahon na malakas ang hanging amihan at hindi makapangisda ang mga tao sa nasabing bayan.

Ang Administrative Order No. 5 series of 2014 ng PCSD ay ipinapatupad upang mapangalagaan ang industriya ng buhay-buhay sa Palawan. Sa pamamagitan nito ay maiiwasan ang pagkaubos ng buhay-buhay o live fish dulot ng malabisang pangingisda o over fishing.

Kasama rin sa napagkasunduan ang pagbuo ng task force sa bawat barangay na tututok sa paghuli sa mga mangingisda na nagsasagawa ng mga iligal na paraan ng pangingisda tulad ng paggamit ng sodium cyanide at dinamita sa mga karagatang sakop ng munisipyo ng Taytay at iba pang karatig bayan nito.

Ipinaabot din ni Gob. Alvarez na ang pamahalaang panlalawigan ay maglalaan ng Php5 milyong pondo na gagamitin bilang educational trust fund na ipapahiram sa mga apektadong mangingisda para sa pagpapatuloy ng pag-aaral ng kanilang mga anak.

Ang pangangasiwa ng naturang pondo ay ilalagak sa pamahalaang bayan ng Taytay sa ilalim ng tanggapan ng Punong Bayan.

Samantala, nilinaw ng Gobernador na bago maipatupad ang kasunduan ay kinakailangan muna niyang humingi ng pahintulot sa Sangguniang Panlalawigan para sa legal na proseso ng pagbalangkas ng kasunduan.

Ang nasabing diyalogo ay dinaluhan ng mahigit 1,000 miyembro ng Pamalakaya-Palawan Chapter. (PIO/OCJ-PIA MIMAROPA, Palawan)

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s