Tagalog news: Kalusugang pangkaisipan ng mga kabataan sa Palawan, paksa ng pagsasanay

PUERTO PRINCESA, Palawan, Marso 27 (PIA) — Magkatuwang na isinagawa ng Philippine Mental Health Association (PMHA) at ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ang pagsasanay sa mga social worker sa Palawan patungkol sa mental health and behavior disorder ng mga kabataan kamakailan.

Ang nasabing pagsasanay na pinamagatang “Training on Identification and Management of Children with Special Needs” ay dinaluhan ng mga Municipal Social Welfare and Development Officers, mga kawani ng Provincial Health Office (PHO), social workers, psychologists at guidance counselors sa Palawan. Isinagawa ito sa Victoriano J. Rodriguez Hall ng gusaling Kapitolyo.

Isinagawa ang pagsasanay bunsod ng dumadaming pasyente sa Palawan na mayroong problema sa kalusugang pangkaisipan. Ayon kay Lutgarda Ramirez, mental health coordinator ng PHO, sa taong 2016 ay mayroong 1,400 na kaso ng mental disorder ang nai-report sa kanilang tanggapan kung saan 90 porsiyento nito ay nasuring psychosis at 10 porsiyento naman ay dahil sa epilepsy, paggamit ng ipinagbabawal na gamot at depresyon.

Kaugnay nito, iba’t-ibang paksa ang tinalakay sa nasabing pagsasanay upang magkaroong ng kaalaman ang mga social worker kung paano matutugunan ang mga problemang ito.

Ilan sa mga sakit sa pag-iisip at pag-uugali na makikita sa maraming kabataan sa kasalukuyan ay ang Attention Deficit/Hyperactivity Disorder (ADHD) at Intellectual Disability ang tinalakay ni Carolina Uno-Rayco ng PMHA.

Tinalakay naman Llewelyn Issa dela Cruz, mula pa rin sa PMHA ang tamang pamamaraan sa pagtugon sa mga may ganitong sakit. Binigyang diin niya na dapat pagtuunan ng pansin ang mga mabubuting ginagawa at pag-uugali ng mga batang may behavior disorder sa halip na laging pinapansin ang mga mali nilang ginagawa. Sa pagpansin umano ng mga magagandang bagay tungkol sa bata ay maiiwasan ang pagkakaroon nito ng hindi magandang pag-uugali at matutulungan pa sila na makisama sa iba. Dinagdag din niya na dapat ay makibahagi ang mga magulang sa counseling ng kanilang mga anak dahil mas matagal nilang nakakasama ang kanilang anak sa tahanan.

Ayon naman kay Regina G. de Jesus, National Executive Director ng PMHA, malaking usapin na dapat pagtuunan ng pansin ang kalusugang pangkaisipan na minsan ay nagiging dahilan ng paglaki ng kaso ng mga nagpapakamatay at kriminalidad.

Idinagdag niya na balak din nilang magtayo ng PMHA Palawan chapter na maaaring makatulong sa pagdadagdag ng mga gamot para sa mentally disabled na mga pasyente sa lalawigan. (PIO/OCJ-PIA-MIMAROPA, Palawan)

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s